
Tuloy sa Pambababae ang Lalaki Kahit na May Nobya na Siya; May Tiyansa pa Kaya Siyang Magbago?
Hindi maiwasan ni Arthur na muling pukulin ng sulyap ang babae sa katapat nilang mesa. Kanina pa kasi malagkit ang tingin nito sa kaniya.
Minasdan niya ang babae. Sa tingin niya ay ‘di-hamak na mas matanda ito sa kaniya subalit hindi iyon nakabawas sa kaseksihan nito sa suot na maikling bestida. Tila nang-aakit ang ngiti na ibinabato nito sa kaniya.
“Pare, ipinapaalala ko lang na may nobya ka. Mahigpit ang bilin sa amin ni Vicky na bantayan ka raw namin at baka magloko ka,” nambubuskang untag ng kaibigan niyang si Rey nang mapansin nito kung saan nakapako ang atensyon niya.
“Oo nga, pare. Grabe kung makatingin ka sa chicks sa kabilang mesa, eh,” naiiling na komento naman ni Gerry, isa rin sa kaniyang kaibigan.
“Mga pare, alam niyo naman na mahal na mahal ko ang girlfriend ko, hindi ba? Yayayain ko na siyang magpakasal. Pero may mga pagkakataon na kailangan ko rin namang magsaya. At mukhang game na game ‘yung chicks,” katwiran niya sa mga kaibigan.
“Akala namin nagbago ka na. Babaero ka pa rin pala! Bahala ka, pagsisisihan mo ‘yan,” pananakot pa ni Rey.
Natawa na lamang si Arthur. Tiwala kasi siya na kahit na anong mangyari ay hindi siya ilalaglag ng mga kaibigan.
Muli niyang hinuli ang tingin ng babae at pilyong kinindatan niya ito.
“Jackpot!” sa isip-isip niya nang kumekendeng na maglakad ito palapit sa kanilang mesa.
“Hi!” nakangiting bungad nito.
Hindi nagkamali si Arthur. Napakaganda nito lalo na sa malapitan!
“Upo ka,” nakangiting paanyaya ni Rey habang hindi napupuknat ang mata nito sa babae. Maging tila ito ay natulala sa ganda ng babae.
Ilang sandali pa ay napuno na ng malakas na halakhakan ang kanilang mesa lalo pa’t talaga namang nakakaaliw kasama ang babaeng nakilala nila bilang si Vivian.
Walang patid ang pagtungga nila sa matapang na alak.
“Ano? Forty five ka na? Hindi ako naniniwala!” nanlalaki ang matang wika niya sa babae.
“Oo nga. Ikaw ba, ilang taon ka na?” usisa nito.
“Twenty nine.”
Muli ay narinig niya ang nang-aakit nitong tawa. “Kaedad ka lang ng anak ko. Sixteen ako noong nabuntis ako,” kwento nito.
“Siguro ay papasa kang kapatid ng anak mo, Vivian,” narinig niyang wika ni Rey, na sinuklian nito ng matinis na hagikhik.
Totoo naman ang sinabi ng kaibigan. Papasa nga itong kaedad lang nila! Kaya mas lalong hindi niya napigilan ang pagnanais na makasama pa ang magandang babae na si Vivian.
Nang sumapit ang ala-una ang nagkayayaan na silang umuwi lalo pa’t lasing na ang dalawa niyang kaibigan. Isang makahulugang tingin ang ipinukol niya kay Vivian.
“Bago ako sumama sa’yo, gusto kong malaman, may nobya ka ba, Arthur? Ayokong makasira ng relasyon,” prangkang tanong nito.
“Wala, wala akong nobya,” walang pag-aalinlangang tugon niya. Hindi niya binigyang atensyon ang usig ng konsensiya. Ang mahalaga lamang sa kaniya ay makasama niya sa Vivian sa gabing iyon.
Matapos ang isang makasalanan na gabi ay hindi na sila muli pang nagkita ni Vivian. Malaki ang pasasalamat niya na nauunawaan nito na ang kanilang relasyon ay para sa isang gabi lamang. Mahal niya ang nobyang si Vicky at wala siyang plano na ipagpalit ito sa kung sino.
Kagaya ng plano niya ay inalok niya ng kasal ang nobya na si Vicky, na tinanggap naman nito.
Akala niya ay iyon na simula ng happy ending nila subalit maling-mali pala siya.
“Vicky, sa Linggo kami mamamanhikan, ha. Kinakabahan ako, hindi ko pa kasi nami-meet ang nanay mo.”
Natawa ang kaniyang nobya.
“Ano ka ba, wala kang dapat ipag-alala. Napaka-cool nun ni Mama, Parang kapatid ko lang ‘yun,” sagot nito.
Kahit papaano ay napanatag siya.
Subalit may basehan pala ang kaba na kaniyang nararamdaman. Dahil tila nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan nang makita niya ang ina nito.
“Arthur?” kunot noong tanong nito.
“V-vivian,” ninenerbiyos na tugon niya.
“Teka, ‘wag mong sabihin na ikaw ang pakakasalan ng anak ko?” tanong nito sa boses na tumaas na nang bahagya.
“‘Ma, Arthur, teka, bakit magkakilala kayo?” naguguluhang pumagitna sa kanila ang nobya.
“Anak, babaero ang nobyo mo! Hindi ko siya matatanggap nilang asawa mo!” galit na saad nito.
Ikinuwento ni Vivian sa kaniyang nobya ang nangyari sa bar. Kasama ang pagsisinungaling niya na wala siyang nobya.
“Ang kapal ng mukha mo! Akala ko nagbago ka na! Babaero ka pa rin pala!” nanggagalaiting hinampas nito ang kaniyang dibdib habang walang tigil sa pag-iyak.
“Vicky, mahal kita. Kaya nga kita pakakasalan, hindi ba? Wala lang sa akin ‘yung nangyari sa amin ni Vivian,” paliwanag niya rito habang maagap na sinasalo ang bawat hampas nito.
“Pwedeng wala lang sa’yo, pero hinding hindi ko matatanggap ito, Arthur. Umalis ka na at walang mangyayaring kasalan sa pagitan nating dalawa,” malamig na desisyon nito.
Naglumuhod siya sa kasintahan subalit pinal na ang desisyon nito. Maging ang ina nito ay matindi ang galit sa ginawa niya.
Wala siyang magawa kundi lumuha. Magsisi man siya ay huli na. Ang pinakamamahal niya ay nawala dahil lang hindi siya nakuntento sa isa.