Inday TrendingInday Trending
Kinukuha ng Tiyahin ang Lahat ng Padala ng Kapatid na OFW sa mga Anak Nito; Malulugmok Siya sa Kahihiyan sa Paglabas ng Katotohanan

Kinukuha ng Tiyahin ang Lahat ng Padala ng Kapatid na OFW sa mga Anak Nito; Malulugmok Siya sa Kahihiyan sa Paglabas ng Katotohanan

“Nandito lang pala kayo sa silid, ‘nay! Kanina pa ako tawag nang tawag sa inyo bakit hindi man lang kayo sumagot?” tanong ni Marie sa kaniyang inang si Nadia.

Pagpasok ng dalaga sa kwarto ay nakita niya ang balikbayan box. Nakabukas na ito at inaayos ni Aling Nadia ang laman nito.

“Ito na ba ‘yung mga padala ni Tiya Letty? Ang dami naman! Ano ba ang ginagawa n’yo sa mga ‘yan, ‘nay?” pagtataka pa ni Marie.

“Huwag ka ngang maingay riyan at baka dumating bigla ang magkakapatid at marinig ka! Nariyan na ba sila?” pabulong na sambit ni Aling Nadia.

“Wala pa po, ‘nay, baka nasa eskwelahan pa. Ang dami talagang padala ni Tiya Letty, ‘nay! Ang swerte talaga ng mga anak niya,” naiinggit na wika pa ng dalaga.

“Heto nga at pinagtatabi kita ng ilang damit. Pinagpilian ko na. Nagtabi na rin ako ng tsokolate at ilang pang gamit. Nasa aparador na. Kung ano na lang ang matitira diyan sa kahon ay ‘yun na lang ang paghatian nila,” wika pa ng ina.

“Ayan ang gusto ko sa’yo, ‘nay. Ako ang lagi mong iniisip. Tamang-tama ang damit na ito kasi may party daw sa eskwelahan sa isang linggo. Tiyak akong marami na naman ang mapapatingin sa kagandahan ko nito!” saad muli ni Marie.

“Basta, itikom mo ang bibig mo riyan na dito sa balikbayan box mo iyan nakuha!” paalala ni Aling Nadia sa anak.

Nang hapong din iyon ay dumating na ang magkakapatid na sina Jordan, Ambet at Rose. Tuwang-tuwa sila nang makita nila sa sala ang balikbayan box galing sa ina. Nang buksan nila ito ay halos wala na itong laman.

“Tiya, sigurado po bang ito lang ang ipinadala ni nanay? Parang ang konti kasi tapos ang laki ng kahon,” pagtataka ng panganay na si Jordan.

“Anong gusto mong palabasin diyan sa sinasabi mo, Jordan? Na kinuhaan na muna namin iyan bago ibigay sa inyo? Ginagawa mo pa kaming magnanakaw ng anak ko, ganun ba?” galit na sambit ng ginang.

“Wala naman po akong nais na iparating na ganun. Nagtatanong lang po ako,” nakayukong wika naman ni binata.

“‘Yan ang hirap sa inyo! Ginagawan ko na nga kayo ng pabor na bantayan kayo tapos ganiyan pa kayong mag-isip sa akin. Iwan ko kaya kayong magkakapatid dito. Sabihin ko sa nanay mo na kung anu-ano ang ibinibintang mo sa amin!” pahayag pa ni Aling Nadia.

“Huwag naman po, tiya. Wala naman po akong intensyon na ganun,” muling sambit ni Jordan.

Malakas man ang kutob ng binata na laging iniipit ng kaniyang tiyahin ang padala sa kanila ng inang OFW ay hindi na lang niya magawang magsumbong sa ina dahil ayaw nitong magbigay ng sakit ng ulo.

Mag-aanim na taon na ring OFW ang ina ng magkakapatid na si Letty. Napilitan itong magtrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang mga anak. Mag-isa na lang kasi niyang itinataguyod ang mga ito simula nang mamayapa ang kaniyang mister.

Dahil walang titingin sa mga anak ay iniwan ni Letty ang mga ito sa pangangalaga ng kaniyang kapatid na si Nadia.

Ngunit hindi maganda ang trato ni Nadia sa magkakapatid. Sinasamantala pa ng ginang ang pagkakataong sa kaniya ipinapadala ang perang panggastos ng magkakapatid. Ginigipit niya ang mga ito ngunit bulagsak siya sa pera pagdating sa kanilang mag-ina. Labis itong ikinasama ng loob ng magkakapatid.

“Kuya, sa tingin mo ay ganun lang talaga ang ipinadala ng nanay? Bakit hindi mo pa kasi sabihin kay nanay kung ano talaga ang ginagawa sa atin ng kapatid niya? Kaya naman na nating magkakapatid kahit wala sila. Dapat pumayag ka nang umalis sila dito!” wika naman ni Ambet.

“Hayaan n’yo, hahanap ako ng tiyempo kung paano natin maipaparating kay nanay ang mga ginagawa ni tiya. Hindi ako makakapayag na habang nagpapakahirap sa ibang bansa si nanay ay winawaldas lang nilang mag-ina ang perang nakalaan dapat sa atin,” saad pa ng panganay.

Hirap na magsumbong ang magkakapatid dahil sa hindi nila alam kung paano kokontakin ang ina. Tanging si Aling Nadia lamang ang nakakaalam. Sa tuwing kinakausap naman ng magkakapatid ang kanilang Nanay Letty ay bantay-sarado rin ang ginang.

Lumipas ang mga araw at lalong lumalala ang masasamang ginagawa ni Nadia sa kaawa-awang magkakapatid. Dumating pa sa punto na gutom na gutom na ang magkakapatid ngunit hindi sila binabahagian ng mag-ina ng pagkain. Ang dahilan nila’y wala raw ipinadala ang kanilang Nanay Letty.

Hanggang sa may naisip na paraan itong si Jordan.

Isang gabi habang mahimbing na natutulog ang tiyahin at anak nito ay palihim na nagtungo si Jordan sa silid upang tingnan ang selpon ng ginang. Dali-dali niyang hinanap ang numero ng kaniyang ina sa ibang bansa at saka niya inilista ito sa kaniyang kwaderno.

Kinabuksan ay humingi ng tulong si Jordan sa isang kapitbahay upang matawagan niya ang ina. Mabuti na lamang at tinulungan siya ng butihing kapitbahay.

Kumakabog ang kaniyang dibdib habang nagri-ring ang telepono. Nang marinig niya ang tinig ng ina ay hindi na niya napigilan pang lumuha.

“J-jordan, a-anak? Ikaw ba ito?” pagtataka ni Letty.

‘Ako nga po, ‘nay! Nakitawag lang po ako dito kina Aling Helen. ‘Nay, mayroon po kasi kayong kailangang malaman!” pagtangis ng anak.

Dito na inilahad ni Jordan ang lahat ng masasamang nangyayari sa kanilang magkakapatid. Labis na nagulat si Letty sa kinahantungan ng kaniyang mga anak sa piling ng sarili niyang kapatid. Hindi siya makapaniwalang magagawa ito ni Nadia sa sarili nitong mga pamangkin.

Dahil hindi kaagad makauwi itong si Letty upang komprontahin ang kapatid, at sa takot na rin na baka kung ano pa ang gawin nito sa kaniyang mga anak ay hindi niya ipinaalam kay Nadia na alam na niya ang mga ginagawa nito.

Hindi nagpadala si Letty ng pera ng buwan na iyon kay Nadia at sinabi niyang nahuli ang kaniyang sahod. Ang hindi alam ng ginang ay naipadala na ni Letty ang pera sa kaniyang anak sa tulong ng kapitbahay na si Aling Helen.

Dahil wala namang trabaho si Nadia ay wala silang makain ng kaniyang anak. Samantalang ang magkakapatid ay sa labas na lamang kumakain.

Dahil nagigipit na at nakikita ni Nadia na busog lagi ang magkakapatid ay kinumpronta niya si Jordan. Akma sana niya itong sasaktan ngunit siyang dating naman ni Letty!

“Bitawan mo ang anak ko kung ayaw mong mabulok sa likod ng rehas!” saad ni Letty sa kapatid. Nagtakbuhan naman ang magkakapatid papalapit sa kanilang ina.

“Hindi ako makapaniwala na ganito pala ang ginagawa mo sa mga anak ko. Pinagkatiwalaan kita! Dahil sa hiya ko sa’yo na ikaw ang titingin sa mga anak ko’y pati panggastos niyong mag-ina ay sinagot ko tapos ay mam@ltratuhin mo ang mga anak ko? Kayo lang ng anak mo ang nakikinabang sa perang pinaghihirapan ko?” galit na sigaw muli ni Letty.

Sinusubukan ni Nadia na magpaliwanag sa kapatid ngunit labis na ang galit ni Letty.

“Lumayas na kayo dito ng anak mo sa pamamahay namin! Mabubuhay ang anak ko nang mas maayos nang wala kayo!” sambit pa ng ina ng magkakapatid.

Kumalat sa buong baryo ang masamang ginagawa ni Nadia sa kaniyang mga pamangkin. Labis itong nagdala ng kahihiyan sa kaniya at sa kaniyang anak. Ni wala nang taong gustong magtiwala pa sa kanila.

Samantala, kailangan pa rin ni Letty na bumalik sa ibang bansa upang magtrabaho. Sinikap ni Jordan na alagaan ang kaniyang mga kapatid habang hindi pa umuuwi ang kanilang ina.

Makalipas ng isang taon ay nakaipon si Letty at nagbukas na lamang ng isang negosyo na kaagad niyang napalago. Ito na ang pinagkukunan ng mag-iina ng kanilang kabuhayan.

Hindi naglaon ay nakapagtapos na sa pag-aaral ang tatlong magkakapatid at pare-parehong naging maunlad ang buhay.

Sa kabilang banda naman ay hindi naging maganda ang buhay ni Nadia at anak nitong si Marie. Hindi na nakapagpatuloy pa si Marie ng pag-aaral at nabuntis ito ng lalaking hindi siya pinanagutan. Samantalang si Nadia naman ay kung anu-anong trabaho na lang ang pinasok upang maitawid niya ang buhay nilang mag-ina.

Sinayang lamang ni Nadia ang relasyon nila ng kaniyang kapatid na si Letty dahil sa kaniyang pagkagahaman. Panahon na lamang ang makapagsasabi kung kailan mapapatawad ni Letty itong si Nadia.

Advertisement