
Pangarap Niya na Makapangasawa ng Lalaking Mayaman; Ngunit Paano na ang Ibinubulong ng Kaniyang Puso?
Isang kiming ngiti ang isinukli ni Mayumi sa binatang si Albert nang magtama ang kanilang mga mata. Pilit niyang inignora ang mabilis na tibok ng kaniyang puso.
“Baka naman langgamin ang lamesa natin sa sobrang tamis ng tinginan niyo ha,” natatawang komento ng kaibigan at katrabaho niyang si Belle.
“Hindi, magkaibigan lang kami ni Albert. Alam mo naman na hindi siya ang tipo ko,” napapahiyang pagkakaila niya.
“Sige na, sige na. Kunwari naniniwala ako kahit na ang lagkit lagkit ng tinginan niyo,” muli ay natatawang tugon nito.
Naiiling na lang na ipinagpatuloy ni Mayumi ang pagkain. Malapit na kaibigan niya si Belle kaya naman alam nito na wala siyang interes sa mga lalaking simple ang pamumuhay. Gusto niya kasi makapangasawa ng lalaking kaya siyang iahon mula sa kahirapan.
At hindi si Albert ang lalaking iyon.
Subalit sadyang makulit ang puso at hindi ito kayang turuan, iyon ang napagtanto niya.
“Mayumi, iniiwasan mo ba ako?”
Gulat na napalingon si Mayumi sa pinanggalingan ng pamilyar na tinig.
“A-albert!” Isang pilit na ngiti ang ibinigay niya sa lalaki.
“Naku, h-hindi, b-bakit naman kita iiwasan?” tensiyonadong tugon niya sa lalaki.
“Kasi hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Hindi na rin kita nakikita sa kantina tuwing tanghalian. Akala ko pa naman may pag-asa ako sa’yo,” malungkot na anas ng lalaki.
Napabuntong-hininga si Mayumi. Mahalaga sa kaniya si Albert kaya naman nais niya na malaman nito ang totoo. Ayaw niya na patuloy itong masaktan.
“Albert, tatapatin na kita. Hindi kasi ikaw ang tipo ng lalaking gusto kong makasama. Sana ay maintindihan mo,” marahang paliwanag niya rito.
“Bakit? Totoo naman ang pag-ibig ko sa’yo, Mayumi. Hinding-hindi kita sasaktan,” pangako pa ng lalaki.
Muling kumabog ang dibdib ni Mayumi. Kitang-kita niya sa mga mata ni Albert ang sinseridad. Noon ay napagtanto niya na iniibig niya ang binata.
Napaisip siya. Nais niya naman maging masaya. At kung si Albert ang magpapasaya sa kaniya ay handa siyang sumugal. Kahit pa isuko niya ang pangarap niya na makapag-asawa ng mayaman.
“Pangako ‘yan, ha? Hindi mo ako sasaktan?” paninigurado niya.
Sunod na sunod na tango ang isinukli ng binata.
“Sige, susugal ako sa’yo,” nakangiting pahayag niya.
Nanlaki ang mata ng binata bago ito tila batang nagsisigaw sa saya. Tila hindi nito alintana ang kakaibang tingin na ipinupukol ng mga tao.
“Pangako, Mayumi, hindi ka magsisisi!” nagniningning ang matang wika ni Albert bago siya nito niyakap nang mahigpit.
At tunay nga na hindi siya nagsisi sa pagpili rito. Sadyang napakabait at napakalambing ng kaniyang nobyo. Bonus na lamang ang gwapo nitong mukha!
Halos paulanan siya nito ng kung ano-anong regalo araw araw. Mamahaling bulaklak, tsokolate, alahas, at kung ano-ano pa.
Kaya naman isang araw ay pinagalitan niya ang nobyo. Ayaw niya na labis labis ang inalalabas nito na pera para sa kaniya.
“Hindi ko gusto na kung ano-anong binibigay mo sa akin, Albert. Alam ko na mahirap kumita ng pera. Masaya naman ako sa’yo kahit wala ang mga materyal na bagay na ‘yan,” sermon niya.
Nang lingunin niya ito ay isang makahulugang ngisi lamang ang isinukli nito sa kaniya.
“Ikaw naman, nagagalit ka kaagad. Gusto ko lang naman mapasaya ang mahal ko,” naglalambing na tugon nito.
Pinanatili niya ang matigas na ekspresyon. “Basta! ‘Wag mo na akong bilhan ng ung ano-ano!” pinal na wika niya sa nobyo.
“Oo na. Date tayo bukas?” maya maya ay wika nito.
“Gastos lang ‘yan, ‘wag na–”
“Hindi ako gagastos. Dun na lang tayo sa bahay ko,” putol nito sa sasabihin niya.
“Sige! Basta ba makakatipid tayo!” humahagikhik na tugon niya sa nobyo.
Dumating ang kinabukasan. Nang mag-alas otso na ay isang malakas na busina ang narinig niya mula sa labas ng bahay.
Isang magarang sasakyan ang nabungaran niya. Lulan nito ang kaniyang nobyo na gwapong-gwapo sa suot nitong polo.
“Kaninong sasakyan ‘to?” takang tanong niya sa nobyo.
Ngiti lamang ang isinukli nito bago nagsimulang kumanta-kanta habang nagmamaneho.
Mas lalo pa siyang binalot ng pagtataka nang pumasok sila sa isang village kung saan naglalakihan ang mga bahay.
Sa tapat ng isang magarang bahay sila huminto. Napanganga siya nang makita ang malawak nitong bakuran. Sa garahe ay nakaparada ang sa tingin niya ay hindi bababa sa limang sasakyan.
“Ano ‘to? Kaninong bahay ‘to?” naguguluhang usisa niya sa kasintahan na noon ay pagkalawak-lawak ng ngiti.
“Sa akin. Sa atin,” simpleng tugon nito.
“Ano? Paanong sa’yo?”
“Sa’kin ang lahat ng ito. Ipinamana ng Lolo ko na pumanaw na,” kakamot-kamot sa ulo na paliwanag nito.
“Mayaman ka? Bakit hindi mo sinabi? Saka ang simple simple mo!” gulat na gulat na bulalas niya.
“Hindi ka naman nagtanong. Saka hindi naman ‘yun mahalaga sa’yo, hindi ba?” nakangiting katwiran ng lalaki.
Napaisip si Mayumi. Tama ito. Simula nga ng tanggapin niya ang simpleng si Albert ay hindi na mahalaga sa kaniya ang yaman.
Ngayon ay wala na siyang mahihiling pa, at wala siyang pagsisisi na tinanggap niya si Albert. Mayaman o mahirap man ay ito pa rin ang pipiliin niya.
Lubhang mapagbiro talaga ang tadhana. Marahil kung tiningnan niya ang estado nito sa buhay ay nagsisi siya dahil hindi siya nakahanap ng tunay na pagmamahal. Mabuti na lamang at sinunod niya ang ibinubulong ng kaniyang puso.