
Planong Gulangan ng Panganay ang Kapatid na OFW; Bandang Huli’y sa Kapatid din Pala ang Takbo Nito
“Ang swerte talaga niyang kapatid mong si Carmela, ano? Mantakin mo kahit na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay umasenso sa buhay. Ang balita ko’y malaki raw ang bahay niyan sa Maynila. Totoo nga ba?” tanong kay Josie ng kaniyang kapitbahay na si Florida habang nakatingin sa ginang na kakabalik lamang ng probinsya.
“Ayos lang naman ang bahay niya. Saka domestic helper lang naman siya sa ibang bansa. Sa madaling sabi’y kasambahay lang siya dun. Wala namang dapat ipagmalaki sa bagay na ‘yun dahil kahit sino nama’y kaya ang ganoong trabaho,” tugon naman n Josie.
“Sa tono ng pagsasalita mo’y halatang masama pa rin ang loob mo riyan kay Carmela. Akala ko ay ayos na kayo dahil panay nga ang pagpapadala sa iyo ng balikbayan box,” pagtataka pa ng kapitbahay.
“Ayos naman kami pero hindi ako masyadong bilib diyan sa kapatid ko na ‘yan. Mas mapera lang siya sa akin kaya mas magaling siya para sa iba. Pero hindi para sa akin,” sambit pa ni Josie.
Matagal na panahon na ang hidwaan ng magkapatid na Josie at Carmela. Panganay sa magkakapatid si Josie kaya noon ay siya lamang ang ginawan ng paraan ng kaniyang mga magulang upang makapagtapos ng kolehiyo. Ngunit unang taon pa lamang ay hindi na niya natapos dahil nabuntis na siya kaagad ng kaniyang kasintahang hindi naman siya pinanagutan.
Ang nagsabi sa mga magulang ng pagbubuntis ni Josie ay walang iba kung hindi ang nakababatang kapatid na si Carmela. Ngunit mabuti ang hangarin ng dalaga. Minasama lamang ito ni Josie dahil palagi silang pinaghahambing ng kaniyang kapatid.
Dala-dala ni Josie ang inis niya kay Carmela hanggang sa sila’y nagkaroon na ng sari-sariling pamilya. Hindi man ipahalata ni Josie ay malaki rin ang inggit niya sa buhay ng kapatid. Malaki kasi ang agwat ng katayuan nila sa buhay. Laging hinahangad ni Josie na isang araw ay sana’y malamangan man lamang niya si Carmela.
Nang matapos ang pagkukwentuhan ni Josie at ng kapitbahay na si Florida ay nagbalik na ang ginang sa kaniyang bahay. Agad naman siyang sinalubong ni Carmela upang pag-usapan nila ng kapatid ang tunay na pakay ng kaniyang pag-uwi.
“Ate, pwede na ba nating pag-usapan ‘yung lupang naiwan ni nanay at tatay? Gusto mo’y ibenta na lang natin upang mas mabilis ang hatian natin,” wika ni Carmela kay Josie.
“Mabuti pa ngang ibenta na lang natin. Nasa akin naman ang mga dokumento at may nakausap na rin akong maglalakad para kung may mga kailangan pang papeles. Siya na rin ang maghahanap ng bibili ng lupa. Huwag mo nang alalahanin pa sapagkat nakausap ko na noong isang araw bago ka pa dumating,” sambit ni Josie sa kapatid.
“Baka pwede mo akong iharap sa kaniya dahil may mga nais lamang akong liwanagin tungkol sa titulo ng lupa. Baka kailangan din natin ng abogado para hindi tayo lokohin. Mahirap na dahil pareho tayong walang alam sa ganiyang bagay,” mungkahi naman ng nakababatang kapatid.
“Huwag na at gagastos ka pa. Matagal ko na namang kakilala ‘yung sinasabi ko sa’yo. Nag-aayos talaga ng mga papeles ‘yun at ahente sa lupa. Sa susunod na balik mo dito’y ibibigay ko na lang sa’yo ang pera,” wika pa ni Josie.
“Basta kung may pagkakataon ay nais ko rin siyang makilala. Kailangan ay maintindihan natin ang proseso. Maghahanap din ako ng abogado na pwedeng tumulong sa atin,” sambit muli ni Carmela.
“Hindi ka ba nakikinig sa akin? Hindi ba sinabi ko na sa iyo na hindi na kailangan pa ng abogado at mapagkakatiwalaan naman ‘yung sinasabi ko sa’yong kaibigan?! Baka mamaya ay masamain pa niya ang gagawin mo! Hindi na nga siya nagpapabayad ng malaki dahil tulong na lang daw niya ito para sa atin,” giit ng nakatatandang kapatid.
Dahil ramdam ni Carmela ang inis ng kaniyang Ate Josie ay hindi na siya kumontra pa. Nagtiwala na rin siya sa nakatatandang kapatid na alam nito ang kaniyang ginagawa.
Nang sumunod na araw ay bumalik na pa-Maynila itong si Carmela. Dalawang linggo na lang kasi ay babalik na muli siya sa ibang bansa upang magtrabaho kaya nais sana niyang maayos na ang lupa. Nais niyang ibigay kasi ang mas malaking parte sa kaniyang Ate Josie upang makaangat naman ito sa buhay.
Ngunit habang maganda ang hangarin nitong si Carmela sa kaniyang ate ay iba pala ang nasa isip ni Josie. Kaya ayaw nitong iharap ang sinasabing kaibigan ay dahil gusto niyang lamangan sa hatian ng lupa ang nakababatang kapatid.
“Ikaw na ang bahalang magsabi sa kapatid ko ng halagang napagbentahan natin. Baka kasi sa akin ay hindi maniwala iyon. ‘Yung mga kaukulang dokumento na ipapakita natin sa kaniya ay ikaw na rin ang bahala. Ako naman ang bahala sa magiging parte mo!” wika ni Josie sa kaibigan.
Hindi naglaon ay bumalik na ng ibang bansa itong si Carmela. Magandang pagkakataon ito upang ibenta na ng tuluyan ni Josie ang lupang kanilang minana mula sa kanilang mga magulang.
Kinausap ni Jose si Carmela upang ipabatid na mayroon ng bibili ng lupa at magkakabayaran na ng araw na iyon.
“Sigurado ka ba na hindi na kailangan pa ng abogado o kahit sinong ibang taong may alam pagdating sa ganitong kalakaran? Baka pwedeng ipagpaliban na lang muna natin ang pagbenta ng lupa ngayon at kakausap muna ako ng pwedeng sumama sa iyo,” wika ni Carmela sa kapatid.
“Bakit pa? Wala ka bang tiwala sa akin at sa kaibigan ko? Sa tingin mo ay hindi ko kayang ibenta ang lupa natin sa tamang presyo? Ang mahirap sa iyo Carmela, nagkaroon ka lang ng pera ay mataas na ang tingin mo sa sarili mo! Kaya hinahamak mo na lang ang pagkatao ko!” naiinis na sambit ni Josie sa kapatid.
“Hindi naman ganun ang nais kong sabihin, ate. Nag-iingat lang naman ako, ate. Pasensiya ka na kung iyan ang tingin mo. Pero hindi talaga ganiyan ang nais kong ipabatid,” paghingi ni Carmela ng paumanhin.
Dahil sa pagpupumilit ni Josie at ayaw na rin pang masaktan ni Carmela ang damdamin ng kapatid ay pumayag na siyang ang ate na lamang niya at kaibigan nito ang mag-asikaso sa binebenta nilang lupa.
Nang makarating sa tagpuan kung saan naroon ang bibili ng lupa ay agad nang pinirmahan ni Josie ang mga dokumento. Nang matapos na ay nagtataka si Josie sapagkat walang inabot sa kaniyang bayad ang mga ito.
“Akala ko ba’y magkakabayaran na rin ngayon?” tanong ni Josie sa kaibigan.
“May mga kailangan lang iproseso, Josie. Siguro’y isang linggo lang ang hihintayin mo at makukuha mo na ang bayad. Magkita tayo muli nun,” tugon naman ng ginang.
Makalipas ang isang linggo ay hindi pa rin nagpapakita ang kaibigang ito ni Josie. Nagsimula na rin siyang kabahan.
Kaya agad niyang tinawagan ang kaniyang kaibigan ngunit hindi na ito sumasagot pa. Muling tiningnan ni Josie ang kasulatan at binasa. Hindi niya ito maintindihan dahil nakasulat ito sa malalalim na ingles kaya humingi siya ng tulong sa kakilala.
Doon ay ipinaliwanag sa kaniya na ang dokumentong kaniyang pinirmahan ay nagpapatunay na ibinibigay na niya ang lupa bilang kabayaran sa kaniyang mga pagkakautang.
“Wala akong pagkakautang sa kaniya!” pasigaw na wika ni Josie.
“Ang ibig sabihin po ay nalako kayo, Aling Josie. Ibinigay n’yo ang lupa n’yo ng basta ganun na lang,” saad ng kapitbahay.
Nanlalambot ang mga tuhod at kumakabog sa kaba ang dibdib ni Josie.
Ilang sandali pa ay tumawag naman sa kaniya si Carmela upang siya ay kumustahin.
“Ate, hindi ba’t nabenta mo na ang lupa? Ang 75% ng pinagbilhan ay kunin mo na. Sa akin na lang ‘yung matitira. Ilalaan ko sa isang maliit na negosyo,” sambit ni Carmela sa kaniyang ate.
Sa sinabing ito ni Carmela ay napaupo na lamang sa sahig itong si Josie. Hindi niya akalaing sa kabila ng masama niyang balak sa kapatid ay ganito pala ang gagawin nito.
Napaiyak na lamang si Josie habang nagpapaliwanag sa kapatid ng nangyari. Lubos ang paghingi niya ng tawad sa nagawa.
“Ako na ang bahala, ate. Kakausap tayo ng magaling na abogado upang hindi nila magalaw ang lupa ng mga magulang natin. Gagawin ko ang lahat upang mabawi natin ang lupa,” wika pa ni Carmela.
Hindi na mapigilan pa ni Josie ang maluha.
Sa tulong ng mga abogadong kinuha ni Carmela ay nabawi nila ang kanilang lupa. Mula noon ay nagbago na ang pakikitungo at damdamin ni Josie sa kapatid. Napagtanto niya ngayon kung bakit mas maganda ang buhay nitong si Carmela. Dahil bukod sa magaling itong dumiskarte sa buhay ay mabuti rin ang kalooban nito.