Hindi Nagawang Patawarin ng Anak ang Kasalanan ng Kaniyang Ina Kahit pa Ito ay Wala na; Isang Nakakikilabot na Pangyayari ang Gigising sa Kaniya
“Paul, wala na raw ang mama mo,” pahayag ng kaniyang Nanay Tessa, matapos nitong makauwi galing palengke nang tanghaling iyon. Ito na ang kinagisnan niyang ina buhat nang ipamigay siya ng babaeng tunay na nagsilang sa kaniya sa mundong ito, para lang magpakasal sa bagong lalaking nakilala nito.
“Ganoon ho ba? Mabuti naman,” nangingisi namang sagot ni Paul. Bakas ang galit sa kaniyang mukha, at ni katiting na awa ay hindi siya kababakasan. Nanlaki naman ang mukha ng kaniyang Nanay Tessa sa isinagot niya.
“Anak, huwag kang ganiyan! Nanay mo pa rin ’yon!” anito sa kaniya, bagama’t naiintindihan nito ang kaniyang damdamin.
“Kayo ho ang nanay ko, hindi ang babaeng ’yon. Saka, ano ho bang inaasahan n’yong magiging reaksyon ko? Maglulupasay ako sa kalungkutan dahil wala na sa mundong ’to ang babaeng nang-iwan sa akin noong sanggol pa lang ako?” Napailing pa siya sa kaniyang tinuran.
Bumuntong-hininga naman ang kaniyang Nanay Tessa. “Anak, namayapa na ang nanay mo. Kalimutan mo na rin ang kasalanan niya sa ’yo, dahil matagal din naman niya iyong pinagsisihan. Matagal siyang bumawi sa ’yo, ngunit hindi mo ’yon pinansin. Alam niyang malaki ang kasalanan niya sa ’yo kaya nga pinagbayaran niya ’yon, hindi ba?” paliwanag naman ng kaniyang Nanay Tessa ngunit tila lumabas lamang ’yon sa kabilang tainga ni Paul.
Maging sa burol at libing ng kaniyang ina ay hindi dumalo ang binata. Nanatiling matigas ang puso niya upang patawarin ito, kahit pa anong kumbinsi ang gawin ng kaniyang kinalakhang magulang sa kaniya. Talagang malaki ang galit niya sa kaniyang tunay na ina at hindi iyon basta-basta maaalis lalo pa at wala rin ’yon sa kagustuhan niya.
“Anak, patawarin mo na ako. Gusto ko nang matahimik, at hindi ko magagawa ’yon kung hanggang ngayon ay may galit pa rin sa puso mo para sa akin. Mahal na mahal kita at alam kong naging makasarili ako sa ’yo noon. Pero sana ay maunawaan mong bata pa ako noon ay ikaw ay bunga ng isang kasalanan…”
Napabalikwas nang bangon si Paul mula sa pagkakahimbing nang gabing ’yon. Habul-habol niya ang kaniyang paghinga at pinagpapawisan siya nang malamig. Dinalaw siya ng kaniyang tunay na ina sa kaniyang panaginip at pilit pa rin itong humihingi sa kaniya ng kapatawaran!
Nang makabawi siya mula sa pagkabigla ay hindi niya naiwasan ang mapamura. Aniya, wala na nga ito sa mundo pero piniperwisyo pa rin siya! Akmang babalik na sana siya sa pagtulog nang bigla, sa kaniyang paghiga ay nakarinig siya ng mga pag-iyak. At sa kaniyang paglingon sa kaniya mismong tabi, ay nakita niya roon ang kaniyang tunay na ina!
Kahit hindi naman takot sa multo si Paul ay hindi niya naiwasang mapakaripas nang takbo! Lumabas siya ng kaniyang kuwarto at dumiretso sa kanilang kusina kung saan niya naabutan ang kaniyang Nanay Tessa na nagluluto na ng umagahan…
“Anak, ano’t parang hingal na hingal ka? Namumutla ka pa! Ano’ng nangyari sa ’yo?” takang tanong nito na agad namang sinagot ni Paul. Isiniwalat niya sa kinagisnang ina ang ginawang pagpapakita ng kaniyang tunay na nanay.
“Mukhang hindi siya matahimik dahil alam niyang hanggang ngayon ay galit ka pa rin sa kaniya, anak. Siguro ay oras na para sabihin ko sa ’yo ang isang katotohanang matagal na niyang itinatago para protektahan ang damdamin mo,” napapayukong sabi ng kaniyang Nanay Tessa na nagpakunot naman sa noo ni Paul.
“A-ano’ng ibig n’yong sabihin?” takang tanong niya sa ina.
“Paul, nabanggit mo kamong sinabi niyang isa kang bunga ng kasalanan, hindi ba? Iyon ay dahil ang ’yong tunay na ina ay biktima ng pang-aabuso, ng kaniya mismong sariling tiyuhin…at ikaw ang naging bunga n’on, anak. At para itakas ka sa kahihiyang maaaring idulot ng balitang ’yon ay mas pinili na lamang niyang ibigay ka sa akin, na siya niyang matalik na kaibigan, at magpakasal sa kaniyang nobyo.”
Nanlaki ang mga mata ni Paul sa isiniwalat ng kaniyang Nanay Tessa. Napaiyak na lang siya sa nalaman. Hindi niya akalain na ganoon pala ang pinagdaanan nito nang dumating siya sa buhay ng tunay na ina. Pagkatapos ay pinasakitan niya pa ito hanggang sa ito ay sumakabilang buhay na!
Kinabukasan ay dinalaw niya sa puntod nito ang kaniyang tunay na ina at doon ay ibinigay niya rito ang kapatawarang hinihiling nito. Ngayon ay matatahimik na ito sa wakas.