Inday TrendingInday Trending
Pangarap ng Binata na Makagawa ng Imbensyon, Matupad Niya Kaya Ito Kahit Walang Nagtitiwala sa Kaniya?

Pangarap ng Binata na Makagawa ng Imbensyon, Matupad Niya Kaya Ito Kahit Walang Nagtitiwala sa Kaniya?

“Jepoy, pahingi nga akong isang daang piso, ibibili ko lang ng ulam sa karinderya,” sigang sambit ni Jojo sa kaniyang nakababatang kapatid, isang tanghali nang makita niya itong nagsisipilyo sa kanilang kusina.

“Sa akin ka pa nanghingi, kuya, alam mo namang wala akong trabaho, eh,” kamot-ulong sagot ni Jayson saka muling itinuloy ang kaniyang pagsisipilyo.

“Ayon na nga, eh, baka gusto mo namang lumabas sa lungga mo at maghanap ng trabaho! Pagod na pagod na akong magtrabaho at wala man lang akong naiipon para sa sarili ko dahil sa mga gastusin dito sa bahay! Matanda ka na, hindi pa sumasagi sa isip mong tumulong dito sa bahay!” sumbat nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapatungo na lang sa lababo.

“Kuya, may ginagawa naman ako, eh,” tugon niya.

“Ano? Pag-iimbento ng kung anu-anong basura? Ilang beses ko bang itatatak sa utak mo na wala kang kinabukasan sa pag-iimbento ng gamit dahil maraming mas magaling na imbentor sa mundo!” sambit pa nito saka pinagtatapon ang mga nagawa niyang bagay na nasa kanilang kusina.

“Magtiwala kasi kayo sa akin, kuya,” wika niya pa.

“Dalawang taon na kaming nagtiwala sa’yo, hanggang ngayon, ni isang daang piso, wala kang maibigay sa pamilyang ‘to!” sumbat pa nito saka siya nilayasan.

Dalawang taon na ang nakalilipas simula nang magtapos sa kolehiyo ang binatang si Jepoy. Dalawang taon na rin ang nakalipas nang siya’y unang mahumaling sa siyensya at pangarap na makapag-imbento ng isang bagay na talaga nga namang magiging kapaki-pakinabang sa mga tao.

At dahil nga kasagsagan ng negosyo ng kanilang pamilya noon, buong suporta ang nakuha niya sa kaniyang mga magulang. Wika pa ng mga ito, “Gawin mo lang ang gusto, dahil tiyak, d’yan ka lalago,” dahilan upang ganoon niya pagtuunan ng pansin ang mga naiisip niyang bagay na pupwede niyang pagkakitaan.

Gumagawa siya ng sariling disenyong oven, telebisyon, at iba pang mga gamit sa kanilang bahay gamit ang perang ibinibigay ng kaniyang mga magulang. Ganoon na lang ang tuwang kaniyang nararamdaman sa tuwing gumagana ang nagagawa niyang imbensyon ngunit sa tuwing ito’y ibibida niya sa social media upang makakuha ng kustomer na nais bumili, wala sinumang nagtitiwala sa gawa niya.

“Baka magkasunog pa sa bahay namin kapag ginamit namin ‘yan!”

“Wala namang tatak ‘yan, paano kami makakasigurong gagana ‘yan?”

“Siguradong masasayang lang ang pera namin d’yan! Mukhang mula sa basura!”

Ilan lang ito sa mga masasakit na komentong kaniyang natatanggap ngunit kahit pa ganoon, ipinagpatuloy niya pa rin ang kaniyang pangarap.

Kaya lang, nitong mga nakaraang buwan, biglang bumagsak ang kanilang negosyo dahilan upang labis na maapektuhan ang kanilang buhay.

Sila’y naging gipit at tanging ang kaniyang panganay na kapatid lang ang siyang kumikita sa kanilang buong pamilya. Ito na ang dahilan upang ganoon na lang siya araw-araw sumbatan nito.

Ngunit dahil nga alam niya ang daang tatahakin niya sa kaniyang pangarap, hindi ito naging dahilan upang hindi siya magtiwala sa sarili. Wala mang kasiguraduhan, desidido pa rin siyang ipagpatuloy ang pangarap na nasimulan. Hanggang sa dumating na nga sa Pilipinas ang pandemya dahilan upang lalong hindi makaahon ang kanilang negosyo at mawalan ng trabaho ang kaniyang kapatid.

Hindi alam ng kaniyang pamilya kung saan sila hahanap ng makakain sa araw-araw. Nagkalagnat pa ang kaniyang ama dahilan upang labis silang mag-alala rito dahil baka ito’y nahawaan ng sakit.

Doon na sumagi sa isipan niya ang paggawa ng isang bagay na makatutulong upang malaman ang temperatura ng isang tao kahit hindi ka lumapit dito.

Nakita niya rin sa balitang mandatoryo na ang paggamit ng facemask at face shield dahilan upang ito ang mga bagay na kaniyang unang pinag-aralan.

Hanggang sa mabuo niya sa isipan na gumawa ng isang face shield na nagbibigay ng temperatura ng taong may suot nito.

Wala na siyang sinayang na oras, ginawa niya ito gamit ang mga tirang kagamitan mula sa kaniyang mga naunang imbensyon. Maraming pagkakamali at depresyon man ang kaniyang kinaharap, ito’y pinagpatuloy niya.

Nang matapos niya ito, sumali siya sa isang grupo sa social media ng mga imbentor at doon niya ibinida ang kaniyang likha.

At wala pang bente kwatro oras ang nakalilipas, mayroong agad isang imbentor katulad niya ang nagmensahe sa kaniya at sinabing, “Pagandahin pa natin ang imbensyon mo, ako ang magpopondo,” dahilan upang siya’y mapatalon na lang sa tuwa.

Doon na nagsimula ang karera niya sa larangan ng siyensya. Maraming tao, hindi lang mga Pilipino ang tumangkilik nito, pati na mga ibang lahi, nakikiusap na siya’y magpadala ng mga ganoong klaseng face shield sa kanilang bansa. Dito na siya nagsimulang makatulong sa kanilang pamilya na labis na ikinatuwa ng mga ito. Todo hingi rin ng pasensiya ang kaniyang kapatid sa mga nasabi nito at sagot niya rito, “Alam mo, kuya, ‘yong mga salitang ‘yon ang nagpatibay sa akin, salamat sa’yo!” saka niya ito niyakap nang mahigpit.

Hindi sinusukuan ang pangarap. Humarap man sa mga pagsubok, kailangan mong maging matatag upang maabot ito dahil walang nananalong hindi nadadapa, lahat ay kailangang maglaan ng pagod at tiyaga.

Advertisement