Sa Loob ng 90 Araw ay Nagsulat ang Lolo ng mga Butil ng Kaisipan para sa Kaniyang Apo, na Inilalagay Niya sa Isang Malaking Buslo; Bakit Kaya Niya Ginawa Ito?
Kung ang ibang mga bata ay madalas na naglalaro sa lansangan kalaro ang iba pang mga kapwa bata, o kaya naman ay halos nakatutok na sa kani-kanilang mga gadgets, ibahin mo si Rebreb.
Si Rebreb na 6 na taong gulang ay hindi mapapagod na makalaro at makakuwentuhan ang kaniyang Lolo Anselmo, ang tatay ng kaniyang ina.
Kung may Mama o Papa’s boy, si Rebren naman ay Lolo’s Boy. Ito na kasi ang tumayong ama sa kaniya nang sumakabilang-buhay ang kaniyang tatay. Ito na ang nag-alaga sa kaniya dahil kailangang magtrabaho ng kaniyang ina.
Para kay Rebreb, pinakamasarap na pagkain ang lahat ng mga niluluto ng kaniyang lolo, kahit piniritong itlog pa ‘yan.
Tuwing hapon, hindi naman nahihirapan si Rebreb na matulog dahil kinukuwentuhan muna siya ni Lolo Anselmo, na kung hindi tungkol sa mga mitolohiya, alamat, kuwentong-bayan, at pabula, ay mga karanasan nito noong bata pa ito.
Kahit paulit-ulit na ang mga kuwento nito, bentang-benta pa rin sa kaniya.
“Alam mo apo, napapansin ko sa iyo, tawa ka nang tawa sa mga kuwento ko sa iyo kahit na ilang beses mo nang narinig,” minsan ay nasabi ni Lolo Anselmo sa kaniyang apo.
“Ay opo, lolo, hindi po kasi nakakasawa ang mga kuwento mo po,” tugon naman ni Rebreb sabay hagikhik.
“Apo, lagi mong tatandaan, ang taong punumpuno ng karanasan, mas mainam pa sa taong mayaman.”
Sa tuwing kumakain ng almusal, tanghalian at hapunan ay matiyaga pa siyang pinaghihimay ni Lolo Anselmo. Kapag pritong manok ang ulam, masinsin nitong ihihiwalay ang malutong na balat. Kapag pritong isda naman o kaya ay sinigang, tinitinikan nito at sinusuring mabuti kung may naiiwan pang maliliit na tinik sa laman.
Tinuruan din siya nito kung paano maligo, kung paano magsepilyo, maglinis ng tainga upang magtanggal ng mga tutuli, at kung paano maghugas ng puw*t pagkatapos dumumi.
“Apo, lagi mong tatandaan, ang mabuting kalusugan ay isang kayamanan.”
Tuwing hapon naman, lumalabas sila ng bahay at nagpapahangin sa malapit na bukirin, o kaya naman ay sa parke. Itinuro din sa kaniya ng lolo ang tamang pagtatapon ng basura at pagpapahalaga sa mga puno, halaman, at mga bulaklak.
“Apo, lagi mong tatandaan, ang kalikasan ay kaloob ng Diyos na dapat pangalagaan.”
Paminsan-minsan, si Lolo Anselmo na mismo ang nagsasabi sa kaniya na kailangan naman niyang makihalubilo sa ibang bata at huwag dikit nang dikit sa kaniya upang matuto raw siyang makisalamuha sa iba.
“Apo, lagi mong tatandaan, ang tao ay hindi nabubuhay para sa sarili lamang.”
Hanggang isang araw, hindi bumangon si Lolo Anselmo mula sa kaniyang higaan. Sabi ng ina ni Rebreb ay may dinaramdam ito.
Isang araw ay isinakay sa isang puting sasakyan na may umiilaw sa itaas na kulay-pula at maingay pa si Lolo Anselmo. Kay lakas ng iyak ni Rebreb dahil ayaw siyang isama ng kaniyang ina.
“Dito ka lang Rebreb, Hindi ka puwede sa pupuntahan namin at baka makasagap ka pa ng sakit doon. Si Aling Dorothy muna ang magbabantay sa iyo,” bilin ng kaniyang ina. Si Aling Dorothy ang kanilang mabait na kapitbahay.
Binilang ni Rebreb sa kaniyang mga daliri kung ilang araw na nawala si Lolo Anselmo sa kanilang bahay. Miss na miss na niya si Lolo Anselmo.
Saktong limang daliri sa kaliwang kamay ni Rebreb, bumalik na si Lolo Anselmo sa kanila. Kay saya ni Rebreb! Ngunit ang sabi ng kaniyang ina, huwag munang guluhin ang lolo dahil nagpapalakas pa ito.
Parang pumayat si Lolo Anselmo? Naisip ni Rebreb.
Makalipas ang tatlong araw matapos ang pagdating ni Lolo Anselmo ay tinawag siya nito. Simula nang dumating ito mula sa pinuntahan ay lagi na itong nakaupo o nakahiga sa kama.
May hawak itong mga makukulay na papel na ginupit sa hugis na parisukat. May ballpen din ito. Sa tabi nito ay may malaking buslo o basket.
“Apo, simula sa araw na ito, may isusulat akong isang kasabihan sa isang piraso ng makukulay na papel na inihanda ko, na gagawin natin sa loob ng 90 araw. Ilalagay ko ang mga papel na iyon dito sa malaking kahon,” wika ni Lolo Anselmo.
“Po?” namamanghang sabi ni Rebreb. Binilang niya ang 90 araw. Hindi lamang dalawang mga kamay ang kailangan niyang bilangin, kasama pa ang mga daliri sa paa niya, ng nanay niya, at pati na rin kay Lolo Anselmo.
Ngunit parang kulang pa yata?
“Pero hindi mo babasahin, apo. Isusulat ko lamang. Gusto ko, kapag nasulat ko na, ikaw ang maglalagay sa kahon. Kapag nakumpleto na natin ang 90 araw, ibibigay ko na ang basket sa iyo. Ingatan mo ha?”
At iyon nga ginawa ng mag-lolo. Bawat araw ay may isinusulat ang matanda sa isang pirasong papel. Pagkatapos ay tutulungan siya ni Rebreb na magtupi nito, na siyang naghuhulog naman sa malaking basket.
Makalipas ang 90 araw, tapos na rin ang kanilang pagsusulat!
Iniabot ni Lolo Anselmo ang basket kay Rebreb.
“Apo, makinig ka sa akin. Kung sakaling wala ako at kailangan mo ng payo sa buhay o kasabihan kapag nalilito ka na, kumuha ka lamang ng isa mula sa mga papel sa loob ng basket na iyan ha? Iyon ang magiging gabay mo,” bilin ni Lolo Anselmo.
“Sige po lolo. Aalis na naman po ba kayo? Susunduin na naman po ba kayo ng sasakyang puti tapos may umiilaw na kulay-pula sa taas tapos maingay? Tapos pupunta rito si Aling Dorothy para bantayan ako?” tanong ni Rebreb.
Mapait na ngumiti ang lolo. Nilamukos ang buhok niyang kagaya sa biniyak na bao.
“Oo, pero baka hindi na ako makabalik.”
Pumalahaw ng iyak si Rebreb.
“Bakit po, lolo? Bakit hindi ka na babalik?”
“Basta apo… malalaman mo rin.”
Isang araw, nabulahaw na lamang si Rebreb sa pag-iyak ng kaniyang ina.
May puting sasakyang dumating.
Ngunit walang ilaw na pula sa tuktok.
Wala ring maingay.
Tahimik na kinuha ang kaniyang Lolo Anselmo—na nakabalot sa puting kumot.
Ang natatandaan na lamang ni Rebreb, hindi na niya makausap si Lolo Anselmo na nasa loob ng isang puting kahong may salamin sa bandang mukha. Sa magkabilang gilid ay may mga pailaw at bulaklak. Sa gitna ay krus na may Hesukristo.
Sumakabilang-buhay raw ang lolo niya sa isang malubhang sakit. Tatlong buwan ang ibinigay na taning na mabubuhay pa siya.
Tatlong buwan.
90 araw.
90 na piraso ng mga papel…
Matuling lumipas ang mga taon. Binatilyo na si Rebreb.
Namimiss ni Rebreb ang kaniyang lolo habang nakatingin siya sa langit.
Nauunawaan na niya ngayon ang lahat. Kumuha siya ng isang pirasong papel mula sa kahon na ipinamana nito sa kaniya.
“Apo, lagi mong tatandaan, ang buhay ng tao ay parang nobela; may simula, may problema, may tunggalian, may kasukdulan, at may wakas.”
Napatango-tango si Rebreb. At nauunawaan na niya ang lahat.