Inday TrendingInday Trending
Muli Niyang Nakadaupang Palad ang Pamangkin na Inapi Niya Noon; Anong Paghihiganti ang Inihanda Nito Para sa Kaniya?

Muli Niyang Nakadaupang Palad ang Pamangkin na Inapi Niya Noon; Anong Paghihiganti ang Inihanda Nito Para sa Kaniya?

“Carla, sinasabi ko na nga ba at ikaw ang nagnanakaw ng pagkain sa gabi! Kaya pala halos hindi nagkakasya ang mga pinamili ko!” galit na utas ni Mercy sa pamangkin na tila na natulala matapos niya itong mahuli sa akto.

“Tiyang, patawad po! Gutom na gutom lang po talaga ako kaya hindi ko napigil ang sarili ko!” nanlalaki ang mata ng dalagita sa takot sa malupit na tiyahin.

Galit na sinugod niya ang pamangkin at agad na ipinulupot ang mahaba nitong buhok sa kaniyang kamay.

“Aray, Tiyang! Nasasaktan po ako!” lumuluhang anas ng dalagitang nananakit ang anit sa tindi ng sabunot ng tiyahin.

“Iyan ang bagay sa’yo! Magnanakaw!”

Ibinalibag niya ang dalagita sa sahig. Nagpupuyos ang kaniyang kalooban. Wala itong utang na loob! Pinapakain naman nila ito ng kung anong natira nila! Bakit pa ito magnanakaw?

Siya na ang nagpalaki sa dalagita matapos masawi ang kaniyang kapatid, na ina nito. Ayaw man niya noong una ay wala rin siyang nagawa lalo pa’t siya na lamang ang nag-iisang kaanak nito.

“Mahuli pa kita ng isang beses at palalayasin talaga kita sa pamamahay ko, Carla!” sikmat niya sa pamangkin na tahimik na umiiyak sa sahig bago nagdadabog niyang nilisan ang kusina.

Hindi niya mapigilan ang galit sa pamangkin. Ang tingin niya rito ay isang palamunin at pabigat sa kanilang buhay.

Hindi siya makapaghintay na tumuntong ito sa tamang edad para naman makapagtrabaho na ito at mapakinabangan naman nila.

Subalit mukhang hindi na darating ang araw na iyon.

Naabala si Mercy mula sa panonood ng telebisyon nang marinig ang sigawan mula sa ikalawang palapag ng bahay.

“Carla, alam mo bang ang mahal mahal ng damit na ito? Estupida ka, bakit mo inihalo ito sa mga de-kolor? Tingnan mo at nahawahan ng kulay pula!” mangiyak-ngiyak na sigaw ng kaniyang nag-iisang anak na si Bea. Mas matanda ito ng dalawang taon kay Carla. At kagaya niya, hindi rin ito natutuwa sa presensya ng pinsan.

“Ate B-bea. S-sorry po, hindi ko po sinasadya!” rinig niyang utal-utal na hinging paumanhin ng pamangkin.

“Sorry? Maibabalik ba ng sorry mo ang pera kong nasayang dahil sa katang*han mo?”

Isang malakas na tunog ng sampal ang sunod niyang narinig.

Tatayo na sana siya upang sawayin ang dalawa ngunit isang tili ang pumailanlang sa loob ng bahay.

Nanlaki ang mata niya nang makita ang anak na dire-diretsong gumugulong mula pababa sa hagdan.

Nang umangat ang tingin niya ay nakita niya si Carla. Nasa mukha nito ang labis na takot at gulat.

“H-hindi ko po sinasadya!” paliwanag nito.

“Sinalag ko lang po ‘yung sampal, Tiyang! Hindi ko naman po gusto na masaktan si Ate Bea!” umiiyak na dagdag pa nito.

Nagpupuyos ang loob na isinugod niya sa ospital ang anak. Mabuti na lamang at iilang pasa at bukol lamang ang tinamo nito.

Nang masiguro na ligtas na ang kaniyang anak ay ang pamangkin ang hinarap niya. Hinding hindi niya ito mapapatawad!

“Tiyang, tama na po! Masakit po!” umaaringking sa sakit ang dalagita habang sunod-sunod na palo ng sinturon ang pinadapo niya sa likod nito.

Naibsan lamang nang kaunti ang galit niya sa pamangkin nang makita ang mga latay sa likod nito.

“Lumayas ka sa pamamahay ko! Ayoko nang makita ang mukha mo! Alis!” taboy niya sa pamangkin bago ito pinagtulakan palabas.

Hinagis niya rin palabas ng bahay ang iilan sa mga gamit nito.

“Tiyang, wala ho akong pupuntahan! Maawa naman po kayo!”

Naging bingi siya sa pagmamakaawa ng pamangkin. Hindi ito nararapat manatili sa bahay nila!

Iyon na ang huling araw na nakita niya ang pamangkin dahil sa kabutihang palad ay hindi na ito nagtangkang bumalik pa sa bahay nila.

Marami na rin ang nagbago. Pumanaw na ang asawa niya at nakapag-asawa na ang kaniyang anak na si Bea. Subalit sa kamalas-malasan ay isang sugarol ang nakatuluyan nito.

Tila pasan ni Mercy ang daigdig sa laki ng problema na kinakaharap. Paano ba nama’y ibinenta ng kaniyang magaling na manugang ang bahay nila para lang makakuha ng pansugal. Pagkatapos ay naipatalo nito ang lahat ng pera!

“Magbalot na ho kayo kung ayaw niyong sapilitan kayong palayasin ng bagong may-ari rito,” paalala ng lalaking nagpakilala na tauhan ng bagong may-ari ng bahay.

“Hindi ho ba pwedeng makiusap muna sa inyo? Wala ho kaming tutuluyan,” nanlulumong anas ni Mercy.

“Naku, hindi ho ako maka-oo sa inyo dahil hindi naman ho ako ang may-ari,” kunot noong sagot ng lalaki.

Halos hindi makatulog ang mag-anak. Alam kasi nilang sa lansangan sila pupulutin kung hindi nila mapapakiusapan ang bagong may-ari ng bahay.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay hinihintay na ni Mercy ang pagdating ng taong nakabili ng kanilang bahay.

Mabilis niyang tinungo ang pinto nang makita ang pagparada ng magarang kotse sa tapat ng kanilang bahay. Bumaba ang isang matangkad na babaeng nahinuha niyang ang bagong may-ari. Mula sa malayo ay kitang-kita niya na pagiging elegante nito.

Isang malawak na ngiti ang inihanda niya para sa babae ngunit napalis iyon nang tuluyan na itong makalapit sa kaniya.

Tila siya nakakita ng multo nang makilala ang babae.

“C-carla? Carla, ikaw na nga ba ‘yan?” nanlalaki ang matang kumpirma niya.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi nito. “Ako nga, Tiyang Mercy. Ako ho ang nakabili ng bahay.”

Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Mercy sa natuklasan. Naalala niya ang mga kalupitang ipinaranas niya noon sa pamangkin. Sigurado siyang agad agad sila nitong palalayasin bilang paghihiganti.

“Hindi niyo man lang ho ba ako papapasukin?” untag nito nang mapansin ang pagkatameme niya.

“Naku, halika, pumasok ka. Sa’yo naman ang bahay na ito,” may alanganing ngiti sa kaniyang labi.

Nang makaupo sila sa lumang sofa ay hindi malaman ni Mercy ang gagawin. Alam niya na malabong pumayag ang pamangkin sa ipakikiusap niya ngunit kailangan niyang sumubok.

“C-carla, hija. May nais lang sana akong ipakiusap. Wala kasi talaga kaming mapupuntahan. Baka naman maaari mo kaming bigyan ng palugit bago mo kami paalisin dito?” lakas loob na wika niya.

“Hindi…”

Agad na bumagsak ang balikat niya sa naging sagot nito. Sabi na nga ba at hindi ito papayag.

“Hindi niyo naman kailangang umalis.”

Gulat na napalingon siya sa pamangkin.

May isang malawak na ngiti sa labi nito.

“Binili ko ho ang bahay na ito para tulungan kayo, Tiyang. Hindi ho para gumanti sa inyo,” paliwanag nito.

“P-pero bakit? Hindi naman kami naging mabuti sa’yo noon?” naguguluhang usisa niya.

“Kung kasamaan din po ang ibabalik natin sa bawat kasamaang ibinabato sa atin, ano na lang ang mangyayari sa mundo?”

Daig pa ni Mercy ang sinampal sa labis na pagkapahiya. Hiyang hiya siya sa pamangkin na noon ay pinagmalupitan niya.

“Ito ho ang tulong ko sa inyo bilang pasasalamat sa pagpapatira niyo sa akin noon, Tiyang. Kahit naman ho kasi hindi naging maganda ang paghihiwalay natin noon ay kayo na lang ang natitira kong pamilya.”

Isang papel ang iniabot nito sa kaniya.

“Ito ho ang numero ko. Tumawag ho kayo sa akin kung may kailangan kayo, Tiyang,” wika nito bago tuluyang nagpaalam.

Namalayan na lamang ni Mercy na lumuluha na pala siya. Tila kidlat na bumabalik sa kaniyang alaala ang mga masasamang bagay na nagawa niya noon kay Carla.

Napasalampak na lamang si Mercy sa sahig. Nahagip ng tingin niya ang nakapatong sa mesita – ang titulo ng kanilang bahay.

Hindi makapaniwala si Mercy. Ang batang inapi-api niya noon ay hindi man lang nakaisip na maghiganti. Bagkus ay tinulungan pa sila nito!

Sising-sisi si Mercy sa nagawa. Kung maibabalik niya lamang ang oras at panahon ay itatrato niya nang maayos ang pamangkin. Mamahalin niya ito na parang tunay na anak.

Kaya naman tinawagan niya ang pamangkin at taos pusong humingi ng tawad dito. Pinatawad naman siya ng dalaga at nagsabing kinalimutan na nito ang nakaraan.

Tama si Carla. Ang pamilya ay pamilya. Sino pa nga ba ang magtutulungan kundi silang magkakadugo?

Advertisement