Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan Siya ng Kinakasama dahil Hindi Siya Tumutulong sa Gawaing Bahay; Nagrenta Pa Siya ng Babae Upang Pagselosin Ito

Hiniwalayan Siya ng Kinakasama dahil Hindi Siya Tumutulong sa Gawaing Bahay; Nagrenta Pa Siya ng Babae Upang Pagselosin Ito

Dahil sa simpleng pagtatalo tungkol sa paghuhugas ng pinggan, nakipaghiwalay kay Dencio ang tatlong taon niyang kinakasamang dalaga sa mismong gabi ng Noche Buena.

Buong akala niya, hindi ito tototohanin ng nobya katulad ng palagi nitong ginagawa tuwing sila’y nag-aaway. Akala niya, paglipas ng gabi, muli itong maglalambing sa kaniya at hihingi pa ng tawad sa pabigla-biglang desisyong ginagawa nito. Kaya naman, buong gabi, hinayaan niya lang itong umiyak nang umiyak habang siya’y nakikipag-inuman sa kanilang mga kapitbahay.

Kaya lang, kinabukasan nang gabing iyon, nagulat na lang siya nang makitang nagbabalot na ito ng gamit. Tandang-tanda niya pa ang birong sinabi niya rito na akala niya, ikakatawa nito.

“Saan ang punta mo, hija? Para kang teenager na masama ang loob sa magulang mo!” patawa-tawa niya pang biro rito sa pag-aakalang nagpapalambing lang ito.

“Hindi ako nakikipagbiruan, Dencio. Buo na ang loob ko, makikipaghiwalay na ako sa’yo,” seryoso nitong sagot saka agad na sinara ang zipper ng sariling maleta.

“Diyos ko, mahal, dahil lang sa hindi ko paghuhugas ng plato, iiwan mo ako?” tanong niya rito habang pinipigilan ang kabang nararamdaman.

“Oo, Dencio, bakit? Hindi lang ‘yon dahil sa hindi mo paghuhugas ng plato! Buong maghapon kahapon, wala kang tinulong sa paghahanda para sa Noche Buena! Tapos pagkatapos kong magluto ng lahat ng gusto mo, ako pa ang aasahan mong maghugas ng plato habang ikaw, makikipagkasiyahan na sa mga tropa mo riyan?” sigaw nito sa kaniya.

“Mahal, naman, pasensya na. Ito na, maghuhugas na ako ng plato,” nakatungo niyang sabi saka agad na nagpunta sa kanilang lababo.

“Huli na ang lahat, sawang-sawa na akong maging katulong mo!” bulyaw pa nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Hindi mo na ba ako mahal?” tanong niya rito.

“Hindi na!” tugon nito saka agad na lumabas ng kanilang bahay bitbit-bitbit ang mga gamit na talagang dumurog sa puso niya.

Gusto man niya sanang habulin ang dalaga noong araw na ‘yon, hindi niya magawa dahil ayaw niyang pagtawanan siya ng mga kapitbahay na nakainuman niya kagabi.

Gabi-gabi man siyang binabagabag ng konsensya upang suyuin ang dalaga, hindi niya ito kailanman tinugunan dahil pakiramdam niya, ipapahiya lang siya nito sa pamilya nito kapag siya’y nagpunta sa bahay ng mga ito.

Ngunit kahit anong gawin niya, hindi niya pa rin maalis sa isipan ang dalaga. Walang oras na hindi ito tumatakbo sa isip niya. Gusto niyang malaman kung anong ginagawa nito, kung kumain na ba ito, sino ang kasama nito at marami pang katanungan hindi niya masagot-sagot.

Kaya naman, upang muling makausap ang dalaga nang hindi siya nagpapakita ng pagpapakumbaba, naisipan niyang magrenta ng dalaga na gagamitin niya upang ito’y pagselosin.

“Kapag ako mahal pa nito, siguradong maaapektuhan siya at babalik siya sa akin! Edi walang kahirap-hirap, ‘di ba?” tatawa-tawa niya pang sabi habang hinihintay ang dalagang kaniyang nirentahan.

Hinihintay niyang lumabas sa gusaling pinagtatrababuhan ang dating nobya at nang makita na niyang palabas na ito, agad niyang hinawakan ang kamay ng nirentahan niyang dalaga saka nila ito sinabayang maglakad.

Babatiin niya palang sana ito upang siya’y mapansin nito nang bigla siya nitong sinuntok sa mukha at pinagmumumura.

“Walanghiya ka! Wala pang isang buwan simula nang lumayas ako sa bahay, may bago ka na agad?” sigaw nito sa kaniya.

“Ano naman sa’yo? Ayaw mo na sa akin, ‘di ba?” sagot niya pa.

“Ayoko na talaga!” bulyaw nito saka siya pinagsususuntok sa katawan, “At ikaw, babae, kaya mo bang…” hindi pa nito natatapos ang sasabihin, bigla nang tumakbo palayo ang dalaga dahil sa takot nitong masaktan.

“Naku, miss, huwag mo akong sasaktan! Binayaran niya lang ako para pagselosin ka! Magbalikan na nga kayo! Hindi ‘yong mandadamay pa kayo ng tao sa problema niyo!” pagtatapat nito na ikinagulat niya.

Sa sobrang takot ng dalagang iyon, nahulog pa ito sa imburnal na parehas nilang ikinatawang dalaga.

“Pasensya na, miss, pasensya na talaga,” kamot-ulo niyang sabi matapos iangat mula sa imburnal ang dalaga.

“Ito, o, dagdag na sa bayad, pasensya na rin kung natakot kita,” segunda pa ng dati niyang nobya saka ito inabutan ng limang daang piso.

Inirapan lang sila ng naturang dalaga saka sila nagtawanang dalawa.

“Ano, iiwan mo pa ako?” tanong niya rito na ikinatawa nito maigi.

“Hindi na! Anong ulam sa bahay ngayon?” tanong din nito.

“Wala pa, eh, pero ano bang gusto mo? Ipagluluto kita, prinsesa ko!” matamis niyang sabi na ikinakilig naman nito.

Doon na sila muling nagpasiyang magsama na labis niyang ikinatuwa dahil sa wakas, muling nagkaroon ng kulay at ingay ang bahay niya.

Upang huwag nang maulit ang kanilang hiwalayan, araw-araw na niyang tinulungan ang dalaga at ginawa ang lahat ng responsibilidad niya. Pagtawanan man siya ng mga kapitbahay at bansangang “Dencio ang Under de Saya”, tinatawanan niya na lang huwag lang siya muling mawalan ng isang importanteng tao sa buhay niya.

Advertisement