Inday TrendingInday Trending
Puro Kapalpakan Daw ang Mister ng Ginang na Ito, Siya Pala ang Pumalya sa Pagiging Asawa

Puro Kapalpakan Daw ang Mister ng Ginang na Ito, Siya Pala ang Pumalya sa Pagiging Asawa

“May panibagong negosyo ka na namang sisimulan, JC?” masungit na tanong ni Juana sa asawa, isang umaga nang makita niya itong may binabasang brochure ng isang nauusong negosyo ngayon na milk tea booth.

“Ah, eh, oo sana mahal, eh. Kaya lang, pinag-aaralan ko muna bago ko sabihin sa’yo para kapag may tanong ka, masasagot ko agad at hindi ka magagalit,” kamot-ulong sambit nito saka agad na itinago ang mga dokumentong nakakalat sa kanilang sala upang huwag siyang mag-alburoto.

“Paano ka nakakasigurong hindi ako magagalit, ha? Ilang negosyo na ang nasimulan mo, hanggang ngayon, hindi pa natin nababawi ang mga nilalabas nating pera! Tapos ngayon, may balak ka na namang magnegosyo! Nahihibang ka na ba?” galit niyang sambit dito dahilan upang mapabuntong-hininga ito.

“Kaya nga ako sumusubok ng panibagong negosyo para mabawi ‘yong pagkalugi natin. Magtiwala ka sa akin, mahal, mababawi ko lahat ng ‘yon,” pangungumbinsi nito sa kaniya na ikinatawa niya.

“Wala na akong tiwala sa’yo! Lahat na yata ng kapalpakan, na sa’yo na lahat! Tigilan mo ‘yan kung ayaw mong mawalan ng mag-ina!” bulyaw niya rito saka agad itong iniwan sa kanilang sala.

Walang araw na hindi pinamumukha ng ginang na si Juana sa kaniyang asawa ang mga kapalpakan na nagagawa nito sa buhay. Araw-araw na maririnig sa kanilang bahay ang bunganga niya lalo’t higit kapag nakagagawa ito ng mga kapalpakan katulad ng pagkabasag nito ng plato habang naghuhugas, naiwan na sinampay na naulanan, nasunog na sinaing at marami pang iba.

Ngunit kahit pa ganoon, bahagya rin naman siyang natutuwa sa determinasyon nito sa pagkita ng pera dahilan upang suportahan niya ito sa mga negosyong nais nitong simulan. Kaya lang, kahit na alam niyang wala namang kasiguraduhan sa pagnenegosyo, sa tuwing nalulugi ang kanilang pera, katakot-takot na pangmamaliit ang kaniyang ginagawa sa asawa.

At dahil sa kanilang mga pagkalugi, hindi na niya ito pinagkakatiwalaan pagdating sa negosyo at pera ng kanilang pamilya. Kahit anong pangungumbinsi nito sa kaniya na muli silang sumubok ng negosyo, ito’y agad niyang pinaghihindian dahilan upang mapilitan itong magtrabaho sa isang kumpanya sa Maynila.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang sermunan ang asawa, naisipan niyang magdilig ng halaman sa harapan ng kanilang bahay upang bahagyang kumalma. Ngunit papalabas pa lang siya, sinalubong na siya ng kaniyang anak na galing paglalaro sa kalsada at ito’y tila takot na takot.

“Anong nangyari, anak? May nang-away ba sa’yo? Bakit kabadong-kabado ang mukha mo?” sunod-sunod niyang kwento rito.

“Ma-mama, ‘yong kalaro ko po, nagsindi ng posporo sa bahay nila, nasusunog na po ngayon,” wika nito na ikinataranta niya, bago pa man niya makita ang bahay na nasusunog na hindi kalayuan sa kanila, maraming tao na ang nagsisigawan at natatarantang lumikas.

“JC! JC! May sunog, ilabas mo na ang mga importanteng bagay!” sigaw niya sa asawa dahilan upang agad itong mataranta.

Ngunit habang lahat ay natataranta na sa paglikas, naagaw ng ginang sa tapat ng kanilang bahay ang atensyon niya. Pinanunuod lang kasi nito mula sa bintana ang natatanaw na sunog.

“Nababaliw na ba ‘yon?” sambit niya sa sarili habang sinisilid sa bag ang sandamakmak nilang mga damit.

Sa kabutihang palad, wala pang sampung minuto, dumating na ang mga bumbero at agad na naapula ang apoy. Tinatayang dalawang bahay lamang ang nasunog na pawang gawa pa sa semento dahilan upang hindi agad kumalat ang apoy.

Nang makita niyang kalmado na muli ang mga tao, roon na siya nabunutan ng tinik at agad na niyakap ang kaniyang anak na alam niyang takot na takot din. Muli niyang nakitang ang ginang na iyon sa bintana, nagkakape na ito at tila maaliwalas ang mukha dahilan upang kaniya itong usisain.

“Ah, eh, kanina habang natataranta ang lahat, kalmado lang kayong nanunuod ng sunog d’yan. Hindi po ba kayo natatakot na masunugan ng bahay at mawalan ng ari-arian?” tanong niya rito.

“Takot ako, pero malaki ang tiwala ko sa asawa kong bumbero. Alam kong hindi niya pababayaang mapahamak ako at ang mga anak namin,” nakangiti nitong sagot saka agad na lumabas ng bahay upang salubungin ang asawang dumaan.

Doon siya bahagyang nakaramdam ng pangongonsensya. Napagtanto niyang siya ang palpak sa pagiging asawa dahil ni minsan, hindi niya naparamdaman sa asawa na may tiwala siya rito, minamaliit niya pa ito.

Tiningnan niya ang asawa niyang nasa labas ng kanilang bahay. Malungkot ang mukha nito, ibang-iba sa masayang mukhang mayroon ang naturang bumbero.

Kaya naman, nagdesisyon siyang muli itong pagkatiwalaan. Pinayagan niya ito sa milktea booth na gusto nito at hindi siya lubos makapaniwala dahil pagkalipas ng isang buwan, nasalo nila kaagad ang mga nalugi nilang pera.

“Kapag talaga pinagkatiwalaan mo ang asawa mo sa pangarap niya, hindi ka magsisisi,” nakangiti niyang sambit habang pinagmamasdan ang asawa niyang nagdedeposito ng pera sa bangko.

Advertisement