
Simula nang Mawala ang Bunsong Anak, Naging Lasinggera at Mainitin ang Ulo ng Ginang; Bakit Galit na Galit Siya sa Panganay na Anak?
Simula nang sumakabilang-buhay ang bunsong anak na si Irene ay lagi nang naglalasing ang ina ni Irish na si Melba. Naging lasinggera ito, masungit, magagalitin, at sa tuwina ay laging sinisigawan ang dalaga.
Kahit nasa bahay, wala itong mintis sa pag-inom ng alak.
Kagaya ngayon, lasing na lasing si Melba nang umuwi ito. Kasama nito ang mga amiga niya sa inuman. Kahit ang mister at ang padre de pamilya na si Armand ay hindi na rin ito kinaya kaya nagpalamig muna.
“M-Ma… lasing ka na naman, halika nga po kayo rito,” alalay ni Irish sa kaniyang ina.
“Bitawan mo nga ako! Hindi ako lasing! At huwag na huwag mo akong hahawakan dahil ikaw ang dahilan kung bakit nawala ang Irene ko! Ikaw!” sumbat nito sa kaniya.
Pasuray-suray na naglakad ang ginang papasok sa bahay. Sumalampak ito sa sofa. Tinanggal ang de-takong na sapatos at inihagis.
Hindi naman sinasadyang nasapol ang isang picture frame kung saan nakalagay ang litrato ni Irene.
“Irene! Irene ko!” napaiyak ang ginang na tila nahimasmasan sa kaniyang ginawa. Agad itong tumayo at kahit nahihilo ay nagtungo sa direksyon ng nabasag na picture frame. Kinuha nito ang litrato ng anak. Napaluhod ito, hindi alintana at hindi pansin na nakaluhod na pala siya sa mga bubog.
“Ang aking anak… miss na miss na kita anak ko, miss na miss na kita…” umiiyak na panaghoy ng ina habang nakalapat sa kaniyang dibdib ang litrato ni Irene.
Hindi naman matiis ni Irish na wala siyang gawin at titigan lamang ang inang nagdurugo na ang mga tuhod. Tinangka niya itong itayo.
“M-Ma… nakaluhod na po kayo sa bubog, tumayo po muna kayo at wawalisin ko po…”
“Wala akong pakialam! Sana nga maubusan na lang ako ng dugo para sumunod na ako kay Irene ko! Wala na, manhid na ako sa sakit. Balewala ang sakit na dulot ng mga bubog na ito sa sakit na naramdaman ng puso ko noong mawala ang Irene ko! Narinig mo? Nang mawala ang Irene ko, para akong salaming nadurog! Durog na durog na rin ako!” patuloy na paghihisterya at pag-iyak ni Melba.
“M-Ma… wala na si Irene, bakit hindi ninyo matanggap ‘yun? Tatlong buwan na siyang nakalibing…”
Biglang tumayo si Melba at walang habas na pinagsasampal ang panganay sa mukha.
“Huwag mong sabihin ‘yan! Huwag mong sabihin ‘yan! Ikaw sana ang nawala kung hindi ka lang inilagtas ni Irene… ikaw sana ang masasag*saan kung hindi ka tinakbuhan ng anak ko para itulak at siya, ang kaawa-awa niyang murang katawan, ang nahagip! Ikaw ang puno’t dulo ng lahat! Kahit noon pa man! Isa kang salot na dumating sa pamilya ko! Nagsisisi ako kung bakit tinanggap pa kita rito sa pamilya ko!”
At nadulas na nga si Melba.
“A-Anong ibig mong sabihin, Ma?”
Natahimik si Melba.
“Sige, tutal, nagkakaaminan na tayo rito… marapat lang na malaman mo ang katotohanan. Hindi kita anak! Anak ka ng Papa mo sa ibang babae. Bunga ka ng pagkakasala! Nakiusap ang Papa mo na ituring ka naming anak. Pumayag ako, dahil akala ko hindi na kami magkakaanak. Subalit nabuntis ako at dumating si Irene na pareho naming dugo at laman. Siya dapat ang nabuhay at hindi ikaw!”
Ngayon ay malinaw na kay Irish ang lahat.
Kaya pala pakiramdam niya ay mas pabor at paborito ng Mama niya si Irene. Ngunit hindi na lamang niya pinapansin dahil naisip niya, marahil ay bunso kasi ito.
Kaya pala iba ang atensyong ibinibigay nito kay Irene.
Maya-maya ay tila naapakan ni Melba ang mga bubog na galing sa nabasag na picture frame at nawalan ito ng panimbang dahil sa pagkalasing. Natumba ito at nabagok ang ulo sa semento.
Nataranta si Irish at agad na tumawag ng saklolo mula sa mga kapitbahay. Agad na naisugod sa ospital si Melba.
“Kailangan ng dugo na maisasalin sa kaniya,” sabi ng manggagamot.
Hindi nagdalawang-isip si Irish na mag-donate ng dugo para sa kaniyang kinalakhang ina. Nagkataon na magkatipo rin sila ng dugo.
Naisalba ang buhay ni Melba dahil kay Irene. Mapalad na nakaligtas siya sa aksidenteng nangyari. Nalaman niya ang ginawang pagdo-donate ng dugo ni Irish para sa kaniya.
“Ma, mabuti naman po at magaling na kayo,” umiiyak na sabi ni Irish.
“Nahihiya ako sa iyo… salamat sa ginawa mo para sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa iyo, Irish. Patawarin mo ako sa mga nasabi ko sa iyo,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Melba kay Irish.
“Ma, hindi man ako nanggaling sa sinapupunan ninyo, kayo po ang Mama ko. Kayo po ang ina ko,” emosyunal na tugon ni Irish.
“Salamat… anak ko!”
At niyakap ni Irish ang kaniyang inang si Melba habang nakahiga ito sa kama. Tahimik namang lumuluha si Armand habang pinapanood ang dalawa.
Simula noon ay naging maganda na ang relasyon nina Melba at Irish, at bumalik na rin si Armand. Kinalimutan na nila ang mga bangungot ng nakaraan at nagsimulang muli.

Takang-Taka ang Tatlong Magkakapatid Kung Bakit Bigla Silang Pinatawag ng mga Magulang Para sa Isang Mahalagang Pagpupulong; Para Ba Ito sa Manang Matatanggap Nila?
