Inday TrendingInday Trending
Nakinig Siya sa Sulsol ng Mga Kaibigan; Ikapapahamak Pala Niya ito sa Huli

Nakinig Siya sa Sulsol ng Mga Kaibigan; Ikapapahamak Pala Niya ito sa Huli

“Alice, tara sama ka na lang sa aming mag-cutting classes!” pag-aaya ni Janeth kay Alice nang mga sandaling iyon. Wala pa kasi ang guro sa kanilang susunod na subject at may usap-usapang hindi na ito papasok sa kanilang section ngayong araw dahil may biglaang meeting daw ito.

“Saan naman tayo pupunta?” tanong naman ni Alice sa kanila na tila mabilis namang naengganyo.

“Diyan lang sa labas. May ipatitikim lang kami sa ’yo,” sagot naman ng isa pa nilang kabarkadang si Tin-tin na may pagtaas-baba pa ng kilay.

Nakaramdam ng pagkasabik ang labing anim na taong gulang na dalagang si Alice sa kung ano ang sinasabi ng mga itong ipatitikim sa kaniya. Dahil doon ay walang pagdadalawang-isip siyang sumama sa kanila.

Palibhasa ay laki sa layaw ay nasanay si Alice na nasusunod ang kaniyang gusto. Nag-iisang anak lang kasi siya ng mga magulang na pareho namang may trabaho kaya nabibigyan nila siya ng maayos at matiwasay na pamumuhay.

Hindi ikinakatakot ni Alice na sumabak sa mga ganoong gawain lalo’t alam naman niyang nariyan ang mga magulang niya at handa siyang saluhin kapag nagkaproblema. Isa pa ay talaga namang masayang kasama ang kaniyang mga kaibigan na nakapagpapamulat sa kaniya ng iba’t ibang gawaing kaniyang kinasasabikan.

“Tikman mo ito, Alice. Mapait ’yan sa una, pero kapag nasanay ka ay tiyak na hahanap-hanapin mo na!” panunulsol ni Janeth noon kay Alice habang inaabutan siya nito ng isang basong may lamang alak. Hindi pa nakalilipas ang isang buwan nang turuan siya ni Tin-tin kung paano manigarilyo. Ngayon naman ay alak ang sumunod niyang matututunan.

Hindi naman nag-atubili si Alice. Agad niyang nilagok ang laman ng baso at naghiyawan ang kanilang mga kasama!

“Alright! Welcome to the club, Alice!” hiyaw ni Jhon. Isa sa kanilang mga kaeskuwela na pinsan ni Janeth. Guwapo ito at mukhang anak mayaman kaya lang ay maloko, katulad ng kaniyang kaibigan. Madalas itong maging laman ng kanilang guidance office dahil sa mga gulong kinasasangkutan nito na madalas ay mga away at pakikipagbasag-ulo. Ganoon pa man ay hindi naman maiwasan ni Alice na magkaroon pa rin ng pagtingin sa binata.

“Ayos, Alice! Ang bilis mong matuto!” hiyaw nina Janeth at Tin-tin nang makasampung shot na ng alak si Alice. Nagpapakitang gilas siya sa hinahangaang si Jhon kaya naman kahit bahagya na siyang nakadarama ng pagkahilo ay patuloy pa rin siya sa pagtanggap kapag tinatagayan siya ng mga ito.

Dahil doon, hindi na namalayan ni Alice na nakakarami na siya ng iniinom. Nagiging agresibo na ang kaniyang mga kilos at animo siya linta kung makapulupot kay Jhon.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagising na lamang si Alice kinaumagahan sa isang hindi pamilyar na silid. Wala na ang lahat ng kaniyang mga saplot at ganoon din ang lalaking katabi niya sa higaan… si Jhon!

Napaiyak si Alice sa nangyari, lalo na nang magising si Jhon.

“I had fun last night, pero sana hindi na ito maulit. I don’t sleep with the same woman, twice,” nakangising ani Jhon sa kaniya.

Sinubukang kalimutan ni Alice ang lahat ng nangyari sa kaniya ngunit talagang hindi niya magawa. Hindi niya akalaing nang dahil lamang sa pagsunod niya sa sulsol ng kaniyang mga kabarkada ay mangyayari sa kaniya ang bagay na iyon.

Bumagsak siya sa halos lahat ng kaniyang mga subjects, naging pala-absent siya at nawalan ng mga kaibigan matapos siyang pag-usapan dahil sa nakakahiyang pangyayaring iyon sa kanila ni Jhon.

Bukod doon ay palagi na siyang napapagalitan ng kaniyang mga magulang. Pakiramdam niya ay siya na lang mag-isa sa mundo.

Ngunit hindi niya akalaing isang araw ay malalaman niya ang isang hindi inaasahang balita…

“M-mama, buntis po ako!” umiiyak niyang pag-amin sa kaniyang ina matapos niyang magpositibo sa pregnancy test dahil sa mga sintomas na kaniyang nararamdaman. Halos gumuho ang kaniyang mundo nang malaman iyon. Nang mga panahong iyon ay hindi na rin pumapasok si Jhon sa eskuwela dahil nag-migrate na ang pamilya nito sa ibang bansa.

Mabuti na lamang at sa kabila ng lahat ng kaniyang mga nagawa ay nariyan pa rin sa kaniyang tabi ang mga magulang na nangakong susuportahan siya hanggang sa siya ay muling makabangon mula sa pagkakalugmok.

Nagpasiya siyang ituloy ang kaniyang pagbubuntis. Kinailangan niyang tatagan ang sarili. Haharapin niya ang hirap na dulot ng mga maling desisyon niya sa buhay at nangakong hindi na muling uulit pa.

Advertisement