
Nagpapasikat ang Dating OFW sa Kaniyang mga Kapitbahay; Bandang Huli’y Makikita Niya Kung Sino ang Tunay na Kaibigan
Ito na ata ang pinakamasayang araw para kay Anton. Sa wakas kasi ay matapos ang halos tatlong dekada ng pagtatrabaho sa ibang bansa ay makakauwi na siya nang tuluyan sa Pilipinas. Hindi na siya nagkaroon pa ng sariling pamilya dahil siya na ang tumayong ama sa kaniyang mga kapatid. Siya ang nagpaaral hanggang sa nakapagtapos ang mga ito.
Sa kaniyang pag-uwi ay sinalubong siya ng mga kamag-anak at dating kaibigan. Napakalaki ng handaang naganap para lamang sa kaniyang muling pagbabalik sa Pilipinas. Napapangiti na lamang si Anton dahil matagal niyang inaasam na makaahon sila sa hirap.
“Tingnan mo ‘yang mga kapitbahay natin. Dati, basta kung paano na lang nila tayo maliitin at alipustahin. Ngayon ay kay babait na nila sa atin,” saad ni Anton sa kaniyang kapatid na si Jessie.
“Hindi mo naman talaga kailangan na intindihin ang mga sasabihin ng mga ‘yan. Kung ako nga sa’yo ay hindi na ako maghahanda pa ng ganito para lang patunayan na nakakaangat na tayo sa buhay,” tugon naman ng nakababatang kapatid.
“Pabayaan mo sila! Matagal kong hinangad na dumating ang araw na ito na sila naman ang nakikibagay sa ating pamilya,” sambit muli ni Anton.
Habang nag-uusap ang magkapatid ay siya namang pagdating ng dating kaibigan ni Anton na si Emil. Mababanaag mo sa mukha ni Emil ang ligaya habang pilit na hinahanap ang matagal nang nawalay na kaibigan.
Nang matanaw ito ni Jessie ay agad niyang sinabi sa nakatatandang kapatid.
“Kuya, narito pala si Kuya Emil. Malamang ko ay ikaw ang hinahanap niyan. Sandali lang at pupuntahan ko para dalhin siya dito,” wika pa ni Jessie.
“Huwag na, Jessie. Papasok na lang muna ako sa loob at may aasikasuhin ako. Basta, sabihin mo na may inaasikaso. Ikaw na ang bahalang makipag-usap sa kaniya,” halatang pag-iwas ni Anton.
Labis ang pagtataka ni Jessie sa ginawa ng kaniyang kapatid. Agad niyang pinuntahan si Emil upang anyayahan munang kumain.
“Maraming salamat, Jessie. Nasaan ba ang kuya mo? Matagal na kaming hindi nagkikita at gusto ko siyang kumustahin. Marami kaming dapat pagkwentuhan,” masayang sambit ni Emil.
Ngunit naalala ni Jessie ang bilin sa kanyang kapatid.
“Kanina lang ay narito siya, e. Siguro’y nasa silid niya. Marami kasing inaasikaso ‘yung ngayon. Alam mo naman kakauwi lang galing abroad,” paliwanag ni Jessie.
“Basta, kain ka lang, Kuya Emil. Pagbabalot ko na rin ang mag-iina mo para matikman din nila ang handa namin,” dagdag pa ng ginoo.
Matapos ang party na iyon ay tahasang tinanong ni Jessie sa kaniyang kuya kung bakit tila iniiwasan nito ang dating kaibigan.
“Hindi ko na kasi alam kung paano pa siya pakikitunguhan ngayon, Jessie. Marami na ang nagbago. Magkaiba na ang buhay na ginagalawan namin ngayon. Hindi na kami tulad ng dati noong mga binata pa kami,” sambit ni Anton sa kapatid.
“Pero kuya, hindi mo nakita ang pagnanais niyang makausap ka!” saad pa ni Jessie.
“Naku, alam ko naman na ang sasabihin niyang si Emil. Manghihingi lang sa akin iyan ng tulong dahil nga kapos sa buhay. Ako na ang bahala sa amin ni Emil, Jessie. Basta, kapag nagpupunta siya rito ay gawan mo na lang ng paraan para umalis kaagad. Ayaw ko talaga siyang makaharap muna,” pahayag pa ni Anton.
Napapailing na lamang si Jessie sa ginawa ng kaniyang Kuya Anton. Hindi naman niya maiwasan na mahabag para kay Emil dahil ramdam niyang malinis ang intensyon nito sa kaniyang kapatid.
Lumipas ang mga araw at napansin ni Jessie na patuloy ang pakikipag-inuman at ang salu-salo sa kanilang tahanan.
“Kuya, baka naman mamaya ay maubos ang ipon mo! Napapansin ko palaging ikaw na lang ang gumagastos sa mga inuman. Inuuto ka na lang ng mga ‘yan, e!” paalala ni Jessie sa kapatid.
“Pabayaan mo nga ako! Gusto kong makita nilang mas galante at mas nakakaangat na ako sa buhay ngayon kaysa sa kanila. Tingnan mo nga kahit iyang pinakamayaman nating kapitbahay na si Mang Tony ay nakikipag-usap na sa akin ngayon!” pagmamalaki naman ni Anton.
“Siya nga pala, kuya, galing ulit dito si Kuya Emil kaninang umaga at hinahanap ka. Napadaan lang kasi nga may hinakot siyang basura diyan sa kabila. Minsan ay harapin mo naman siya. Para naman kayong walang pinagsamahan,” giit pa ng nakababatang kapatid.
“Kapag kinausap ko siya ay liliit na naman ang tingin ng mga tao sa akin. Magbabalik na naman sa kanila ang alaala ng pagiging dukha natin. ‘Yun na nga ang iniiwasan ko. Kapag nagpunta pa dito si Emil ay abutan mo na lang ng kaunting tsokolate at sumbrero. Kilala ko naman ‘yun, mababaw lang ang kaligayahan,” wika pa ni Anton.
Palaging nag-aalala si Jessie kay Anton dahil hindi niya mapigilan ang paggastos nito upang magpasikat lamang sa mga kapitbahay. Nais lamang ni Anton na may magandang masabi sa kanila ang ibang tao.
Isang araw ay naghanda ng masasarap na putahe itong si Anton. Mayroong mga sugpo at alimango at lechon baboy.
Nang makita ito ni Jessie ay labis ang kaniyang pagtataka.
“Para saan ang lahat ng ito, kuya? Kaarawan mo ba?” tanong ni Jessie.
“Wala lang. Nakantiyawan kasi ako ng ilang kapitbahay na maghanda raw para magkaroon naman ng kaunting salu-salo tayong magkakapitbahay. Mahihindian ko ba naman sila?” pahayag ni Anton.
“Sige na at tawagin mo na ang mga kapitbahay para makapagsalu-salo na tayo. Darating na rin ang inarkila kong bidyoke at nag-order na rin ako ng mga alak at softdrinks para masaya ang lahat!” wika muli ng ginoo.
Hindi na maganda ang ginagawang ito ni Anton. Sigurado si Jessie na sinasamantala na lamang ng mga kapitbahay ang kabaitan at pagiging galante ng kaniyang kuya.
Lumabas si Jessie upang tawagin ang mga kapitbahay. Ngunit imbis na anyayahan niya sa handaan ang mga tao ay isa-isa siyang kumatok sa mga kabahayan at humingi ng tulong.
“Naloko kasi ang kuya ko sa isang investment scam. Natangay ang lahat ng pera niya. E kailangan niya ng pera para sa mga iniinom niyang gamot. Baka naman may mapapahiram kayo sa akin? Hindi ko lang sigurado kung kailan ko maibabalik,” paulit-ulit na wika ni Jessie sa kaniyang mga kapitbahay.
Ngunit wala man lamang sa mga ito ang nais na magpautang. Ang iba nga ay pinagsaraduhan pa siya ng pinto. Ang ilan ay nagsalita pa ng masama.
“Hanggang ngayon ay mangmang pa rin kayo sa paghawak ng pera. Balik na naman kayo sa putikan kung saan kayo nanggaling,” saad ng kapitbahay na ni Mang Tony.
Hanggang sa nakarating na siya sa bahay ni Emil.
Buong pusong ibinigay ni Emil ang kahit huling sentimo sa kaniyang bulsa.
“Tara sa inyo at gusto kong makita si Anton. Marahil ay masama ngayon ang kalooban niya dahil sa nangyari. Kailangan niya ng makakausap,” wika ng dating kaibigan.
Nang makarating sila sa bahay ay nagulat si Anton nang makitang si Emil lamang ang kasama ni Anton.
Labis namang nagulumihanan si Emil dahil ang akala niya’y naghihirap na ang kaibigan ngunit ang daming nakahandang pagkain.
“Upang patunayan sa iyo, kuya, na mali ang sinasamahan mong mga tao’y gumawa ako ng paraan upang ipakita ang tunay nilang ugali,” wika ni Jessie.
Kinuwento ng nakababatang kapatid kay Anton ang kaniyang ginawa at ang lahat ng reaksyon ng kanilang mga kapitbahay.
“May ilang mga tao talaga na nariyan lamang kapag may mahihita sila sa’yo. Kaya kailangan maging maingat tayo sa pagkilatis. At saka pahalagahan natin ang mga taong nariyan sa lahat ng oras maging sa kagipitan,” pahayag pa ni Jessie sa kapatid.
Napatingin na lamang si Anton sa kaibigang si Emil. Siya lang kasi ang tanging nanatili nang sabihin ni Jessie na labis na nangangailangan ang kapatid.
Humingi ng tawad si Anton sa dating kaibigan dahil sa pag-iwas na kaniyang ginawa. Sa puntong iyon ay nagkaroon ng pagkakataon ang dalawang ginoo na muling mag-usap at magkwentuhan tungkol sa kanilang mga buhay. Muling nanumbalik ang pagkakaibigang tila nabaon na sa limot.
Malaking aral ang natutunan ni Anton dahil sa kaniyang kapatid. Mula noon ay natuto na siyang pahalagahan ang natatanging kaibigang si Emil. Batid niyang sa buhay na ito’y minsan lamang daraan ang isang tunay na kaibigan.