Pinagtiyagaang Alagaan ng Pamangking Ito ang Kaniyang Tiyahing Ubod nang Sungit; Sa Huli ay Lalabas pa rin ang Tunay na Nilalaman ng Puso Nito
“Umalis ka sa harapan ko! Ayaw kong kumain!” hiyaw ng kaniyang Tiya Juanita pagkatapos siya nitong bugahan ng pagkain sa kaniyang mukha. Ngunit imbes na umusok ang kaniyang ilong sa inis at galit sa matanda ay minabuti niyang yakapin na lang ito upang pakalmahin. Malakas na naman kasi ang sumpong ng pagiging iritable nito, nitong mga nagdaang araw.
“Tiya, kailangan po kasi nating kumain, e. Iinom ka pa ng gamot, para sa susunod na linggo ay makakadalaw na tayo kay Tiyo Oscar,” pang-aalo pa niya sa kaniyang tiyahin na nang marinig ang pangalan ng yumaong asawa ay agad na kumalma at nagpasubong muli ng pagkain sa kaniya.
Napangiti naman si Greta. Sa wakas ay mapapainom niya na ng gamot ang tiyahin. Talagang napakaepektibo talagang pampakalma nito ang alaala ng kaniyang nasirang tiyuhin, kahit pa pangalan pa lamang ng Tiyo Oscar niya ang kaniyang banggitin.
Mula kasi nang mawala ang kaniyang Tiyo Oscar, dahil sa sakit nito sa baga ay naging malala at madalas na kung sumpungin ng pag-uulyanin ang may katandaan na niyang Tiya Juanita. Isang patunay kung gaano nito kamahal ang nasirang asawa na hindi iyon kayang burahin kahit ng pagkawala nito sa mundo.
Halos pagtawanan na ng kanilang mga kamag-anak si Greta, dahil sa ginagawa niyang pagtitiyaga sa pag-aalaga sa kaniyang tiyahin, gayong puro pang-iinsulto, pagpapahirap at pananakit lamang naman ang inaabot niya rito. Bukod doon ay siya rin ang bumubuhay dito ngayon, sa pamamagitan ng kaniyang maliit na negosyo, dahil hindi naman niya gustong pakialaman ang pera nito at ng nasirang asawa, kahit pa alam niyang higit pa iyon sa sapat. Mayaman kasi ang kaniyang Tiya Juanita, kaya nga napakaraming lumalapit dito noon. Ngunit nang kumalat ang balitang naghihirap na ito dahil naubos na sa pagpapaospital nito at ng asawa ang kanilang pera, ay siya na lamang ang natirang nagtitiyaga sa pag-aalaga rito.
Katuwrian kasi niya, noong siya ang iwan ng kaniyang mga magulang ay hindi nangimi sina Tiya Juanita at Tiyo Oscar na siya ay kupkupin. Kaya ngayong ito naman ang nangangailangan ng tulong, kahit mahirap ay hindi niya ito kayang baliwalain! Mahal na mahal niya ito kaya handa siyang harapin ang lahat ng hirap para lang maiparamdam dito iyon, lalo pa at alam ni Juanita na kaunti na lamang ang ilalagi ng matanda sa mundo.
“Tiya, huwag mo muna akong iiwan, ha? Dito ka muna sa tabi ko. Hindi pa ako handang hayaan kang umalis,” minsan ay lumuluhang hiling ni Greta kay Tiya Juanita, kinagabihan matapos itong atakihin ng matinding pananakit ng dibdib. May sakit kasi ito sa puso at alam ni Greta na matindi ang atake nito ngayon, ayon na rin sa doktor na tumingin dito.
Napakunot naman ang noo ni Tiya Juanita. “Bakit? Ayaw mo bang magkita na kami ng Tiyo Oscar mo? Ayaw mo bang maging masaya na uli ako? Kaming dalawa?” tila wala sa loob namang sagot nito sa kaniya na nagpayuko na lang kay Greta.
Oo nga naman. Wala siyang laban kung ganito ang katuwiran ng tiyahin. Hindi niya gustong pagitnaan ang pagmamahalan nito at ng asawa kaya naman mabilis na binawi ni Greta ang kaniyang hiling…
“Sige na nga, tiya. Kung miss na miss mo na talaga si Tiyo Oscar ay hindi na kita pipigilan. Pero sana, malaman mong mahal na mahal ko kayo, ha? Tandaan n’yo ’yan,” umiiyak na sabi pa ni Greta.
Hinaplos ni Tiya Juanita ang kaniyang mukha at pinahid ang mga luhang naglalandas sa kaniyang pisngi. “Ang pangit mong umiyak, Greta. Pero kahit na ganoon, tandaan mong mahal na mahal ka rin namin ng Tiyo Oscar mo, kahit pa wala na kami sa mundo. Gusto kong maging masaya ka, ha? Paalam.”
Ikinagulat ni Greta ang sinabi ng tiyahin, ngunit nang tumunghay siya mula sa pagkakayukod ay nakita niyang mahimbing nang natutulog si Tiya Juanita. Sa himbing niyon ay napaiyak na nang todo si Greta, dahil alam niyang hindi na muling gigising pa ang pinakamamahal na tiyahin.
Makalipas ang isang linggo, matapos mailibing ni Tiya Juanita ay nagpapasiya nang umalis sa mansyon ng mga ito si Greta. Alam niyang wala na siyang karapatan doon dahil ayon sa pagkakaalam niya ay idinonate na iyon ng kaniyang tiyahin sa isang charity upang gawing bahay-ampunan…
Ngunit pinigilan siya ng abogado ng mag-asawa. Doon ay ipinaalam nito sa kaniya na siya ang nag-iisang tagapagmana ng mag-asawa, ayon na rin sa last will and testament na iniwan nito! Sinabi ng abogado na ipinaayos iyon ni Tiya Juanita matapos mawala ni Tiyo Oscar, dahil alam nitong malala na ang kaniyang lagay. Ibinilin din nito na ipaalam kay Greta kung gaano nila siya kamahal. Doon ay muli na lamang napaluha ang dalaga.