Takang-Taka ang Tatlong Magkakapatid Kung Bakit Bigla Silang Pinatawag ng mga Magulang Para sa Isang Mahalagang Pagpupulong; Para Ba Ito sa Manang Matatanggap Nila?
Nagtataka ang magkakapatid na Laarni, Nelson, at Leila kung bakit sila ipinatatawag ng kanilang mga magulang na sina Narciso at Loella na pawang matatanda na at naninirahan nang matiwasay sa lalawigan.
Upang makatipid sa gasolina, sa kotse na lamang ni Nelson sumabay sina Laarni at Leila. Hindi kasi sila maihahatid pauwing lalawigan ng kani-kanilang mga mister dahil abala na rin sa trabaho. Si Nelson na lamang ang walang asawa sa kanila.
Saglit silang huminto sa isang stop over upang magpahinga saglit sa pagmamaneho si Nelson.
“Sa palagay ninyo, bakit tayo pinatawag? Puwede naman sa video call na lang. Nakaalalay naman si Pedra sa kanila ah,” untag ni Nelson sa dalawang kapatid habang nakatambay sila sa coffee shop. Si Pedra ang kasambahay ng kanilang mga magulang.
“Ewan ko ba, tinatanong ko nga si Pedra kung ano’ng nangyayari, ayaw ding magsalita. Kagagalitan daw siya ng dalawang matanda. Baka raw biglang mawalan ng trabaho. Mas mabuti na lang daw na sila na ang magsabi. Pero ngayon lang nangyari ‘to ah?” wika naman ni Laarni, ang panganay, na isang assitant manager sa isang textile company.
“Baka naman sasabihin na sa atin ang pamana nila? Palagay ninyo? Uy, basta, kung ano man ang ibigay sa atin nina Mama at Papa, walang samaan ng loob ah?” saad naman ni Leila, ang bunso, isang telemarketer.
“Ano ‘to pelikula o teleserye? Kakapanood mo ‘yan ng drama eh,” pang-aasar naman ni Nelson na isang real estate broker.
“Sige, huwag na nating isipin. Tara na, para makabalik kaagad. Teka Nelson, bago tayo dumiretso sa bahay nila, bumili muna tayo ng pasalubong sa oldies. Kahit mga prutas na lang,” bilin ni Laarni.
Matapos mainom ang kanilang mga inorder na kape ay bumalik na sa kotse ni Nelson ang tatlo.
Mga apat na oras pa ay nakarating na rin sa dati nilang bahay ang tatlong magkakapatid. Sinalubong sila ni Pedra. Amoy na amoy na nila ang samyo ng inihaw na barbecue, na noong mga bata pa sila ay paboritong-paborito nila.
“Wow ang bango! Nakaka-throwback naman!” bulalas ni Leila.
“Nostalgia ang hatid! Nakakagutom! Tamang-tama, gutom na ako at napagod ako sa pagmamaneho,” sabi naman ni Nelson.
“Ipinaghanda kayo ng Mama at Papa ninyo ng mga paborito ninyong pagkain,” sari naman ni Pedra na sumalubong sa kanila.
Pagpasok sa kanilang malaking bahay na kahalintulad ng mga sinaunang bahay sa panahon ng Espanyol ay sinalubong sila ng kanilang mga magulang. Isa-isa silang nagmano, yumakap, at humalik sa kanilang mga magulang.
“Alam naming gutom na gutom na kayo kaya magsikain na tayo,” aya ni Narciso sa mga anak.
Tama nga si Pedra dahil bukod sa paborito nilang barbecue ay nakahain nga ang mga paborito nila gaya ng menudo, sarsyadong isda, morcon, sinigang na hipon, at caldereta.
Masaya at nagtatawanan silang kumain. Masayang-masaya ang mag-asawa dahil sa wakas ay nabuong muli ang kanilang pamilya.
Matapos kumain, isinilbi na ni Pedra ang mainit na inuming tsokolate para sa kanila.
“Papa, Mama, ano po bang dahilan ng pagpupulong na ito?” pagsisimula ni Laarni.
Nagkatinginan sina Narciso at Loella. Nagngitian. Sa harapan ng mga anak ay ginagap ni Narciso ang mga kamay ng matriyarka na si Loella.
“Siguro magpapakasal ulit kayo ‘no? Ang tamis eh!” biro ni Nelson. Nagkatawanan naman at nanukso sina Laarni at Leila.
“Kayo talaga, mga anak. Unang-una, namiss kasi namin kayo. Kung hindi pa kami may sasabihin sa inyo ay hindi pa tayo makokompleto. Pangalawa, nais naming sabihin sa inyong magkakapatid, na kami ng Mama ninyo, ay matagal nang hiwalay.”
Natameme ang tatlong magkakapatid sa pagsisiwalat ng kanilang ama. Tila nahirapan ang kanilang mga isipan na ‘masipsip’ ang sinabi ni Narciso.
“Alam naming ikabibigla ninyo ang pag-amin namin, pero iyon ang totoo, mga anak. Matagal na kaming hiwalay ng Mama ninyo,” sabi ni Narciso.
“P-Paanong… paanong hiwalay? Eh bakit magkasama kayo ngayon? Hindi naman namin nabalitaan na nag-away kayo o may pinagtalunan kayo. Hindi ba’t maayos naman kayo sa isa’t isa? Saka sa edad ninyong ‘yan, nakuha n’yo pang maghiwalay?” untag ni Laarni.
“Ate… ang bibig mo…” paalala naman ni Leila. Inirapan lang siya ni Laarni.
“Hindi kami magkaaway ng Mama ninyo. Magkasama kami sa iisang bubong. Mahal na mahal ko ang Mama ninyo, ngunit kailangan kong ibigay ang gusto niya at ang tunay na siya,” paliwanag ni Narciso.
“Mga anak,” pagsingit naman ni Loella, “Matagal na akong umamin sa Papa ninyo… na ang tunay na gusto ko ay babae. Pakiramdam ko, ako ay lalaking nasa katawan ng isang babae. Matagal na panahon kong sinikil ang damdaming ito, dahil na rin sa takot sa mga magulang ko, at sa lipunan at panahong ginagalawan namin. Nabuhay ako sa panahong isang sumpa ang tingin sa mga lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki, at sa mga babaeng nagkakagusto sa kapwa babae,” paliwanag ni Loella.
“I-Ibig sabihin ‘Ma, t*bo kayo?” diretsahang tanong at kumpirmasyon ni Leila.
Marahang tumango-tango si Loella.
“Kagaya ng mga nasabi, sinikil ko ang tunay na ako. Sinikap kong magpakababae gaya ng dikta ng lipunan. Ibinaling ko ang aking atensyon sa mga lalaki. Nagkaroon ako ng mga manliligaw at isa na nga roon ang Papa ninyo. Nahulog ang loob ko sa kaniya dahil mabait siya. Nagbakasakali ako, mga anak, kaya pumayag akong pakasalan siya. Alam niya ang sitwasyon ko, inamin ko sa kaniya. Sa kabila niyon, tinanggap niya ako kahit ano pa ako,” paliwanag ni Loella.
“Mahal na mahal ko ang Mama ninyo mga anak, kahit ano pa ang oryentasyon o kasarian niya. Hanggang sa kayo nga ang naging bunga. Mukhang naging matagumpay naman kami sa pagpapalaki namin sa inyo. May sari-sarili na kayong buntot at pakpak. At ngayon, sa edad naming ito, marapat lamang siguro na magawa namin ang mga bagay na makapagpapasaya sa amin, habang may nalalabi pang oras.”
“Sa ngayon mga anak, nagsasama na lamang kami sa iisang bubong ng Papa ninyo bilang mag-asawa sa papel, ngunit maayos naman kami. Hindi namin kailangang maghiwalay. Magkaibigan na lamang ang turingan namin. Sana maunawaan ninyo mga anak…” umiiyak na sabi ni Loella.
Tumayo naman ang tatlong magkakapatid at niyakap ang kanilang mga magulang. Hindi na sila nagsalita pa. Wala sila sa posisyon upang sumbatan ang kanilang mga magulang, lalo na ang kanilang mga ina. Naging mga mabubuting magulang sila, wala naman sigurong masama kung gawin nila ang makapagpapasaya sa kanila.
Maya-maya ay ipinakilala na rin sa kanila ang karelasyong t*bo ni Loella na si Andro, o Andrea sa tunay na pangalan. Mukhang maayos naman ang relasyon nilang tatlo.
Naghanda naman ng pulutan sina Narciso at Nelson sa kusina habang kinakausap at kinikilala nina Laarni at Leila ang karelasyon ng kanilang ina.
“’Pa… hindi ka ba nasasaktan sa set up na ito?” untag ni Nelson sa ama.
Ngumiti si Narciso.
“Ang totoo anak, masakit… mahal ko ang Mama mo. Ang pagtingin sa kanilang magkasama sa harap-harapan ko ay tila pagtitig sa maliwanag na sikat ng araw… pero sa tuwing nakikita ko ang mga mata at ngiti ng Mama ninyo sa tuwing kasama niya si Andro, na malaya at maligayang-maligaya na siya sa mga nais niyang gawin, tila napapalitan na rin ng saya ang nararamdaman ko, tila ako nakakakita ng liwanag na hindi nakakasilaw,” matalinghagang sagot ni Narciso. “Mahal na mahal ko siya, kaya ang gusto ko, masaya siya.”
Minabuti na lamang ng tatlong magkakapatid na igalang ang desisyon ng kanilang mga magulang. Sino sila upang manghusga? Tumaas lalo ang paggalang at paghanga nila sa ama, at masayang-masaya naman sila para sa kanilang ina.