Inday TrendingInday Trending
Wala Raw Tumatagal na Kasambahay sa Bagong Papasukan Niya, May Lihim Pala Kasi ang Amo na Ayaw Mabunyag sa Lahat

Wala Raw Tumatagal na Kasambahay sa Bagong Papasukan Niya, May Lihim Pala Kasi ang Amo na Ayaw Mabunyag sa Lahat

“’Nay, buti natatagalan niyo ‘yung amo natin? Hindi umiimik at napakasungit!” wika ni Polly habang nagpupunas ito ng plato.

“Sa inyo lang naman siya ganoon, hindi sa akin. Isa pa, hindi talaga ‘yun nakikipagpalagayang loob sa mga kasambahay kasi madali lang naman niyang papalitan,” matabang na sagot sa kaniya ni Nanay Carmen, ang mayordoma sa bahay habang naglalaro lamang sa telepono ang matanda.

“Ibig sabihin, totoo ‘yung sinasabi nila na walang tumatagal sa bahay na ‘to? Anong gagawin ko? Napakalayo pa naman ng probinsiya namin tapos masisisante lang din pala ako! Hala, bakit naman ganon, ‘nay?” mabilis na tanong ng dalaga sa matanda.

“Saan mo naman narinig ‘yang chismis na ‘yan?!” biglang baling ni Nanay Carmen sa kaniya.

“Sa mga kaibigan ko sa labas,” mabilis na sagot ng dalaga.

“Mag-iisang buwan ka palang dito pero mukhang lagay na kaagad ang loob mo sa mga tao lalo na sa labas ng bahay. Sinasabi ko sa’yo, maaga kang mawawalan ng trabaho,” iling ni Nanay Carmen saka ito tumayo at iniwan siya.

Napailing na lang din si Polly nang makompirma na totoo nga ang kumakalat na balita. Sabi ng mga kapwa niya kasambahay sa labas ay wala raw tumatagal sa bahay na kaniyang pinapasukan ng isang taon, maswerte na nga raw kapag umabot siya ng anim na buwan dito. Tanging si Nanay Carmen lamang daw ang hindi pinapalitan na kasambahay dahil kasama na ito ng among babae simula pagkabata.

“Good evening, madam! Welcome home,” masiglang-masiglang bati ni Polly sa kaniyang amo na kakababa lamang sa sasakyan.

“Bakit nandito ka? Hindi ba dapat nasa quarters na kayo ng ganitong oras?!” baling ni Katrina ang amo ni Polly na isang abogado.

“Naisip ko po kasing salubungin kayo kasi nga lahat kami nasa quarters, gusto ko lang naman na salubungin kayo ng happy vibes, ma’am,” masaya ngunit may kaunting kaba na sinabi iyon ni Polly nang maramdaman niyang hindi masaya ang among babae.

Hindi sumagot si Katrina at kaagad na kinuha ang telepono niya.

“Nanay Carmen, mukhang may hindi nakikinig sa inyo sa bahay na ‘to. Nandito ako ngayon sa garahe, bumaba kayo,” masungit na sabi ni Katrina sa telepono at tinignan nang masama si Polly saka bumalik sa sasakyan.

Dali-dali namang bumaba si Nanay Carmen at hinatak si Polly para pumasok. Bago pa man maisara ang pinto ay saka bumabang muli ang amo nila at tanaw na tanaw ng dalaga na may kasama itong lalaki.

“Sinabi ko naman sa’yo! Kung gusto mong magtagal dito ay kailangan mong sumunod sa akin! Walang paraan para makapagpalakas ka kay Katrina dahil hindi ikaw ang bukod tanging sumubok pero lahat nabigo!” baling ni Nanay Carmen sa kaniya.

“Nay, sino ‘yung lalaking kasama ni ma’am?” tanong ni Poly sa ale na parang walang narinig tungkol sa pagpapagalit sa kaniya nito.

“Naku naman, tinamaan ka talaga ng lintik! Huwag na huwag mong mababanggit na nakita mo ‘yung kasama ni Katrina o bukas na bukas din ay matatapos ang kontrata mo sa bahay na ‘to!” sitang muli ni Nanay Carmen sa kaniya.

Labis naman na nagtataka si Polly kung bakit malaking isyu na makita niya ang kasamang lalaki ng kaniyang amo. Wala naman siyang nakikitang masama kung magkanobyo man ito lalo na’t napakaganda ni Katrina at higit sa lahat ay isang abogado pa. Kinaumagahan ay kaagad siyang nagtanong-tanong sa mga kaibigan niya sa labas at doon niya nalaman ang malaking sikreto na itinatago sa bahay na iyon.

Dalawang araw mula nang makita niya si Katrina ay bigla siyang nakatanggap ng balita na tapos na raw ang kaniyang kontrata.

“’Nay Carmen, ganoon na lang ‘yun? Wala na akong trabaho kasi nakita ko si Ma’am Katrina at ‘yung lalaki niyang ginagawa lang siyang kabit? Anong kasalanan ko roon? Maayos naman ang trabaho ko rito!” galit na pagtanggi ni Polly sa ibinibigay na pera ni Nanay Carmen sa kaniya.

Magsasalita pa sana si Nanay Carmen nang laking gulat niyang biglang lumabas sa kaniyang likuran si Katrina.

“Kasi ayaw ko ng kasambahay na nangingialam sa personal kong buhay,” mataray na sagot ni Katrina sa kaniya.

“Ma’am, sorry kung sasabihin ko ito sa inyo pero kung desidido na kayo sa buhay na ‘yan ng pagiging kabit ay dapat matuto kayong mabuhay nang matapang at hindi ‘yung nagtatago kayo. Kasi hindi habambuhay magagawa niyong magpapalit-palit ng kasambahay huwag lamang lumabas ang lihim niyo dahil alam niyo sa sarili niyo ‘yan. Pero mas gusto kong sabihin sa inyo na walang sinumang babae ang hihilingin na maging kabit lang sila. Sabi nga sa mga palabas, “You deserve more than that!” sigaw ni Polly sa kaniyang amo.

Natulala si Nanay Carmen at natahimik naman si Katrina saka ito umalis. Sa tinagal-tagal na kasama ni Nanay Carmen si Katrina ay hindi niya nagawang sambitin sa babae ang mga katagang sinabi ni Polly rito. Matagal nang hiling ni Nanay Carmen na magising sa katotohanan ang kaniyang alaga na hindi ito ang pag-ibig na inilaan sa kaniya ng Panginoon. Ito rin ang dahilan kung bakit nagpapalit sila palagi ng kasambahay dahil ayaw ni Katrina na malaman ng iba ang madilim na bahaging ito ng kaniyang buhay.

Dahil doon ay napagdesisyunan ni Nanay Carmen na huwag paalisin si Polly sa bahay at kinausap ang dalaga na huwag ipapamalita ang lihim na ito ni Katrina.

Hindi nagtagal ay nagising din si Katrina sa kaniyang kahibangan at iniwan ang lalaki. Mas naging palangiti ito at nakikihalubilo na rin sa ibang tao o maging sa mga kasambahay niya. Ngayon, mas naiintindihan ni Katrina na mas malaki pa ang mundo na siyang pinagtaguan niya para lamang sa lalaking gabi lamang ang kayang ibigay sa kaniya.

Advertisement