Tinulungan Niya ang Batang Nagmamakaawang Gamutin ang Lolong Kasama; Napakaganda ng Binunga Nito sa Buhay Niya
Unang araw sa trabaho ng doktor na si Marsha. Sabik na sabik siya para sa araw na ito dahil ngayon, matutupad na ang pangarap na halos sampung taon niyang pinilit na maabot.
“Grabe, nanay, ‘no? Hindi ko talaga akalaing magiging ganap akong doktor! Ni hindi ko nga maalala kung paano ako nakapasa sa mga pagsusulit na kinuha ko simula noong unang taon ko sa kolehiyo!” tuwang-tuwa niyang sabi sa kaniyang ina habang pinaghahandaan siya nito ng babauning pananghalian.
“Ibang klase kung magbigay ng biyaya ang Panginoon, anak! Kaya ngayong lisensyadong doktor ka na, patuloy mong itapak sa lupa ang mga paa mo. Hindi para makatanggap pa nang mas maraming biyaya, kung hindi para ikaw naman ang makatulong sa iba!” pangaral nito sa kaniya na lalong ikinataba ng kaniyang puso.
“Opo, nanay! Pangako, itatatak ko po ‘yan sa puso’t isip ko!” tugon niya saka niya tinaas ang kanang kamay.
“Mabuti kung ganoon! O, sige na, ika’y umalis na at baka mahuli ka pa sa unang araw mo sa trabaho!” tawang-tawa wika nito saka iniabot ang kaniyang baon dahilan para siya’y magmadali nang pumasok sa ospital.
Kaya lang, ang payapa at maayos na trabahong kaniyang iniisip habang siya’y naglalakad patungo rito ay agad na napalitan ng awa at kaba nang makita niya ang sandamakmak na pasyenteng sun*g ang katawan, malubha ang sugat sa iba’t ibang parte ng katawan, at ang iba ay naghihingalo na ang bumungad sa kaniya.
“Dok Marsha! Kailangan na kita sa loob, halika na!” sigaw sa kaniya ng doktor na umaalalay sa kaniya roon simula pa lamang nang mag-training siya rito.
“Anong mayroon, dok? Bakit ang daming kailangang dalhin sa emergency room?” tanong niya rito habang tinatakbo nila patungong emergency room ang isang ginoo na sunog ang mukha.
“Nasunog at gumuho ang isang gusaling ginagawa riyan sa kabilang bayan, dok! Ngayon pa lang masanay ka na, hindi araw-araw, petiks ang trabaho natin dito!” sabi nito sa kaniya dahilan para ikondisyon niya maigi ang katawan at isip sa kaniyang trabaho.
Matapos niyang lunasan ang matandang iyon, muli siyang lumabas ng emergency room upang tingnan kung may pasyente pa siyang kailangang gamutin.
Kaya lang, bago pa siya marating kung nasaan ang mga naaapektuhang trabahador, may isang batang edad sampu ang biglang humarang sa kaniya.
“Dok, tulungan niyo po ang lolo ko,” mangiyakngiyak nitong sabi sa kaniya habang hinihila-hila ang kaniyang damit.
“Sige, hija, pagkatapos kong gamutin ang mga trabahador na nasa emergency room, pupuntahan ko agad ang lolo mo, ha?” sabi niya rito.
“Hirap na pong huminga si lolo, dok. Pakiusap, unahin niyo na po siya. Kanina pa po kami rito, pero dahil wala kaming pambayad, hindi nila kami iniintindi. Ang lolo ko lang po ang kasama ko sa buhay, tulungan niyo po kami,” pagmamakaawa pa nito.
Bigla niyang naalala ang sinabi ng kaniyang ina kaya agad niya itong pinuntahan kahit pa panay na ang saway sa kaniya ng doktor na umaalalay sa kaniya.
Agad niyang nilunasan ang matanda. Binigyan niya ito ng oxygen saka niya inilagay sa isang bakanteng silid. Sa pagtingin niya sa kondisyon nito, napag-alamanan niyang may bato ito sa apdo at kailangan na niya agad operahan dahil kung hindi, maaari na itong mawala anumang oras.
“Wala po kaming pera!” iyak ng bata nang sabihin niya rito ang napag-alamanan niya.
“Ako’ng bahala,” wika niya rito saka siya nagtawag ng ibang doktor na pupwedeng mag-opera sa matanda.
“Kakilala ko po sila, dok, ako pong magbabayad ng lahat ng bill nila. Pakioperahan na po agad si tatay,” sabi niya sa doktor na nakausap niya dahilan para agad itong lunasan.
Habang naghihintay sa kahihinatnan ng operasyon ng matanda, muli niyang ginawa ang kaniyang trabaho. Nilunasan niya ang halos lahat ng nagsisigawang pasyente roon dahil sa sakit na nararamdaman.
Kinabukasan na siya natapos sa paggagamot sa mga trabahador na naroon at nang muli niyang maalala ang batang humingi ng tulong sa kaniya kahapon, agad niya itong pinuntahan.
Ngunit siya’y biglang magtaka nang makitang tila mga propesyonal na tao ang nasa loob ng silid kung saan niya pinagpahinga ang bata.
“Dok! Nandito po kami ni lolo!” sigaw nito nang siya’y makita at nang maramdaman nitong nagtataka siya, sabi pa nito sa kaniya, “Sila po ang tunay kong mga magulang. Sa katunayan po, ilang araw na akong nawawala at si lolo ang tanging bumuhay sa akin. Mabuti na lang po may napagsabi sa kanila na nandito ako sa ospital kaya nakita nila ako!” kwento nito na labis niyang ikinagulat.
“Kaya bilang pasasalamat po sa ginawa niyo sa taong nag-alaga sa anak namin habang wala kami, tanggapin niyo po ito,” sabi sa kaniya ng ina nito saka siya inabutan ng isang tsekeng naglalaman ng napakalaking halaga at isang susi ng sasakyan.
“Naku, hindi ko po matatanggap ‘yan! Kay lolo niyo na lang po ito ibigay lahat!” natataranta niyang wika.
“Kami na pong bahala kay lolo, aampunin na po namin siya. Karapat-dapat lang po kayong bigyan ng gantimpala dahil isa ka sa namumukod tanging doktor na hindi pera lang ang hangad,” nakangiti pa nitong sabi sa kaniya kaya wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang maiyak sa labis na kasiyahan.
Simula noon, agad na umingay ang pangalan niya hindi lang sa ospital na iyon kung hindi sa buong bansa na nakapagbigay sa kaniya ng sandamakmak na oportunidad sa iba’t ibang larangan ng medisina.
Ito rin ang naging simula upang mabigyan niya nang magandang buhay ang pamilya niya na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.
“Salamat, anak, dahil sa pagtugon mo sa trabaho mo, nag-uumapaw ang biyaya ng Diyos sa atin!” wika pa nito na talagang nagbigay sa kaniya ng rason upang lumuhod sa harapan ng altar bilang pasasalamat sa lahat ng natanggap niyang biyaya na pangako niya, ipapamahagi niya rin sa iba.