Inday TrendingInday Trending
Isang Babae, Isa-Isang Hiningian ng Tulong ang Kaniyang mga Kaanak para sa Pagpapagamot Kuno Niya; Ngunit Iyon ay Pagsubok Lang Pala

Isang Babae, Isa-Isang Hiningian ng Tulong ang Kaniyang mga Kaanak para sa Pagpapagamot Kuno Niya; Ngunit Iyon ay Pagsubok Lang Pala

“Pasensiya ka na, Myrna. Ikaw na lang ang nag-iisang maaari kong lapitan, dahil nilapitan ko na ang lahat ng kamag-anak natin, pero walang ni isa mang gustong magbigay sa akin ng tulong,” mangiyak-ngiyak na ani Lorna sa kaniyang pinsang si Myrna matapos niyang katukin ito sa mismong tahanan nito, upang manghingi ng tulong.

“Naku, wala ’yon. Maliit na halaga nga lang ’yan, e. Hindi pa kasi ako nababayaran para sa ipinaglaba ko noong isang linggo dahil nagkasakit din ’yong amo ko. Si Marco lang ang may kita ngayon, e,” sagot naman sa kaniya ni Myrna. “Hamo’t bukas na bukas ay sasamahan kita doon sa barangay. Baka makahingi tayo ng tulong kay kapitan. Basta, kapag may kailangan ka ay lumapit ka lang sa akin, ha?” dagdag pa nito na halos tumunaw naman sa puso ni Lorna.

“Ang totoo n’yan, tatanungin ko rin sana sa ’yo kung maaari akong makituloy kahit mga ilang araw lang. Wala na akong pambayad sa renta kaya pinalalayas na ako sa tinitirahan ko.” Sinapo pa ni Lorna ang kaniyang mukha upang ipakita sa kaniyang pinsan na naiiyak siya. Agad namang rumehistro ang awa sa mukha nito at agad siyang inalo.

“Walang problema, Lorna. Welcome na welcome ka rito sa amin! Sigurado akong hindi rin naman tututol si Marco kapag nagpaalam ako sa kaniya. Tahan na, nandito lang ako para sa ’yo.”

Napangiti na lang si Lorna. Sa dinami-rami ng mga kaanak nilang pinuntahan niya ay ito lang ang tanging nagbigay sa kaniya ng tulong nang walang pag-iimbot. Handa pa itong magbigay ng higit pa sa kaya nito. Sa wakas ay nakakita rin si Lorna ng papasa sa kaniyang pagsubok. Ang totoo kasi ay isa-isa niyang kinatok ang halos lahat ng kaniyang mga kaanak upang humingi ng tulong sa kaniyang pagpapagamot ‘kunwari’ sa malala niyang karamdaman. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay isa lamang iyong pagsubok, para sa isang sorpresang naghihintay sa lahat ng mag-aabot sa kaniya ng tulong.

Hindi nga nagkamali si Myrna sa sinabi nito sa kaniya. Nang dumating ang asawa nitong si Marco ay malugod pa sa malugod itong pumayag na doon muna siya tumuloy sa kanila. Ayon nga rito ay mas maganda nga raw ’yon upang kahit papaano ay matitingnan nila kung kumusta na ang kalagayan niya, nang malaman nitong may karamdaman nga siya.

Hindi malaki ang tahanan ng mag-asawang Myrna at Marco. Ang totoo n’yan ay nakatira lamang ang mga ito sa isang maliit na barung-barong na gawa sa kawayan at mga lumang yero. Ngunit napakabusilak ng mga puso nila na hindi kailan man nagdalawang isip na tumulong sa kanilang kapwa.

“Sige. Matutulungan n’yo ba akong kunin ang mga gamit ko sa inuupahan ko? Pasensiya na talaga kayo, ha? Kayo lang ang malalapitan ko ngayon,” aniya pa sa mga ito na agad namang pinaunlakan ang kaniyang pakiusap.

Agad siyang bumiyahe, sakay ng inupahan nilang tricycle patungo sa kaniyang tahanan, kasama ang mag-asawa. Nang makarating sila ay ganoon na lang ang gulat ng mga ito nang makitang, hindi siya sa isang simpleng apartment nakatira…kundi sa isang mansyon!

“A-ano’ng ibig sabihin nito, Lorna?” tanong sa kaniya ni Myrna na halata ang labis na pagtataka sa mukha.

“Pasensiya ka na, Myrna. Hindi totoong mayroon akong sakit at karamdaman. Ang totoo n’yan ay naghahanap lang ako kung sino sa mga kaanak ko ang dapat kong tulungan. At kayo lang ang tanging nagbigay sa akin ng tulong,” sagot naman ni Lorna sa mga ito na ikinabigla pa ng mag-asawa.

Doon na rin ipinaliwanag ni Lorna na ipinamana sa kaniya ng kaniyang mga magulang ng kaniyang ama ang kanilang mga kayamanan kaya ngayon ay isa na siyang milyonarya. At nais niyang ibahagi sa mabubuti niyang kaanak ang lahat ng biyayang kaniyang nararanasan ngayon.

Laking pasasalamat naman ng mag-asawang Myrna at Marco, nang bigyan sila ni Lorna ng bahay at lupa, pati na rin ng pangkapital sa negosyo. Labis naman ang pagsisisi ng ibang mga kaanak ni Lorna na hindi nila nabigyan ng tulong ang babae nang katukin sila nito. Ngayon ay ang mag-asawa lamang tuloy ang todo-todong inuulan ng suwerte sa puder ni Lorna, dahil tanging ang mga ito lang ang may kakayahang taos-pusong maglahad ng kamay upang abutan ng tulong ang kaanak nilang nangangailangan.

Iba talaga ang nagagawa ng kabutihan, ‘no?

Advertisement