
Nangungutang ang Ginang na Ito Para Magsugal, Napahiya Siya nang Minsan Niyang Sigawan ang Pinagkakautangan
“Mama, nagpunta rito ‘yong babaeng pinagkakautangan mo. Kanina pa pabalik-balik, eh, ngayon daw kasi ang sinabi mong araw na babayaran mo ang utang mo,” balita ni Oki sa kaniyang ina habang abala sa paglalaba, isang hapon pagkauwi nito.
“Ibang klase talaga ang babaeng ‘yon! Hindi makapaghintay na puntahan ko siya sa bahay nila! Akala mo laging tatakasan! Eh, magkano lang naman ang utang ko sa kaniya!” galit na singhal ni Loreta saka sumalampak sa kanilang silya’t binuksan ang kanilang telebisyon.
“Magkano ba ang utang mo roon, mama?” pang-uusisa ng kaniyang anak.
“Limang libong piso lang!” sagot niya.
“Bakit ka nangutang? Saan mo ginagastos ‘yon?” tanong pa nito na ikinakaba niya.
“Ah, eh, ano, pinangsugal ko. Hindi kasi ako makatanggi sa mga amiga ko kapag nagyayaya ng mahjong,” kamot-ulo niyang sagot.
“Diyos ko, mama, saan ka naman kukuha nang ipapangbayad mo?” wika pa nito saka tumayo sa pagkakaupo upang magbanlaw ng kamay.
“Mababawi ko naman ‘yon sa sugal! Akin na, dali, bigyan mo ako ng isang daan, mapapalago ko ‘yan!” sambit niya nang makita niyang may nakasilip na isang daang piso sa bulsa ng anak.
“Ewan ko sa’yo, mama! Huwag ka nang mangungutang kung para lang sa sugal! Wala ka namang pinagkakakitaan, eh!” tugon nito na ikinainis niya.
“Manahimik ka! Akin na ‘yan!” sambit niya saka hinaltak ang anak upang makuha ang pera at agad na nagtungo sa katapat na mahjongan
Simula nang magkaroon ng trabaho ang anak ng ginang na si Loreta, hindi na siya nagsumikap sa buhay at umasa na lang sa ibibigay nitong pera para siya’y mabuhay.
Kung dati’y ginagawa niya ang lahat upang may mailatag na pagkain sa kanilang hapag-kainan, ngayo’y naghihintay na lang siya sa iaabot ng pera ng anak pangbili ng bigas at ulam.
Paminsan pa’y nagagalit siya kapag kulang ang bigay nitong pera o kapag wala itong naiaabot sa kaniya tuwing nais niyang makapagsugal sa katapat nilang bahay.
At sa tuwing wala siyang perang mahita sa anak, siya’y agad na humahanap ng mauutangan ng pera para lamang huwag mapahiya sa mga amiga niyang palaging nagyayaya ng mahjong.
Upang mapautang ng mga nagpapautang sa kanilang lugar, umaarte siyang masakit ang kaniyang paa bunsod ng diyabetes at kailangan niya ng pera upang makapagpatingin sa doktor. At sa tuwing kukuwestiyunin kung bakit hindi siya humingi sa anak niyang may magandang trabaho sa Maynila, palagi niyang paawa, “Hindi naman ako binibigyan noon. Ganoon talaga siguro ang mga anak, kapag may pera na, nakakalimot na sa magulang. Pero huwag kang mag-alala, sasahod ako sa paluwagan kaya mababayaran kita,” dahilan upang agad siyang mapautang ng mga ito.
Kaya lang, tuwing dadating na ang araw na pinangako niya kung kailan niya babayaran ang utang, siya’y nagagalit kapag sinisingil na siya ng mga ito.
Ayaw na ayaw niya kasing malaman ng kaniyang anak pati na ng kanilang mga kapitbahay na siya’y nangungutang. Nang makuha na ang isang daang piso sa bulsa ng anak, imbis na sa sugalan dumiretso, siya’y agad na nagpunta sa bahay ng kaniyang pinagkakautangan upang magpaawa.
“Pasensiya ka na, hija, ha? Ito lang ang pera ko, eh, nabulilyaso ‘yong paluwagang inaasahan ko. Pangbili ko na sana ito ng gamot, eh, kaso nahihiya talaga ako sa’yo,” pagpapaawa niya.
“Ay, hindi po pupwede ‘yon, pinapaikot po kasi namin ang pera namin,” mahinahong sambit ng isang lalaki sa likod nito na ikinainis niya.
“Ikaw ba ang kausap ko? Sino ka ba, ha? Bakit nangingialam ka sa usapan namin?” galit niyang tanong dito.
“Asawa niya po ako,” magalang nitong sagot.
“O, hindi ikaw ang kausap ko, manahimik ka riyan!” bulyaw niya rito na ikinailing nito.
“Aba, pera ko lang din naman po ang inutang niyo! Ang kapal naman ng mukha niyong magmatapang! Kayo na ang utangera, ikaw pa ang walang hiya!” sigaw nito na ikagulat niya.
“Ah, eh, pa-pasensiya na kayo, hijo,” uutal-utal niyang sambit.
“Magbayad na po kayo kung ayaw niyong mapabarangay. Pagkatapos noon, hinding-hindi na kayo makakaulit sa amin,” tugon nito na labis niyang ikinahiya.
Agad siyang umuwi upang magmakaawa sa anak na bayaran ang pinagkakautangan. Galit man ito, hindi siya nito natiis at labis siyang pinagsabihan.
“Hindi mo naman kailangang makipagsabayan sa mga amigo mo kung wala ka talagang pera. Bukod pa roon, matuto kang magpakumbaba, mama, lalo na’t hindi lang pera ang inutang mo, pati utang na loob, kasama roon,” sambit nito.
Simula noon, labis niyang pinigilan ang sarili na mangutang. Napapahiya man siya sa kaniyang mga amiga, maigi na rin ito kaysa mapahiya dahil sa utang.