Ayaw Niyang Magpapaistorbo sa Asawa sa Tuwing Siya’y Nasa Inuman; May Emergency na Pala sa Kanilang Bahay
Ayaw na ayaw ni Ricardo na siya ay maiistorbo tuwing siya’y nasa inuman. Kung ang ibang padre de pamilya ay agad na tumitiklop kapag sinusundo na o agad na natatarantang umuwi kapag tinawagan na ng asawa, ibang-iba siya sa mga ito dahil kapag siya’y sinundo, tinawagan o kahit anong pang-iistorbo ang ginawa ng kaniyang asawa, siya pa ang labis na magagalit dito.
May pagkakataon pa ngang pinahiya niya sa harap ng kaniyang mga kainuman ang kaniyang asawa nang minsan nitong dalhin sa kanilang tambayan ang anak nilang umiiyak dahil kailangan niyang magtungo sa ospital upang tingnan ang nag-aagaw buhay na magulang.
Imbes na intindihin ang asawa o kahit alagaan ang anak, hinayaan niya itong umiyak lang nang umiyak sa tabi ng kanilang lamesa habang siya’y masayang nakikipag-inuman.
Nang marindi pa siya sa ingay ng iyak nito at ng kanilang anak, sabi niya pa, “Hoy! Umuwi na nga kayong dalawa! Kung gusto mong puntahan ang nanay mo sa ospital, isama mo ‘yang anak mo o kaya, sumama ka na rin sa nanay mo sa kabilang buhay!”
Todo saway man sa kaniya ang kainuman niya dahil sa mali niyang pakikitungo sa asawa, nagalit pa siya sa mga ito dahilan para hindi na siya pakialamanan ng mga ito simula noon.
Ramdam man niyang tila nawawalan na ng amor ang kaniyang asawa sa kaniya dahil sa ugali niyang ito tuwing nasa inuman, ni katiting na pag-aalala, wala siyang nararamdaman. Buo ang loob niyang hinding-hindi siya kayang iwan ng asawa dahil ayaw nitong masira ang kanilang pamilya at walang kalakihang ama ang kanilang dalawang anak na babae.
Isang gabi, pagkalabas niya sa trabaho, agad siyang dumiretso sa tambayan nila ng kaniyang mga kainuman. Kaarawan kasi ng isa sa kaniyang mga kaibigan at napag-alamanan niyang nag-uumapaw ang alak na mayroon doon dahilan upang hindi siya magdalawang isip na magpunta roon kahit pa pagod na ang katawan niya sa trabaho.
Pagkadating niya roon, saka lang siya nagpadala ng mensahe sa kaniyang asawa para malaman nitong hindi siya makakauwi ngayong gabi.
Ngunit, pinagsisihan niyang pinadalhan niya pa ito ng mensahe dahil simula noon, hindi na ito tumigil kakatawag sa kaniya.
“Sagutin mo na kaya, pare? Baka importante ‘yan kaya panay ang tawag niya sa’yo,” payo ng isa niyang kaibigan.
“Papauwiin lang ako niyan! Kahit kailan, hindi ‘yan nagtanda na ayaw na ayaw kong iniistorbo ako sa inuman!” tugon niya saka muling binaba ang tawag ng asawa.
“Pare, sa mga ginagawa mong pamamahiya sa asawa mo tuwing nasa inuman tayo, tiyak, nadala na ‘yan. Baka kaya tumatawag siya, may emergency sa bahay niyo. Sige na, sagutin mo na,” sabi pa ng kaibigan niyang may kaarawan.
“Huwag na nga kayong mangialam, sinisira niyo ang gabi ko, eh,” inis niyang tugon saka agad na sinara ang selpon niya upang huwag na siyang matawagan nito.
Wala siyang ginawa buong gabi kung hindi ang uminom ng alak, makipagtawanan at makipagkwentuhan sa mga kaibigan, at magpakabusog sa bumabahang pagkain sa handaang iyon na talagang nagbigay ng labis na kasiyahan sa kaniya.
Dahil sa labis na kalasingan, doon na rin silang lahat nakatulog at nagising na lang siya nang marinig siya’y tapik-tapikin ng mga kaibigang tila alalang-alala na.
“Anong nangyayari sa inyo?” inis na tanong niya.
“Nasa presinto ang mag-iina mo, pare! Pinasok pala ng mga magnanakaw ang bahay niyo kagabi! Nagtago lang sila sa banyo niyo kaya hindi sila nasaktan pero ang mga gamit niyo, limas lahat!” balita ng kaibigan niya dahilan para siya’y napabalikwas at agad na mapatakbo sa presinto.
Pagkadating niya roon, nakita niya kung gaano katakot ang kaniyang mga anak. Nakayapos lang ang mga ito sa kaniyang asawa habang nakatulala at patuloy na umiiyak. Agad niyang nilapitan ang mga ito upang yakapin ngunit siya’y agad na tinaboy ng kaniyang asawa at inilayo sa kaniya ang dalawang bata.
“Alam mo namang tinatawagan kita kagabi, Ricardo! Kailangan ka namin kagabi, pero mas pinili mo ang pag-iinom mo! Kaya simula ngayon, alak na ang gawin mong pamilya!” sigaw nito sa kaniya.
“Mahal, hindi ko naman akalaing…” hindi pa niya natatapos ang sasabihin, bigla nang nagwala sa unang pagkakataon ang kaniyang asawa.
“Paano mo malalaman, eh, sinara mo ang selpon mo para lang huwag kang maistorbo!” bulyaw nito saka hinagis sa mukha niya ang selpong tinatawagan pa rin ang numero niya.
“Umalis ka na, papa, huwag mo nang dagdagan ang takot na nararamdaman namin,” mahinang sabi ng panganay niyang anak na talagang ikinadurog niya.
Wala siyang ibang nagawa kung hindi sundin ang utos ng anak at tingnan mula sa malayo ang kaniyang mag-iina.
Simula noon, ginawa man niya ang lahat upang mapundar muli ang mga gamit na nawala sa kanila at maibalik ulit ang tiwala ng mga anak at asawa, patuloy na lumayo ang loob ng mga ito sa kaniya na labis niyang ikinalungkot dahilan para simula rin noon, tigilan na niya ang pag-iinom at mas magbigay ng oras sa mag-iina.
Natuto siya kung paano maglaba ng kanilang damit, magluto ng masasarap na pagkaing magugustuhan ng kaniyang mag-iina at siya’y nagbigay ng pera sa kaniyang asawa upang magpaganda ito sa salon na talagang ikinataba ng puso nito.
Sa ganoong paraan, kahit paunti-unti, muli niyang nakuha ang loob ng kaniyang mag-iina na ngayon ay ang pinakamahalaga na para sa kaniya.