Magaling Magpanggap na Mabait ang Babaeng Ito sa Harap ng Camera; Isang Eksperimento ang Magbubuking sa Tunay na Siya
Nakahanda na ang mga hidden cameras na gagamitin ng grupo nina Mico para sa gagawin nilang social experiment. Bahagi ito ng kanilang proyekto sa eskuwelahan na naglalayong alamin kung mayroon pa nga bang natitirang mga tao sa kanilang lugar na may mabubuting puso para sa mahihirap.
Naka-costume at make-up na ang kaniyang mga kasamahang gaganap na pulubi. Nakapuwesto na rin ang mga ito sa daan. Nakalahad ang kanilang mga kamay, habang ang iba ay simple lamang na nakaupo at naghihintay ng tulong. Pagkatapos ay nagsimula na sila.
Marami-rami na rin silang natiyempuhang ‘good samaritan’ na napadaan sa kanilang harapan. Sa huli ay agad nila itong pinasalamatan at hiningian ng kaunting pahayag ukol sa kung bakit nito naisipang tumulong sa mga estrangherong nangangailangan ng tulong, at talaga namang halos manaba ang puso nila sa makabagbag-damdaming sagot ng mga ito.
Pack-up na sana ang grupo, at tatapusin na ang kanilang ginagawang social experiment, nang ang isa sa kanilang mga miyembro—si Joe—ay may namataang isang sikat na personalidad na paparaan sa kanilang puwesto. Si Jacky, isang sikat na social media influencer na nakilala dahil sa kaniyang mga pagtulong sa mahihirap. Napakabait daw ng babaeng ito, base sa nakikita ng marami sa mga vlogs na inilalabas nito. Parati itong tumutulong at hindi ito nangingiming magbigay sa mga nangangailangan, kaya naman naisipan nila itong isama sa kanilang content. Pumuwestong muli ang mga ‘artista’ ng kanilang grupo upang tingnan kung tutulungan nga ba sila nito. Tamang-tama kasi dahil wala itong dalang camera ngayon.
Ganoon na lang ang pagkadismaya ng leader na si Mico nang lampasan ni Jinky ang una nilang artista. Ganoon pa man ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Kung sa bagay ay nakaupo lamang naman ang nasabing artista nila at hindi nanghihingi ng tulong. Baka hindi lamang nito napansin…
“Palimos po!” nagsalita na ang isa pang kasabwat ng grupo na gumanap bilang isa sa mga pulubi. Inilahad pa nito ang kamay sa babae, na sa gulat nila’y bigla namang tinabig ng huli!
“Lumayo ka nga sa akin! Namamalimos ka na lang, didikit-dikit ka pa sa akin! Kadiri!” hiyaw pa nito sa kanilang kasabwat sabay hagis sa mukha nito ng mga baryang dinukot ng babae mula sa kaniyang bulsa. Maging ang gumaganap na pulubi ay nabigla sa inasal ni Jinky, dahil hindi niya akalaing magagawa nito iyon!
“M-ma’am, sorry po!” hinging patawad naman nito nang makabawi. Akma pa sana siyang magpapaliwanag na social media experiment lamang ang ginagawa nito, kasama ang kaniyang mga kagrupo, nang bigla siyang sampalin ng babae.
“Sinabing lumayo ka sa akin! Ang baho-baho mo! Nakakadiri ka!” galit pang hiyaw nito na itinikwas pa ang mga daliri palayo sa inaakalang paghawak ng pulubi sa kaniya!
Doon ay nagpasiya nang lumabas sa kanilang pinagtataguan sina Mico, Joe, at ang iba pa nilang mga kamiyembro upang ipaliwanag sa nasabing babae na tanging social experiment lamang naman ang nangyari. Tila bigla namang nag-iba ang ihip ng hangin at sa isang iglap ay kumalma, bumait at naging mapang-unawa si Jinky!
“N-naku, pasensiya na kayo sa akin, ha? Ang totoo kasi, pagod ako kaya ko nagawa ’yon. Kung alam ko lang na may camera, sana’y ginalingan ko rin ang acting,” tila natatarantang saad pa ng babae kina Mico. Sa sobrang taranta nito ay nagawa nitong ibuking ang sariling modus niya sa kaniyang mga ginagawang vlogs, na ngayon ay mapapatunayan nilang pawang mga ‘scripted’ lang!
“Pasensiya na rin ho kayo kung nilapitan kayo ng kasamahan namin. Pero, siguro naman ay sapat na ang sampal na natanggap niya mula sa ’yo bilang kabayaran,” mariing sabi naman ni Mico sa babae. Halata ang dismayang nararamdaman niya para sa kausap, kaya naman nang makiusap itong huwag nang ilabas sa publiko ang video ay sinabi niyang hindi ito ang magdedesisyon tungkol doon.
Anak ng isang mayamang negosyante si Mico, kaya naman malakas ang loob niyang harapin kung sakaling idedemanda siya ni Jinky matapos niyang ilabas ang video. Hindi pa man siya isang ganap na reporter, ngayon pa lang ay gusto na niyang maghatid ng mga balitang magmumulat sa mga tao sa tunay na anyo ng mga iniidolo nilang personalidad. Kaya naman walang nakapigil sa kaniya nang ilabas niya ito na siyang naging dahilan upang biglang bumagsak ang karera ng babae.