Inday TrendingInday Trending
Napagsamantalahan ang Kawawang Dalaga Ngunit Ayos Lang sa Kaniyang Ama, Kanino kaya Siya Makakahingi ng Tulong?

Napagsamantalahan ang Kawawang Dalaga Ngunit Ayos Lang sa Kaniyang Ama, Kanino kaya Siya Makakahingi ng Tulong?

“O, bakit ka umiiyak, anak? Gabing-gabi na, ha, hindi ka ba makatulog? Gusto mo bang ipagtimpla kita ng gatas para antukin ka?” alok ni Mang Ronald sa kaniyang anak, isang gabi nang marinig niya itong umiiyak.

“A-ayaw ko po,” takot na takot na sagot ni Karen habang balot na balot ang sarili sa kaniyang kumot.

“Pupwede ko bang malaman kung bakit ka umiiyak para matulungan ka ni papa?” tanong nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang mapahagulgol.

“Si-si Sir Ha-harold po, papa, hinawakan ang pribadong parte ng katawan ko pati na ang dibdib ko kanina bago siya umalis dito,” uutal-utal niyang sambit sa gitna ng mga paghikbi.

“Ano namang problema roon, anak? Natural na gawain lang ‘yon ng lalaki, dahil ang mga babaeng katulad mo, ginawa ng Diyos upang maging libangan ng mga lalaki. Bukod pa ro’n, siya ang nagpapakain sa ating dalawa kaya hayaan mo na siya sa gusto niya,” tugon ng kaniyang ama na labis niyang ikinagulat.

“Papa, naman, ayos lang sa’yo ‘yon?” tanong niyang muli, hindi siya makapaniwala sa sinabi ng ama.

“Oo naman, mabuti pa nga’t may nagpapakain sa atin. Sige na, matulog ka na at isasama ka raw ni Sir Harold bukas sa Tagaytay,” sagot pa nito habang iniiwas ang tingin sa kaniya.

“A-ayoko po!” iyak niya ngunit hindi siya nito pinakinggan at agad na lumabas ng kaniyang silid.

Simula pagkabata, malapit na talaga ang loob ng dalagang si Karen sa kaniyang ama. Kaya naman nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang dahil sa hindi pagkakaunawaan noong siya’y limang taong gulang pa lamang, hindi siya nagdalawang-isip na rito sumama kaysa sa kaniyang nanay na mag-aabroad kasama ang isa niya pang kapatid.

Araw-araw, masaya siyang kasama ang kaniyang ama na nagtatrabaho para sa isang politiko. Walang araw na hindi siya nito pinapakain ng masasarap na pagkain, pinapasyal sa palaruan at mga malls at palagi pa siyang may uwing kendi at tsokolate dahilan upang ganoon na lang siya labis na matuwa sa piling ng kaniyang ama.

Bukod pa roon, palagi pa siyang binibigyan ng pera ng amo nitong isang alkalde. Kahit walang okasyon, basta makita lang siya nito, agad na siya nitong inaabutan ng sobre dahilan para labis na mapalapit ang loob niya rito.

Kaya lang, nang siya’y magdalaga na, nakaramdam siya nang pagkailang sa among ito ng kaniyang ama. Malagkit na kasi itong tumingin sa kaniya at palagi pang nakatingin sa kaniyang dibdib. May pagkakataon pang makikita niya itong nakasilip sa bintana ng kaniyang silid at sa tuwing tatanungin niya kung bakit, palaging sagot nito, “Hinahanap ko lang ang tatay mo, nand’yan ba siya? Wala sa sala niyo, eh,” na labis niyang ikinakatakot.

Hanggang sa nangyari na ang kaniyang kinakatakutan. Nagawa na siya nitong hawakan sa kaniyang pribadong parte ng katawan. Lalo pa siyang nanghina nang malamang ayos lang ito sa kaniyang ama.

Kinabukasan noong araw na ‘yon, maaga siyang ginising ng kaniyang ama. Pinag-aayos siya nito dahil isasama raw siya ni Sir Harold sa isang salu-salo.

Kahit na ayaw niya at puno ng takot ang puso’t isip niya, nag-isip pa rin siya ng paraan kung paano makakahingi ng tulong. Malakas kasi ang hinala niyang hindi salu-salo ang kanilang pupuntahan, kung hindi isang hotel kung saan siya nito tuluyang gagalawin.

“Kung walang pakialam ang tatay ko sa kahihinatnan ng buhay ko basta makakain lang siya, wala na rin akong pakialam sa buhay nila ng demonyong alkaldeng ‘yon!” iyak niya habang naliligo sa kanilang banyo.

Maya-maya pa, kinatok na siya ng kaniyang ama at agad nang pinalabas ng kanilang bahay. Pagkalabas niya, nandoon na ang sasakyan ng naturang alkalde at tila pumapalakpak ang mga mata nang makita siya nito.

“Nakakatuwa namang lumaki kang magandang dalaga,” nakangiting sambit nito saka siya agad na pinasakay sa sasakyan, pilit lang siyang ngumiti saka inirapan ang kaniyang ama.

Bago pa man sila makarating sa Tagaytay, agad na niyang sinagawa ang planong binuo sa isipan. Nang makakita siya ng isang patrol ng pulis na nagpapakarga ng gasolina sa isang gasoline station, agad siyang dumaing sa alkalde, “Pupwede po ba akong umihi sa gasoline station na ‘yon?” na agad naman nitong inaprubahan.

Pagkababang-pagkababa niya, agad siyang tumakbo sa mga pulis na ‘yon at agad na nagsumbong.

Noong una’y hindi siya pinaniniwalaan ng mga ito at agad na nagbigay galang sa alkalde ngunit nang ilabas niya ang isang plastik ng damit niyang sinuot kahapon, saka sinabing, “Suriin niyo pa ang damit kong ito. Suot ko ito kahapon, siguradong makikita niyo ang finger print niya sa mga damit na ito,” dahilan upang siya’y agad na isama ng mga pulis.

Doon na siya nagsimulang makahinga nang maluwag. Habang nasa patrol, iyak siya nang iyak. Bukod sa siya’y nadudumihan sa sarili, hindi pa siya makapaniwala sa ginawa ng kaniyang ama.

Ilang oras pa ang lumipas, napatunayan ngang nandoon ang finger print ng naturang alkalde. Napagtibay pa ang ebidensyang ito nang magsalita ang ilan pang dalagang binabast*s nito na kapwa anak din ng mga empleyado nito.

Sa kasong iyon, nadawit man ang kaniyang ama, nabigyan niya naman ng katarungan ang sariling karapatan.

Nagdesisyon siyang tawagan ang kaniyang ina at kapatid at sumunod na lamang sa mga ito patungong ibang bansa. Doon, magkasama silang mag-iina na hihilumin ang sugat ng kaniyang mapait na nakaraan.

Advertisement