Inalok ng Babaeng Ito ang Kaniyang Kumareng Naghihirap na Siya na lang ang Bibili ng Gatas ng Anak Nito; Ang Kumare, Branded pa ang Gusto!
Walang pasok sa trabaho si Demy nang araw na ’yon. Sa wakas ay makakapagpahinga siya pagkatapos ng ilang araw na pagtatrabaho niya. Nakaupo siya sa salas ng kaniyang bahay at hawak ang kaniyang cellphone. Nags-scroll siya sa peysbuk bilang parte ng kaniyang pagre-relax habang kumakain ng pananghalian, gayong mag-a-ala una na ng tanghali. Kagigising lamang kasi niya dahil nilulubos-lubos niya na ang kaniyang rest day.
Napakunot ang noo ni Demy nang mabasa ang isang Facebook post ng kaniyang kumareng si Trisha. Ayon kasi sa naturang post ay wala nang panggatas ang anak nito, na siya namang inaanak niya dahil kababata niya ang asawa nitong so Joey. Ang alam niya ay may trabaho naman si Joey, ngunit inisip niya na naapektuhan talaga ng pand*mic ang mga ito.
Napapalatak si Demy. Sa ilang beses kasi niyang pagdalaw sa kauna-unahan niyang inaanak ay napamahal na talaga ang bata sa kaniya. Dahil doon ay agad niyang kinontak sa Messenger ang kumare niyang si Trisha upang alukin ito ng tulong, tutal ay may natira pa naman siyang pera mula sa 13th month pay niya noong Disiyembre.
“Trisha, nabasa ko ’yong post mo. Kung kailangan mo ng panggatas ng anak mo, ako na ang bibili. May kaunti pa naman akong extra dito, e,” aniya sa kaniyang kumare, tutal ay natatandaan pa naman niya ang gatas ng bata, dahil makailang ulit na rin siyang nakadalaw sa mga ito noon.
“Perahin mo na lang, Demy. Lakihan mo, ha? Branded kasi ang gatas ng anak ko,” sagot naman sa kaniya ni Trisha. Bahagyang napangiwi si Demy sa nabasang sagot nito.
“Maliit lang kasi ang extra ko ngayon, e,” katuwiran niya naman.
“Naku, huwag na. Kaunti lang ’yong extra mo? Branded kasi ang gusto kong ipabiling gatas para sa anak ko. Ayaw ko ng cheap,” sagot naman nito na ikinapanlaki ng mga mata ni Demy.
“Huh? Hindi ba at hindi naman branded ang gatas ng inaanak ko? Noong nakaraang nagpunta ako, ako pa nga ang nagtimpla ng gatas niya,” takang sabi pa ni Demy, na agad namang ikinagalit ni Trisha.
“Alam mo, kung hindi mo kayang magbigay, huwag ka nang makialam! Sisirain mo pa ang diskarte ko, e, ano?!” reply pa nito sa kaniya.
“Diskarte? Ano’ng ibig mong sabihin? Akala ko ba, wala nang mad*de ang anak mo? Bakit namimili ka pa ng tulong na ibibigay sa ’yo?” tanong pa ni Demy sa babae. Nagtataka kasi siya sa ipinapakitang ugali nito ngayon. Hindi naman ganoon ang pagkakakilala niya sa babae. Kung sa bagay ay hindi naman talaga ito ang kaibigan niya kundi ang asawa nito.
“Wala kang pakialam! Bwisit ka! Message ka nang message, kuripot ka naman pala! Hindi ka na ninang ng anak ko, mula ngayon!” sabi pa nito sa kaniya at napailing na lang si Demy.
Minabuti ni Demy na huwag na lang reply-an pa ang kaniyang kumare. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi nito. Hindi niya akalain na ganito pala talaga ang ugali nito. Dati na siyang may naririnig na reklamo tungkol kay Trisha ngunit hindi niya iyon pinaniwalaan dahil hindi pa naman niya nakikita. Ngunit ngayon ay napatunayan niya na ang ugali nito!
Kinalma niya ang sarili. Minabuti niyang mag-scroll na lamang ulit sa peysbuk at doon ay nakita niya na naman ang post ni Trisha. Doon ay hindi niya naiwasang magbasa ng comments. Nagtaka kasi siya kung bakit ngayon ay dinudumog na ito!
Matagal na pala ang modus na ito ni Trisha. Pampalipas oras nito ang gawing negosyo ang anak niya! Nagpapanggap itong wala nang maipad*de sa anak, o kaya’y may sakit ang kaniyang anak, at kapag siya ay nakalikom na ng pera, ay ipangsusugal niya iyon hanggang sa maubos ang kaniyang pera!
Ngayon niya lamang din nalaman na hiwalay na pala ito at ang kababata niyang si Joey, dahil na rin sa ugali ni Trisha. Matino naman daw ang utak nito, ngunit sadya itong mukhang pera at lulong sa iba’t ibang bisyo!
Matapos iyon ay nabalitaan na lang ni Demy na dinampot ito ng mga pulis dahil napabalitang isa rin itong scammer. Ngunit talagang mabuti ang kalooban ni Demy kaya naman ganoon pa rin ang awa niya para sa mag-ama nito. Si Joey at ang kaniyang inaanak. Kaya naman kinontak niya ito at minabuting abutan na lang din ng tulong.