“Kuya, ano ito?” Itinaas ng kaniyang bunsong kapatid ang isang kuwaderno at ipinakita iyon kay Benedict. Nag-aayos kasi sila ng gamit noon dahil kailangan na nilang lumipat ng bahay. Ilang buwan na kasi silang hindi nakababayad noon sa upa, mula nang mawalan ng pagkakakitaan si Jon nang magsimula ang lockdown sanhi ng pandemya.
“W-wala!” agad niyang inagaw sa kapatid ang nasabing kuwaderno. Ang totoo ay iyon ay naglalaman ng kaniyang isang pinakaiingatang sikreto.
Matagal nang nagsusulat ng mga kuwento si Benedict. Bata pa lang siya ay alam na niyang balang araw ay gusto niya nang maging manunulat. Walang ibang nakaaalam ng pangarap niyang ito kundi ang numero uno niyang tagasuporta… ang kaniyang ama.
Ngunit maaga itong nawala sa kanila dahil sa isang karamdaman. Dahil doon ay tila nawalan din ng gana sa buhay ang kanilang ina na kalaunan ay sumunod na rin sa asawa. Naiwan kay Benedict ang obligasyon sa kaniyang kapatid na si Jazel. Dahil doon, sa murang edad ay isinakripisyo na niya ang sariling pag-aaral para makapagtrabaho upang ang kapatid niya ay makapasok sa eskuwela.
Kung anu-anong trabaho ang pinapasok ni Benedict. Basta marangal, kahit mahirap ay pinapatos niya’t pinagtitiyagaan. Kailangan niyang mabuhay ang kaniyang kapatid.
Sa kabila ng pagiging subsob sa trabaho, kailanman ay hindi nawaglit sa isipan ni Benedict ang kaniyang pangarap na talagang hinahanapan niya ng pagkakataong mapaglaanan ng oras. Dahil doon, halos mahigit sampung nobela na ang kaniyang naisulat na lahat ay halos hango sa mga tunay na buhay ng mga taong kaniyang nakasasalamuha.
Malawak ang imahinasyon ni Benedict. Napakamakulay niyon. Hindi man siya tapos ng pag-aaral ay tinulungan niya ang sarili na magkaroon ng kaalaman sa kaniyang hilig. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit patuloy siyang nagiging matatag kahit sa kabila ng napakaraming unos na dumating sa kanilang buhay.
Isang araw ay naabutan niya si Jazel sa kaniyang kuwarto. Tulog na tulog ito sa kama, habang noon ay katabi nito ang mga kuwadernong naglalaman ng kaniyang mga obra. Napangiti na lang si Benedict at inimis ang mga iyon.
Naisip niyang kahit papaano ay mayroong nakabasa ng kaniyang mga ginagawa. Wala kasing ibang nakababasa ng mga gawa niya dahil wala siyang lakas ng loob na ipakita ang kaniyang talento.
Nang mga sandaling iyon ay naisip niya… bakit nga kaya hindi niya lakasan ang kaniyang loob at subukang ipakita sa iba ang kaniyang talento? Wala namang mawawala sa kaniya.
Nang magising si Jazel ay ganoon na lang pangungulit nito sa kaniya na ipabasa sa iba ang kaniyang mga isinulat. Hangang-hanga ito sa kaniyang kuya na hindi niya akalaing magaling pala sa larangang iyon.
Dahil doon ay tila lalong nagkaroon ng kumpiyansa si Benedict sa sarili at nang gabing iyon ay nagpasya siyang i-post sa isang online writing platform ang kaniyang isinulat na mga kuwento!
Sa gulat ng binata’y agad na umani ng napakaraming mambabasa ang kaniyang mga nobela. Iba’t ibang reaksyon ang kaniyang natanggap at ganoon na lamang ang pagkagalak ni Jazel na umabot pa sa pagpapamalita nito ng kaniyang achievement sa mga kaeskuwela at kaibigan!
Simula noon ay iba’t ibang oportunidad na rin ang nakamit ni Benedict. Naging pay-to-read story ang kaniyang mga kuwento sa naturang platform at maraming publisher na rin ang nag-offer na maisalibro na ang mga iyon.
“Ang galing-galing mo talaga, kuya! Grabe, hindi ko akalaing magkakaroon ako ng isang kuyang magaling magsulat at mag-inspire ng ibang tao sa pamamagitan lang ng mga salita at kuwento!” hangang-hangang ani Jazel noon sa kaniyang kuya.
Dahil doon ay nakapag-umpisa silang muli ng panibagong yugto ng kanilang buhay. Nakapagpatayo sila ng isang maliit ngunit maayos at komportableng bahay nang makabili sila ng lupa sa probinsya ng kanilang ama na malapit sa kanilang mga kaanak. Hindi lang iyon, dahil nagkaroon din sila ng maliit na negosyo na lalo pang nadagdagan habang tumatagal.
Dumating sa kaniyang rurok ng tagumpay si Benedict nang maging mga producers at ilang istasyon ay naisipan siyang alukin na isapelikula ang kaniyang mga gawa. Karamihan kasi sa mga kuwentong iyon ay makamasa at nagpapamulat sa kamalayan ng mga tao tungkol sa iba’t ibang usapin, lalong-lalo na sa kahirapan.
Sana pala ay matagal nang nilakasan ni Benedict ang kaniyang loob para nakita pa ng mga magulang niya ang kaniyang mga kakayahan. Ngunit ganoon pa man, alam niyang masaya na rin ang mga ito para sa kaniya.