Inday TrendingInday Trending
Madalas Asarin ng Binatang Ito ang Kapatid na Sintunado, Nagulat Siya nang Sumali ito sa Isang Singing Contest

Madalas Asarin ng Binatang Ito ang Kapatid na Sintunado, Nagulat Siya nang Sumali ito sa Isang Singing Contest

“Ang kinang-kinang naman ng damit mo, Nini! Saan ba ang punta mo, ha? Ngayon na ba ang prom niyo? Hindi ba’t sa Pebrero pa ‘yon? Nobyembre pa lang ngayon!” panunukso ni Greg sa kaniyang nag-iisang kapatid, isang gabi nang makita niya itong nag-aayos ng sariling silid.

“Hindi, kuya, sasali kasi ako ngayon sa isang singing contest sa aming paaralan. May perang papremyo ‘yon kaya agad kong sinunggaban!” masiglang sagot nito sa kaniya habang naglalagay ng matingkad na kulay ng lipstick sa labi.

“Nagpapatawa ka ba? Sasali ka talaga sa singing contest?” paninigurado niya nang mapansing sigurado ito sa sinasabi.

“Oo, kuya, bakit?” sagot nito na ikinahagalpak niya ng tawa.

“Eh, boses palaka ka, Nini! Diyos ko, ako ang nahihiya para sa iyo ngayon pa lang!” biro niya saka tumawa nang tumawa.

“Wala ka talagang bilib sa akin, ano?” inis na sambit nito sa kaniya.

“Wala talaga! Maghugas ka na lang ng pinggan sa entablo, roon ka magaling, eh! Maghintay ka na lang sa isang patimpalak na palinisan ng hinugasang plato, tiyak, mananalo ka roon!” panunukso niya pa dahilan upang labis itong magalit at siya’y batuhin ng hawak na salamin.

“Ewan ko sa’yo!” sigaw nito saka agad na lumabas ng silid habang nagpipigil ng luha.

Simula pa noong kabataan nila, palagi nang binibiro ng binatang si Greg ang kaniyang kapatid hanggang sa ito’y mapikon at umiyak. Gustong-gusto niyang nakikita itong naiinis dahilan upang halos araw-araw, lahat ng ginagawa nito, kaniyang pinupuna at ginagawan nang katatawanan.

Lalo na, sa tuwing ito’y kumakanta sa kanilang videoke kasama ng kaniyang ina. Hindi kasi kagandahan ang boses nito at sa tuwing ito’y pipiyok, pumapalakpak ang tainga niya at halos mapaihi na sa kakatawa. Biro niya pa rito, “Ang hilig-hilig mo kumanta sa videoke, wala namang hilig sa’yo ang kanta!” dahilan upang katulad ng nais niya, itong umatungal ng iyak.

Ito ang dahilan upang bahagyang tumigil sa pag-awit ang kaniyang kapatid. Simula nang ito’y mapaiyok at nakuhanan niya ng bidyo ang pangyayaring iyon, hindi na ito kumanta sa kanilang videoke lalo na kapag andoon siya.

Labis man siyang pagalitan ng ina, tatawanan niya lang din ito hanggang sa pagbuhatan na siya nito ng kamay.

Kaya naman, ganoon na lang ang pagkatawa niya nang malamang sasali sa isang singing contest ang kaniyang kapatid. Hindi niya lubos akalaing nag-uumapaw ang lakas ng loob nito lalo’t higit alam niyang, hindi kagandahan ang boses nito at palagi pang napipiyok.

Upang masaksihan ang pagpiyok ng kaniyang kapatid sa harap ng maraming tao, agad siyang sumunod dito pagkaalis nito.

Nang makarating na siya sa paaralan nito, agad niyang hinanda ang kaniyang selpon upang makuhanan ito ng bidyo at muling mapagtawanan ang kahihiyan nito.

Mayamaya pa, tinawag na sa entablado ang kaniyang kapatid. Hiyaw siya nang hiyaw habang malakas na pumapalpak dahilan upang maagaw niya ang pansin nito.

“Kaya mo ‘yan! Pumiyok ka lang nang pumiyok para mapasaya mo kami!” sigaw niya dahilan upang magtawanan ang mga tao at siya’y irapan ng kaniyang kapatid.

Nagsimula nang tumugtog ang piyesa na kakantahin ng kaniyang kapatid at nang magsimula na itong kumanta, ganoon na lang nalaglag ang panga niya sa ganda ng boses nito.

Pati mga hurado, gulat na gulat sa pinakita nito lalo na nang ito’y bumirit nang walang sabit. Lahat ng tao roon, naghihiyawan at sinisigaw ang mga salitang, “Panalo na ‘yan, uwian na!” dahilan upang ganoon na lang siya labis na magulat.

Pagkatapos nitong kumanta, ngumiti lang ito sa kaniya saka siya ulit inirapan. Pagkababa nito, agad siyang nagtungo sa likod ng entablado kung ito namamalagi. Pagkarating niya roon, agad niyang tinanong, “Paano mo nagawa ‘yon? Nasaan na ang boses palakang mayroon ka?”

“Gusto ko talagang maging mang-aawit, kuya, kaya kahit anong tukso mo sa akin noon pa man, lahat ‘yon ginawa kong inspirasyon upang mapatunayan sa’yong kaya kong kumanta. Marami akong sinalihang grupo upang mahasa ang pagkanta ko nang hindi mo alam. Napahanga ka ba? Sa katunayan, muntik na akong sumuko sa pangarap kong ito,” wika nito dahilan upang siya’y labis na makaramdam ng pangongonsensya.

“Pasensiya ka na, ha, masyado kitang minaliit,” sambit niya saka ito niyakap.

Doon niya napagtantong hindi lahat ng bagay na ikinasasaya niya ay nagbibigay din ng saya sa iba. Madalas, sa mga biro niya, nakasasakit na siya ng damdamin ng iba, lalo na ng kapatid niyang may pangarap.

Advertisement