Inday TrendingInday Trending
Inako ng Apo ang Pag-Aalaga sa Kaniyang Lolo; Susuklian ng Matanda ang Kaniyang Kabutihan

Inako ng Apo ang Pag-Aalaga sa Kaniyang Lolo; Susuklian ng Matanda ang Kaniyang Kabutihan

Hindi maiwasan ng mga magpipinsan na magturuan kung sino na nga ba ang mag-aalaga sa kanilang Lolo Isidro. Bukod kasi sa matanda na ito ay labis pa ang kulit. Binata pa lamang ang magpipinsan na sina Jonard, Harry, Erick at Budoy ay umaalis na dalawang beses sa isang linggo ang kanilang lolo upang maglakad nang malayo. Pumupunta ito sa isang parte ng bundok at doon ay maghuhukay. Ni isa sa kanila ay walang nakakaalam kung ano ba talaga ang hinuhukay ng matanda.

“Hindi pwede sa amin si Lolo Isidro! Metikulosa ang misis ko at baka maging dahilan pa ang lolo sa paghihiwalay naming mag-asawa,” saad ni Jonard sa mga pinsan.

“Lalong hindi pwedeng tumira sa amin si Lolo Isidro. Walang mag-aalaga sa kaniya sa bahay dahil lagi akong wala at nagtatrabaho,” bwelta naman ni Harry.

“Huwag n’yo akong tingnan dahil kung gaano kayo kaabala’y doblehin n’yo ako. May-ari ako ng isang negosyo at marami ang umaasa sa akin!” wika naman ni Erick.

“Ikaw na lang Budoy ang mag-alaga kay Lolo Isidro. Tutal nasa bakuran lang naman ang ikinabubuhay mo. Kahit paano ay matitingnan mo pa siya. Saka kahit na lumipat na lang kayo ng mag-anak mo dito sa tinitirhan ni lolo,” saad muli ni Jonard.

Dahil nahahabag si Budoy sa ginagawang pagpapasa-pasahan na ginagawa ng mga pinsan niya’y inako na ng ginoo ang responsibilidad.

“Sige, ako na lang ang bahala kay Lolo Isidro. Dadalhin ko na lang siya sa bahay dahil naroon ang mga pananim ko. Kailangan ko rin kasing palaguin ‘yun dahil iyon lang ang pinangbubuhay ko sa mag-iina ko,” saad pa ng ginoo.

“Buti na lamang talaga at nag-ipon ang mga magulang ko at nakapagtapos ako ng pag-aaral. Kung hindi ay baka tulad din ako nitong si Budoy. Hindi na nga nakaalis pa rito sa probinsya ay wala pa ring pinagbago ang buhay,” pangmamaliit pa ni Erick.

Napayuko na lamang si Budoy sa tinuran ng pinsan. Minsan kasi talaga’y nakakaramdam siya ng inggit sa mga ito dahil maayos ang buhay nilang lahat.

“O siya, babalik na ako ng Maynila at bawat nawawalang oras sa akin ay nawawalang pera rin. Ikaw na ang bahala kay Lolo Isidro, Budoy. Magpapadala na lang kami ng pera sa’yo,” wika naman ni Harry.

Naiwan na lamang si Budoy kasama ang matanda. Nililigpit niya ang gamit ng kanilang Lolo Isidro nang bigla itong humingi ng pabor sa apo.

“Samahan mo pa rin ako sa bundok kahit na sa inyo na ako uuwi,” sambit ni Lolo Isidro kay Budoy.

“Sige po, lolo. Basta hanggang kaya mo pang maglakad ay pupunta tayo do’n sa pinupuntahan mo sa bundok,” nakangiting wika ni Budoy.

Nang makarating sa bahay ni Budoy ay agad silang sinalubong ng maybahay nitong si Emma.

“Pinaghanda ko na kayo ng hapunan ni lolo. Ako na ang bahala sa mga gamit niya at kumain na kayo,” saad ni Emma sa asawa.

“Pagpasensyahan n’yo muna ang bahay namin, Lolo Isidro. Hayaan n’yo at igagawa kayo ni Budoy ng papag bukas na bukas para komportable ang pagtulog n’yo,” wika pa ng ginang sa matanda.

Naging maayos ang pagtrato ng mag-anak kay Lolo Isidro. Sa tuwing nangungulit ang matanda ay sinasamahan naman ito ni Budoy patungong bundok. Doon ay matiyaga niyang hihintayin mula sa malayo ang kaniyang Lolo Isidro na bungkalin at muling tabunan ng lupa ang hukay na kaniyang pinupuntahan. Mariin kasi nitong bilin na huwag titingnan ang ginagawa nito.

Dahil binata pa nga lamang ay nagtataka na si Budoy sa tunay na ginagawa ng kaniyang lolo ay hindi na niya naiwasan pang magtanong.

“Ano po ba talaga ang nariyan, lolo? Hindi kasi ako naniniwala sa sinasabi ng iba na nasisiraan lang daw kayo ng bait kaya n’yo ‘yan ginagawa,” sambit pa ni Budoy sa matanda.

Ngunit hindi na lamang umimik pa ang matanda. Nagpatuloy lamang ito sa kaniyang ginagawa hanggang sa nag-aya na itong umuwi.

Ilang araw pa ang nakalipas ay tumawag si Budoy sa kaniyang mga pinsan upang balitaan ang mga ito sa nangyayari sa kanilang lolo.

“Wala akong panahon sa mga sinasabi mo, Budoy. Ano ba talagang kailangan mo? Pera ba?” kompronta agad ni Jonard sa pinsan.

“Hindi naman, pinsan. Gusto ko lang naman kayong balitaan dahil baka nag-aalala rin kayo kay lolo. Saka nais kasi niya rin kayong makausap,” tugon naman ni Budoy.

“Sa susunod ka na lang tumawag dahil masyado akong abala,” saad pa ng ginoo sabay baba ng telepono.

Ganito rin ang mga naging tugon sa kaniyang ng ilan pang pinsan. Hindi na maiwasan pa ni Budoy na alalahanin ang mga nakaraan. Noong panahong malakas pa ang kanilang Lolo Isidro at ito pa ang nag-aalaga sa kanila dahil wala ang kanilang mga magulang.

Naaawa siya sapagkat hindi man lamang mabigyan ng kaniyang mga pinsan ng panahon ang matanda.

Makalipas ang ilang araw ay muling tumawag si Budoy sa kaniyang mga pinsan.

“Pinapatawag kayo ni Lolo Isidro dahil gusto raw niya tayong isama lahat sa bundok. May mahalaga raw kasi siyang ibabahagi sa atin,” wika ng ginoo.

“Napagpapaniwala ka naman d’yan kay, Lolo Isidro. Dala na lang ng katandaan niya ‘yan kaya kung anu-ano ang kaniyang sinasabi at ginagawa. Samahan mo na lang kung gusto mo. Pero hindi ako makakauwi diyan sa probinsya para lang sa kalokohan na ‘yan! Kailangan ako ng negosyo ko dito,” sambit ni Erick.

Maging ang dalawang pinsan na sina Jonard at Harry ay pinagtawanan lamang ang nais ng matanda. Ni isa sa kanilang tatlo ay hindi dumating sa paanyaya ng kanilang Lolo Isidro.

Nahalata ni Budoy sa mukha ng kaniyang lolo ang labis na lungkot.

“Hayaan mo na, lo. Narito naman ako. Ako na lang po ang sasama sa inyo. Tara na at simulan na natin ang paglalakad,” magiliw na saad ni Budoy.

Nawala ang lungkot sa mukha ni Lolo Isidro. Magkaakbay sila ng kaniyang apo habang tinatahak nila ang daan papunta sa lihim na lugar sa bundok.

Nang makarating sila ay lumayo muli si Budoy upang hayaang maghukay ang matanda. Ngunit sa pagkakataong ito ay pinalapit na siya ni Lolo Isidro.

“Nais kong ikaw mismo ang nakadiskubre ng nakabaon dito. Sa tagal na panahon ay binantayan ko ito upang hindi mawala. Dahil alam kong isang araw ay darating ang tamang panahon upang ibigay ko naman ito sa karapat-dapat kong apo. At ikaw ‘yun, Budoy,” pahayag ng matanda.

Labis ang pagtataka ni Budoy sa tunay na nilalaman ng hukay. Agad niya itong binungkal hanggang kailaliman hanggang sa mayroon siyang tamaang isang bagay. Muli niya itong binungkal at tumambad sa kaniya ang isang baul.

“A-ano po ang laman nito,” pagtataka ni Budoy.

“Buksan mo upang malaman mo. Ang lahat ng laman niyan ay sa’yo na, Budoy,” wika pa ni Lolo Isidro.

Nang buksan ni Budoy ang laman ay halos mapabaligtad siya sa pagkabigla. Doon ay nakita niya ang ilang piraso ng ginto at mga dyamante!

“Noong panahon ng giyera ay may tinulungan kaming hapon ng itang ko. Nasa bingit na ang buhay ng binata nang matagpuan namin siya. Dahil naawa si tatang sa kaniya ay inuwi namin siya at binigyan ng lunas ang mga sugat niya. Nang umayos ang kalagayan niya ay umalis na rin siya kaagad.

Ngunit bago niya lisanin ang bahay namin noon ay may inabot siya sa akin na mapa. Ipinakita ko ito kay tatang ngunit hindi siya naniniwala. Ang sabi niya ay hindi totoo ang mapa na iyan at baka mga patibong lang ang laman. Baka raw mapahamak pa ang buhay namin. Sa isang banda ay kalaban pa rin ang lalaking iniligtas namin.

Nang matapos ang giyera ay hinanap ko ang lugar na ito. Inabot ako ng ilang taon hanggang sa nakita ko ang tinutukoy na lugar. At ang mga kayamanan ngang ito ang tumambad sa akin,” kwento ni Lolo Isidro.

“Gamitin mo ang mga ito upang umunlad ang buhay mo, Budoy. Dapat lang na sa mga tulad mong mabubuting kalooban mapunta ang ganitong kayamanan,” dagdag pang matanda.

Hindi pa rin lubusang makapaniwala si Budoy sa sinabi ng matanda. Inuwi nila ang kayamanan at saka nila ito ginamit upang makabili ng mga lupain upang tulungan ang kapwa-magsasaka at nagtatanim na tulad ni Budoy.

Nanlaki naman ang mga mata ng mga pinsan niya nang malaman ang ipinamana sa kaniya ng kanilang Lolo Isidro. Nais mang bigyan ni Budoy ng parte ang ilang pinsan ay mariing pinagbilin ng matanda na para lamang ito sa apong may mabuting kalooban.

Tuluyang nagbago ang buhay ni Budoy at ng kaniyang pamilya. Kasa-kasama pa rin ng mga ito magpahanggang ngayon ang kanilang Lolo Isidro. Maligayang-maligaya ang matanda dahil hindi binago ng kayamanang iyon ang ugali ng pinakamamahal niyang apong si Budoy.

Advertisement