
Nagpabuntis ang Dalaga Upang Makatakas sa Mahigpit na mga Magulang; Matatauhan Siya sa Pagkakamali nang Magsama Sila ng Nobyo
“Cecille, bakit kasama mo na naman si Benjie? Hindi ba sinabi na sa iyo ni Tita Cora na layuan mo na ang lalaking ‘yan? Baka mamaya ay mahuli ka pa rin ng daddy mo. Malalagot ka lalo,” sambit ni Rochelle sa kaniyang pinsan.
“Hindi naman nila malalaman kung walang magsasabi. Kaya pakiusap lang huwag mo na sanang sabihin ito kina mommy at daddy. Sa atin na lang ito. Hindi ko kasi talaga kayang makipaghiwalay kay Benjie. Alam kong mahal na mahal rin niya ako,” tugon naman ni Cecille.
“Sa totoo lang, pinsan, iba rin ang pakiramdam ko sa lalaking iyan. Ang dami namang ibang nanliligaw sa iyo. Mas mayaman, may itsura, matalino at mabait. Higit sa lahat ay galing din sila sa maaayos na pamilya. Bakit kasi ‘yang si Benjie pa ang napili mo?” pagtataka naman ni Rochelle.
“Iba kasi si Benjie, Rochelle. Alam kong handa siyang ipaglaban ako. Saka nararamdaman ko talaga na mahal niya ako at hindi niya kayang mawala ako. Ganun din naman ako sa kaniya. Kaya parang awa mo na, huwag mo nang sabihin ito kina mommy at daddy,” pakiusap pa ng pinsan.
Matagal nang pinagsasabihan itong si Cecille ng kaniyang mga magulang na sina Cora at Mario na iwasan muna ang pagnonobyo at magpokus muna sa pag-aaral. Lalo pa nang malaman nila kung anong klaseng tao ang karelasyon ng dalaga.
Hindi naman minamaliit ng mga magulang ni Cecille ang pinagmulan ng kaniyang nobyo. Ngunit hindi kasi maganda ang mga nakakarating sa kanilang balita tungkol sa binata. Walang trabaho ang ama nitong lasinggero. Ang tanging bumubuhay lamang sa kanila ay ang ina niyang nagpapataya sa ilegal na sugal.
Hindi na nakatungtong pa ng pag-aaral si Benjie at kung anu-ano na ring gusot ang napasok nito. Bilang mga magulang ay nais sana nina Cora at Mario na mapabuti ang hinaharap ng kanilang nag-iisang anak.
Ngunit matigas ang ulo ng dalaga. Kahit ilang beses siyang pagsabihan ay hindi pa rin niya pinuputol ang ugnayan nila ng binata.
Isang araw ay labis na pinagalitan ng kaniyang mga magulang itong si Cecille dahil nakarating sa kanila ang balitang nakikipagtagpo pa rin siya kay Benjie.
Sa pag-aakalang ang pinsan niya ang nagsabi ay agad niya itong sinugod at pinagsalitaan.
“Bakit mo ginagawa sa akin ang ganito, Rochelle? Hindi ba’t nakiusap ako sa iyo ng maayos?” bulyaw ni Cecille sa kaniyang pinsan.
“A-anong sinasabi mo riyan, Cecille? Hindi ako ang nagsumbong sa mga magulang mo! Pero maganda na rin na may nakapagsabi dahil wala talagang mabuting idudulot sa’yo ang lalaking iyan!” tugon naman ni Rochelle.
“Nasasakal na ako sa paghihigpit na ginagawa nila sa akin. Sa bawat galaw ko’y nakamasid sila! Bakit hindi ako ang pwedeng magdesisyon para sa buhay ko? Mahal ko si Benjie at siya ang gusto kong makasama!” hindi na naiwasan pa ni Cecille na maglabas ng sama ng loob.
“Tandaan mo, Cecille, walang nais ang mga magulang mo kung hindi ang ikabubuti mo. Balang araw ay maiintindihan mo rin sila,” wika muli ng kaniyang pinsan.
Dahil sa galit at sama ng loob ay nagdesisyon si Cecille na hindi muna umuwi ng kanilang bahay. Tumuloy muna siya sa isang motel at doon ay pinuntahan siya ng kaniyang nobyong si Benjie.
“Sawang-sawa na ako sa pagdidikta nila sa akin kung sino ang pwede kong mahalin sa hindi. May sarili naman akong isip at alam ko kung sino ang mahal ko,” pagtangis ni Cecille.
“Para matapos na ang lahat ng ito ay sumama ka na sa akin. Ako na ang bahala sa iyo, Cecille. Gagawin ko ang lahat para hindi na tayo maghiwalay,” sambit naman ni Benjie.
Sa mga sandaling iyon ay sinamantala ni Benjie ang kahinaan ng nobya. Nang magtama ang kanilang mga mata ay agad nilang nilapat ang kaniyang labi sa labi ni Cecille. Ang matamis na halik na iyon ay nauwi sa mas malalim na pangyayari.
Samantala, agad na hinanap ng mga magulang niya itong si Cecille. Nang tawagan ni Rochelle ang dalaga ay sinabi niya kung gaano ang pag-aalala ng kaniyang mga magulang. Sinundo ni Rochelle ang pinsan at saka inihatid sa kanilang bahay.
Ngunit imbis na humingi ng tawad itong si Cecille ay lalo siyang nagmalaki. Hindi niya na kinausap pa ang kaniyang mga magulang.
Lumipas ang ilang araw at iba pa rin ang tensyon sa loob ng kanilang tahanan. Hanggang sa isang araw ay nagising na lamang si Cecille na masama ang pakiramdam at duwal nang duwal. Kinabahan siya dahil malakas ang kaniyang kutob na nagbunga ang namagitan sa kanila ng kaniyang nobyo.
Nang malaman nila Cora at Mario ang pagbubuntis na ito ng dalaga ay labis ang pagkabigong kanilang naramdaman. Hindi nila akalaing magagawa sa kanila ito ng kanilang anak.
“Paano ngayon ‘yan? Paano na ang mga pangarap mo? Akala ko ba ay magiging isang flight attendant ka pa at magkakasama tayo ng papa mo na lilibutin ang mundo? Bakit hindi ka man lamang nag-isip, anak? Ito ang pinangangambahan naming mangyari sa iyo. Ang masira ang kinabukasan mo!” sambit ng naghihinagpis na si Cora sa dalaga.
“Kaya ko na po ang sarili ko, ‘ma. Ipagpapatuloy ko na lang ang pag-aaral ko kapag nakapanganak na ako. Saka si Benjie na raw po ang bahala sa akin. Hindi niyo na ako dapat intindihin pa,” wika naman ng nagmamatigas na si Cecille.
Dahil sa sama ng loob ay hindi na kaya pang harapin naman ni Mario ang anak.
Tuluyan nang nagdesisyon si Cecille na lisanin ang kanilang bahay at sumama kay Benjie. Pilit man siyang pigilan ng ina ay wala na itong nagawa pa.
Ang akala ni Cecille ay magiging maayos ang kaniyang buhay sa piling ng pamilya ni Benjie. Ngunit isa itong malaking pagkakamali.
Pagkita pa lamang ng ina ni Benjie sa kanila ay sinalubong agad siya nito ng mura.
“Huwag mong sabihing dito na titira ‘yang nobya mo, Benjie? Hindi na nga tayo nakakaluwag sa buhay ay nagdala ka pa ng isang palamunin dito! Hindi mo naman mapapakain ‘yan kung tatambay ka lang dito sa bahay!” wika kaagad ni Aling Hilda, ina ni Benjie.
“Ako na ang bahala sa kaniya, ‘nay. Maghahanap ako ng trabaho. Kailangan ko silang buhayin ng magiging anak ko,” saad naman ng binata.
“Tarantad0 ka! Nakabuntis ka na naman! Hindi ka pa talaga nadala sa ikinaso sa’yo ng dati mong kinakasama at gumawa ka na naman ng bagong responsibilidad. Iuwi mo na ang babaeng iyan sa kanila dahil magiging pabigat lang ‘yan dito!” bulyaw pa ng ginang.
Labis na nagulat si Cecille sa lahat ng sinabi ni Aling Hilda. Hindi siya makapaniwala na mayroon nang pananagutan pala itong si Benjie.
Dahil nahihiya si Cecille sa kaniyang mga magulang ay tiniis niya ang pagtira sa bahay na iyon. Hindi na nga maganda ang pakikitungo sa kaniya ng ina at kapatid ng binata ay muntik pa siyang pagsam@ntalahan ng lasinggerong tatay ni Benjie.
Nang malaman pa ito ni Aling Hilda ay kinumpronta at sinaktan pa niya ang kawawang si Cecille.
“Malandi ka! Pati ang asawa ko’y lalandiin mo! Malamang ko’y nagpakita ka ng motibo kaya nagawa sa iyo ‘yun ng asawa ko! Umalis ka na dito dahil ahas ka! Pabigat ka na sisirain mo pa ang pagsasama namin!” galit na galit na sambit ni Aling Hilda.
Hinila sa buhok at saka pinagtabuyan ni Aling Hilda ang buntis na si Cecille. Huli na nang awatin ni Benjie ang kaniyang ina. Dahil sa pagkakatumba ni Cecille ay dinugo siya. Agad na dinala ng binata ang nobya sa pagamutan ngunit wala na ang bata.
Sa puntong iyon ay hindi alam ni Cecille ang mararamdaman niya. Malungkot siya sapagkat nawala na ang kaniyang anak ngunit nagpapasalamat siya sapagkat wala nang nagdurugtong pa sa kanila ni Benjie.
Ilang sandali pa ay nariyan na ang mga magulang ni Cecille. Agad na niyakap ng dalaga ang mga ito at humingi ng kapatawaran.
“Mama, papa, uuwi na po ako sa atin. Patawarin n’yo po ako sa lahat ng kasalanan ko. Patawad kung naging matigas po ang ulo ko. Gusto ko na pong umuwi sa atin!” pagtangis ng dalaga.
Hindi talaga matitiis ng magulang ang kanilang anak. Dahil nang oras na iyon ay ginawa nila Cora at Mario ang lahat upang hindi na makalapit pa si Benjie at ang pamilya nito kay Cecille.
Muling tinanggap ng mag-asawa ang kanilang anak. Natutunan ni Cecille sa mahirap at mabigat na paraan ang mahalagang leksyon ng kaniyang buhay.
Mula noon ay hindi na nakipagkita si Cecille kay Benjie. Bumalik na rin ang dalaga sa pag-aaral at nangako siyang kahit kailan ay hindi na niya susuwayin pa sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Dahil ang tanging nais lamang ng mga ito’y mabigyan siya ng magandang hinaharap.