Inday TrendingInday Trending
Ayaw Siyang Ipakilala ng Nobya sa Pamilya dahil Wala Siyang Disenteng Trabaho; Maipakilala na Kaya Siya Nito Kapag Mayroon na Siyang Trabaho?

Ayaw Siyang Ipakilala ng Nobya sa Pamilya dahil Wala Siyang Disenteng Trabaho; Maipakilala na Kaya Siya Nito Kapag Mayroon na Siyang Trabaho?

Buong pusong tinanggap ng binatang si Polo ang kagustuhan ng dalagang minamahal niya na isikreto muna sa pamilya nito ang kanilang relasyon. Lalo na’t katwiran nito, “Ayoko kasing hadlangan nila ang pagmamahalan natin. Sigurado, kapag nalaman nilang wala kang trabaho at hinayaan kitang maging nobyo, magiging masama ang tingin nila sa ating dalawa, lalo na sa’yo. Baka sabihin nila na wala akong mapapala sa isang katulad mo,” na labis niya namang naiintindihan dahil alam niyang mahirap din ang buhay nito at ito lang ang tanging pag-asa ng mga magulang.

Imbis na siya’y sumuko sa pagmamahalan nilang dalawa, siya’y nagsumikap upang mabigyan ng kapanatagan ang mga magulang ng dalaga kung sakaling siya’y ipapakilala na nito.

“Anong trabaho kaya, mahal, ang makakapagpahanga sa mga magulang mo? Magsabi ka ng kahit anong trabaho, pangako, sisikapin ko ‘yong abutin!” masigla niyang sabi sa nobya nang siya’y makaipon ng sapat na pera upang makapagpatuloy siya sa pag-aaral.

“Piloto,” tipid nitong sagot habang nagamit ng selpon.

“Piloto? Hindi ba’t mahal mag-aral ng kurso no’n sa kolehiyo?” tanong niya rito.

“Edi kahit anong marangal na trabaho! Nagtatanong ka pa, hindi mo rin pala kayang abutin ang sasabihin ko!” sigaw nito sa kaniya na ikinabigla niya.

“Pasensya na, mahal, alam mo namang gipit din talaga ako ngayon. Pero hayaan mo, darating din ang panahon na maihaharap mo na ako sa kanila dahil may marangal na akong trabaho!” tugon niya rito saka niya hinawakan ang kamay nito.

Sa labis niyang kagustuhang maging legal ang kanilang relasyon sa pamilya ng dalaga, siya’y labis na nagsumikap.

Hindi man niya talaga kayang makuha ang kursong pagpipiloto na gusto nito para sa kaniya dahil sa mahal ng tuition nito, napagpasiyahan niyang kumuha ng kursong accountancy. Pasok na sa budget niya ang halaga ng kursong ito, tingin niya’y mamaniin niya lang ang pag-aaral nito at magiging ganap na accountant dahil sa galing niya sa matematika.

Napapansin man niya ang panlalamig ng nobya habang siya’y nag-aaral, ginawa niya pa rin ang lahat upang makapagtapos at maabot ang pangarap niyang maipakilala sa pamilya nito.

Kaya naman, ganoon na lang ang sayang mayroon siya nang pagkalipas ng halos limang taon, siya’y maging isang accountant na.

Sa sobrang kasabikang ipakita ang lisensya niya sa nobya, sinadya niya na ito sa bahay upang humarap na rin sa mga magulang nito.

“Siguro naman, hindi siya magagalit sa akin, ‘no? Magkakaroon na rin naman ako ng marangal na trabaho, ‘di kalaunan! Oras na para maging legal kami sa pamilya niya!” masaya niyang sabi habang naglalakad patungo sa bahay ng dalaga.

Ngunit, pagkarating niya roon, nakita niya sa bintana ng bahay nito na may kasama itong isang lalaki sa hapag-kainan. Kausap ng naturang lalaki ang mga magulang ng dalaga na labis niyang ikinapagtaka.

Tatawagin niya palang sana ang dalaga nang siya’y makita nito at agad na labasin upang itaboy.

“Teka, mahal, anong nangyayari? Sino ‘yong lalaking kausap ng mga magulang mo?” tanong niya rito.

“Si Jo, isang piloto, bagong manliligaw ko,” diretsahan nitong tugon.

“Ano? May bago kang manliligaw kahit may relasyon pa tayo?” gulat niyang wika.

“Sinong nagsabi sa’yong tayo pa? Ang tagal-tagal mo magtagumpay, Polo, hindi na kita mahihintay! Lalo pa ngayon na may piloto nang nagkagusto sa akin! Sige na, umuwi ka na, huwag ka nang manggulo rito!” taboy nito na talagang ikinawasak ng puso’t kaluluwa niya.

Ilang linggo rin siyang tulala sa kwarto matapos ang pangyayaring iyon. Tila nawalan siya ng gana at pag-asa sa buhay dahil sa mga sinabi ng dalaga. Walang araw o kahit na gabi na hindi siya umiiyak. Sa katunayan pa nga, naisipan niya na ring tapusin ang sariling buhay dahil sa sakit na nararamdaman.

Mabuti na lang talaga, araw-araw siyang pinapangaralan ng kaniyang ina. Hanggang sa isang araw, bigla na lang tumatak sa isip niya ang sinabi nitong, “Kapag naging matagumpay ka nang accountant, hindi mo na kailangang magpakat*nga sa isang babae, anak, dahil mga babae na ang pipila at magkakandarapa sa’yo. Lalo na’t tapat at siksik-liglig ka kung magmahal.”

Dahil doon, muli siyang nahamon. Agad siyang lumabas ng kanilang bahay at naghanap ng kumpanyang maaari niyang mapagtatrabahuhan. Hanggang sa isang kilalang bangko na ang lumapit sa kaniya at siya’y binigyan ng mataas na posisyon doon.

Bukod sa trabaho niya roon, mayroon pa siyang ginawang sariling opisina kung saan siya tumatanggap ng mga personal niyang kliyente dahilan upang sa loob lang ng isang taon, agad na umangat ang buhay niya.

Nakabili niya ng bahay at lupa ang kaniyang mga magulang, mayroon na siyang sasakyan, may isang gusali siyang nabili upang patayuan niya ng naiisip na negosyo at marami pang ari-arian na nagpaingay maigi sa pangalan niya.

Katulad ng inaasahan niya, ilang buwan pa ang lumipas, muling nakikipagbalikan sa kaniya ang dati niyang nobya.

Kwento pa nito, “Niloko ako ng pilotong iyon, Polo. Hindi lang pala ako ang nobya niya. Ngayong buntis ako, pupwede mo ba akong panagutan? Mahal mo pa rin naman ako, hindi ba?” na ikinatawa niya na lamang.

Pero dahil likas ang kabaitang mayroon siya, binigyan niya ito ng kaunting tulong ngunit hindi na niya ito binalikan pa na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina.

“Hindi mo kailangan ang isang katulad niya, anak, tama ‘yang desisyon mo. May darating pang babae sa buhay mo na hindi titingnan ang kapal ng bulsa mo para maipagmalaki ka,” pangaral pa nito dahilan para siya’y matiyagang maghintay para sa babaeng iyon.

Hindi man niya agad na makita ang babaeng iyon, itinuon niya muna ang atensyon sa trabaho at pagnenegosyo. Sa ganoong paraan, lalo na niyang napayaman ang sarili, nakatulong pa siya sa kaniyang pamilya at komunidad.

Advertisement