
Ginasta ng Binata ang Kita ng Restawrang Pinagtatrababuhan para sa Katrabahong Napupusuan, Kahihiyan ang Naidulot Nito sa Kaniya
“Tingnan niyo si Candy, walang kaarte-arte sa katawan kahit napakaganda! Pati baradong tubo rito sa kusina, ginagawa!” sigaw ni Anton sa kaniyang mga hinahawakang empleyado, isang umaga nang makita niyang naglilinis ng lababo ang magandang dalaga pagkatapos niyang sermunan ang iba dahil sa maruming mga lamesa.
“Eh, sir, siya na naman po kasi ang may kasalanan kung bakit nagbara ‘yong lababo sa kusina. D’yan niya po kasi itinapon ‘yong mga gamit na plastik,” pagpapaliwanag ng isa sa mga ito habang nakatungo.
“Kahit na! Kung kayo talaga ay masipag at may malasakit sa restawrang ito, kahit hindi niyo gawain, gagawin niyo upang maging maayos ang araw-araw nating operasyon dito! Lalo na kayong mga lalaki, nakikita niyo nang may ganiyang problema, si Candy pa ang pakikilusin niyo!” sermon niya pa rito dahilan upang manahimik ang lahat ng empleyadong naroon pati na ang dalagang kaniyang binibida.
“Pasensiya na po, sir,” sagot ng isa pang empleyado.
“Ayos lang, basta sa susunod ayoko nang marinig na nagtuturuan kayo sa mga gawain dito. Lalo’t higit, huwag niyong abusuhin ang kasipagan at kabaitan ni Candy, naiintindihan niyo ba?” wika pa niya saka malagkit na tiningnan ang dalaga.
“Opo, sir,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.
“Sige na, balik na sa trabaho!” sigaw niya dahilan upang magsipuntahan na sa kaniya-kaniyang istasyon ang mga empleyadong ito.
Manager sa isang restawran ang binatang si Anton. Dati siyang regular na empleyado rito bago pa siya maging isang manager kinalaunan. Katulad ng mga hinahawakan niyang empleyado, siya rin ay naging sunod-sunuran noon, palaging nasisigawan, palaging nasesermunan at paminsan pa’y napapahiya sa harap ng mga kustomer ngunit lahat ng iyon ay ibinaon niya sa limot para makuha ang posisyon niya sa ngayon.
Kaya naman, nang siya’y maging isa nang ganap na manager pagkalipas ng tatlong taong pagtatrabaho rito, pinangako niya sa sariling kahit kailan, hindi siya magiging malupit na manager at gagawin niya ang lahat upang maging masaya ang kaniyang mga hahawakang empleyado.
Ngunit, nang magsimula na siya sa ganitong trabaho, roon niya napatunayang hindi pala madaling maging utak ng isang restawran lalo na kapag nagsiusbungan na ang kali-kaliwang mga problema sa loob ng restawran dahilan upang ganoon na lang din siya matulad sa dating mga manager na kinaiinisan niya.
May nag-iisa lamang siyang pinapaborang empleyado, ito ay si Candy. Ang nag-iisang dalaga sa dalawampung empleyadong hinahawakan niya. Bukod sa hangang-hanga siya sa sipag nito, tila unti-unti pa siyang nahuhulog sa karikitan nito dahilan upang lagi niya itong ibida sa iba.
Sa palagian niyang pamumuri sa dalagang ito, nalapit ang loob nito sa kaniya na labis niyang ikinatuwa. Wika niya pa, “Mukhang lalo akong gaganahang magtrabaho, ha?” nang minsan siyang yayaing sabay na umuwi ng dalaga.
Habang sila’y naglalakad, nalaman niyang ito pala ay mula sa mahirap na pamilya at kahit minsan, hindi pa nagkakaroon ng bagong bag at sapatos, ni hindi pa rin nakakakain sa isang restawran. Kaya naman upang lalong bumango ang pangalan niya rito, agad siyang nagdesisyong ilabas at regaluhan ito kinabukasan.
Ngunit dahil wala pa siyang sapat na pera, ginastos niya muna ang pera nang pinamamahalaang restawran.
“Babayaran ko naman pag sweldo ko, eh,” pagrarason niya habang kinukuha ang pera sa kaha. Ganoon na lang ang tuwa niya nang makita kung gaano kasaya ang dalaga. Niyakap pa siya nito dahilan upang siya’y labis na mapangiti.
Ang pagreregalo niya sa dalaga ay nasundan pa nang nasunda kasabay nang pangungutang niya sa kaha ng kanilang restawran.
Sa laki ng perang kaniyang naiutang dito, hindi niya alam kung saan kukuha ng pera upang ito’y mabayaran.
“Napasobra naman yata ang paggastos ko para kay Candy, ha? Darating na si boss sa makalawa, kulang pa rin ang pera sa kaha!” problemado niyang sambit habang binibilang ang kanilang dalawang linggong benta.
Kaya naman, upang matugunan ito, mayroon siyang mga produktong hindi inililista sa benta upang matugunan ang mga perang naiutang niya. Ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin niya nagawang punan ang mga nawawalang pera sa kanilang kaha hanggang sa dumating na ang may-ari ng naturang restawran.
“Sana huwag nang bilangin ni boss katulad ng ginagawa niya noong mga nakaraang buwan,” wika niya habang inaabot sa may-ari ang benta.
“Balita ko, lagi mo raw binibilhan ng kung anu-ano ang anak kong si Candy, ha? Saan ka kumukuha ng pera, rito ba sa kaha?” sambit nito na ikinagulat niya, “Paano ba kita pagkatiwalaang maging tagapamahala ng pinakamalaking branch nitong restawran kung sa magandang babaeng katulad ng anak ko, nawawala na agad ang kredibilidad mo?” tanong pa nito dahilan upang labis siyang mapatungo.
“Pa-pasensiya na po,” tangi niyang sambit, napailing lang ito saka sinauli sa kaniya ang mga gamit na bigay niya sa anak nito.
Pinabenta nito sa kaniya ang mga gamit na iyon upang maidagdag sa kita ng restawran. Bukod pa roon, binaba rin siya nito ng posisyon at bumalik sa pagiging regular na empleyado.
“Pasalamat ka, mabait pa ako,” wika nito saka siya tuluyang nilayasan.
Ganoon na lang ang kaniyang pagsisisi noong mga oras na ‘yon. Nais man niyang lumubog na lang sa lupa, alang-alang sa pamilyang kaniyang sinusuportahan, siya’y nagpatuloy at siniguradong hindi na muli matutukso.