Pinagbintangan Niyang Magnanakaw ang Kinupkop Niyang Dalaga; Ito Pala ang Makapagbibigay Pag-asa sa Buhay Niya
Hinangaan ng kanilang mga taga-barangay ang ginang na si Amelia nang kaniyang ampunin ang isa nilang kapitbahay na pinagbuhatan at pinagbantaang tatapusin ang buhay ng lalaking kinakasama.
Nang marinig niya ang sigaw ng dalaga sa bahay na tinutuluyan nito kasama ang binatang kinakasama, agad siyang rumesponde kahit pa alam ramdam na niya ang tensyon sa loob.
“Hoy! Umayos nga kayo! Lahat naman, madadala sa matinong usapan! Bakit kailangan niyo magbugb*gan?” sigaw niya nang makita mula sa bintana na sabu-sabunot ng lalaki ang dalaga.
“Ate Amelia, tulungan mo ako! Ilayo mo na ako sa kaniya!” paghingi ng tulong ng dalaga.
“Huwag kang mangialam dito, ha! Away mag-asawa ‘to!” sigaw naman ng binata na lalong ikinataas ng dugo niya.
“Baka nakakalimutan mo, hindi pa kayo kasal kaya hindi pa kayo mag-asawa! Kung ayaw mong bitawan ‘yang si Joan, tatawag na ako ng pulis upang ipakulong ka!” pananakot niya dahilan para mapatulala binata at makalabas ang dalaga sa naturang bahay.
Agad siyang nakatanggap nang palakpakan mula sa kanilang mga kapitbahay pagkalabas ng dalaga. Tila ba siya ay naging “instant super hero” ng kanilang barangay dahilan upang sulitin niya ang kaniyang pagpapasikat.
“May mapupuntahan ka bang ibang kaanak bukod sa walang kwentang lalaking ito?” tanong niya pa sa dalaga.
“Wala po, ate,” hikbi nito.
“O, sige, roon ka na sa bahay ko tumira. Wala kang kahit anong gagastusin, magpaganda ka lang maigi upang pagsisihan niyan ang lahat ng ginawang pangbubugb*g sa’yo!” malakas niyang sabi upang marinig ng lahat ng kanilang kabarangay dahilan para maghiyawan sa tuwa ang mga ito.
“Ibang klase ka talaga, Amelia!” sigaw ng isa nilang kapitbahay saka siya muling pinalakpakan.
Kaya lang, ang kabaitan niyang iyon ay agad na nagtapos nang makarating na sila sa kaniyang bahay. Agad niyang pinaglinis ng bahay ang dalaga at sinabihan pa itong, “Mahihiya ka naman siguro kung magbubuhay prinsesa ka rito sa bahay namin, hindi ba? Kaya ayan, maglinis ka muna bago ka kumain,” na agad namang sinunod ng dalaga dahil sa laki ng utang na loob nito sa kaniya.
Simula nang mamalagi sa kaniyang bahay ang dalaga, tila ba nagkaroon na siya ng katulong sa bahay na minu-minuto na niyang inuutusan. Kung dati’y siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay, ngayon, pati pagpapaligo sa limang taong gulang niyang anak at paghahanda ng almusal ng kaniyang asawa ay iniuutos na niya sa dalaga. Palagi niyang sinusumbat dito ang libre nitong pagtira at pagkain kaya hindi ito makaangal.
Tuwing may dadalaw namang kapitbahay sa kanilang bahay, agad niyang babaliktarin ang sitwasyon upang siya’y makatanggap na naman ng papuri. Hindi niya papakilusin ang dalaga at ipapakita niya pa kung paano niya ito pinagsisilbihan na parang prinsesa!
Isang araw, habang nakatambay sa kanilang bahay ang isa niyang kumareng kapitbahay niya rin, bigla itong nagyayang maglaro ng baraha kaya agad niyang hinanap ang kaniyang pitaka. Ngunit halos itaob na niya ang kaniyang buong bahay, hindi niya pa rin ito nakita.
Dito na lumabas ang tunay niyang anyo. Agad niyang kinapkapan ang pinatirang dalaga sa harap ng kaniyang kumare at kung anu-anong masasakit na salita ang sinabi niya rito.
“Pinapalamon ka na’t lahat-lahat, nagagawa mo pang magnakaw! Dapat lang pala talaga sa’yong bugbugin ng kinakasama dahil malikot ang kamay mo! Wala kang utang na loob! Pinaglinis lang kita ng kwarto, nawala na ang pitaka ko!” sigaw niya rito habang walang habas niyang pinagbububungkal ang mga damit nito.
“Wala po akong kinukuha, ate, maniwala po kayo sa akin!” pagmamakaawa ng dalaga at kahit na siya’y pagtinginan na ng mga kapitbahay, panay pa rin ang pamimintang niya sa dalaga hanggang sa nagpasiya na siyang pagbuhatan ito ng kamay.
“Diyos ko, Amelia! Tigilan mo ‘yan! Wala kang karapatan para gawin ‘yan!” awat ng isang ginang.
“Anong walang karapatan? Kinuha niya ang pitaka ko, dapat lang sa kaniya ‘to!” galit niyang sagot dito.
“Tinanong mo na ba ang asawa mo kung nakita niya? Baka naman ang asawa mo ang may sala! Pinagbibintangan mo ang inosenteng dalaga!” tugon pa nito na lalo niyang ikinagalit.
“Paano ka nakakasigurong asawa ko ang kumuha ng wallet ko, ha? Ikaw pakialamera ka rin, eh!” bulyaw niya rito saka niya ito inambaan ng suntok.
“Nakita ko lang namang may kasamang bayarang babae ang asawa mo kagabi! Sa sama siguro ng ugali mo, nagsawa na sa’yo ang asawa mo!” sigaw nito saka pinakita sa kaniya ang larawan ng asawa niyang may kasamang ibang babae na ikinatigil ng mundo niya.
Ilang minuto niyang pinagmasdan ang litrato at siya’y nagising sa katotohanan nang marinig niya ang boses ng kaniyang asawa.
“Ako nga ‘yan, Amelia, bakit? May reklamo ka? Hindi ka na nga masarap kasama sa kama, puro bunganga at pagpapakitang tao ka pa. Sino ang tatagal sa’yo?” mayabang pa nitong sabi na ikinawarak ng puso at katinuan niya.
“Walang hiya ka, lumayas ka rito!” sigaw niya.
“Hindi mo na kailangang sabihin ‘yan. Umuwi lang ako rito para kuhanin ang mga gamit ko,” patawa-tawa pa nitong sabi na ikinahagulgol niya na lamang.
Habang siya’y pinagbubulungan ng kanilang mga kapitbahay, nagulat na lang siya nang may yumakap sa kaniya.
“Nandito pa ako, ate, hinding-hindi kita iiwan,” bulong ng dalagang kanila lang ay pinagbabantaan niya.
“Kahit pinagbintangan kita at ginawang alila?” hikbi niya.
“Oo naman, ate, utang ko sa’yo ang buhay ko kaya habambuhay akong mananatili sa tabi mo. Tumahan ka na, ang magagandang babaeng katulad natin, hindi nagpapaapekto sa pagkawala ng isang walang kwentang lalaki!” sabi pa ng dalaga na nagbigay ng pag-asa sa kaniya.
Simula noon, silang dalawa na ang nagtulungan sa buhay. Iniwan niya ang pagiging palautos dito at tinuruan niya itong magnegosyo at magtinda ng mga gamit.
Iniwasan niya na rin ang pagpapasikat sa mga kapitbahay bagkus siya’y naging tapat na sa dalaga na nagbunga ng isang marangyang buhay para sa kanilang dalawa.
“Ibang klase ka talaga, Ate Amelia! Salamat sa’yo!” tuwang-tuwa sabi ng dalaga nang makabili na ito ng sariling bahay.
“Hindi, Joan, salamat sa pagbibigay pag-asa sa buhay ko!” wika niya na labis pa nitong ikinasaya.