
Itinatago ng Dalagang Ito ang mga Pagkain sa Kaniyang Damitan, Naiyak Siya sa Binunga ng Kaniyang Kadamutan
“Ang dami-dami mo namang pinamili, Lita! Ikaw na ba talaga ang gumagastos sa pamilya ng nobyo mo? Sabi naman kasi sa’yo, eh, bumukod na kayo kung nais niyo nang magsama para hindi mo sila kailangang pagkagastusan araw-araw!” sambit ni Hana sa kaibigan, nang makita niya ito sa pila ng grocery.
“Ano sila sinuswerte? Para sa amin lang ‘to ng nobyo ko, ano! Hindi ko naman sila kaano-ano at kung hindi lang dahil sa nobyo ko, hindi ako makikisama sa kanila,” taas-kilay na nguso ni Lita.
“Kung ganoon, saan mo dadalhin ‘yang mga pinamili mong pagkain? Mukhang masasarap pa, ha? Baka mamaya, kupitin lang ‘yan ng mga kapatid ng nobyo mo,” wika pa nito na ikinatawa niya.
“Hindi nila ‘yon magagawa, Hana, dahil lahat ng ito, sinisiksik ko sa damitan ko. Iyong iba nasa may lagayan ko ng damit habang ‘yong iba naman nakatago sa ilalim ng mga panloob ko kaya imposibleng makita nila ito,” kwento niya habang inaakto pa ang kaniyang ginagawang pagtatago ng pagkain sa damitan.
“Hindi sila nagtataka kung bakit hindi mo sila binibigyan?” pang-uusisa pa nito.
“Hindi naman nila alam na may ganito ako karaming pagkain sa kwarto namin ng nobyo ko. Lahat kasi ito, sa bintana ko dinadaan upang huwag nila makita!” tugon niya dahilan upang labis itong mapahalakhak.
“Ibang klase ka talaga!” sigaw nito saka siya bahagyang tinapik sa braso at sila’y labis na nagtawanan.
Sa bahay na ng kaniyang nobyo naninirahan ang dalagang si Lita. Sa tagal ng kanilang relasyon, kaniya nang napagdesisyunang manirahan sa iisang bahay kasama ito upang mas mapalalim ang kanilang pagmamahalan.
Ngunit dahil panganay na anak ang kaniyang nobyo at ito ang inaasahan ng buong pamilya nito, nais man niyang sila’y bumukod at manirahan nang matiwasay sa isang bahay na sila lamang ang laman, hindi ito masang-ayunan ng kaniyang nobyo. Para rito, doble gastos lang daw ito.
“Mayroon naman akong sariling kwarto, eh, doon muna tayo habang wala pa tayong ipon,” pangungumbinsi nito na kahit lingid sa kagustuhan niya, hindi niya magawang matanggihan.
Masaya naman siya sa piling ng pamilya nito noong mga nakaraang araw, ngunit nang tumagal na, nasaksihan na niya ang problema ng mga ito na pangkaraniwan lang naman sa isang gipit na pamilya.
Madalas niyang naririnig na dumadaing ng pera ang ina ng kaniyang nobyo, humihingi ng pangbaon ang mga kapatid nito kahit madaling-araw pa lamang, nagbubunganga ang ama nitong lasing at marami pang iba isyu na kaniyang ikinaiinis.
Ngunit kahit ganito na ang mga problemang kaniyang naririnig sa araw-araw, ni hindi niya magawang matulungan sa gastusin sa bahay ang kaniyang nobyo kahit na mas malaki ang sinasahod niya rito. Rason niya palagi, “Hindi ko naman kayo pamilya kaya ang nobyo ko lang ang pagkagagastusan ko,” dahilan upang ganoon niya itago maigi ang mga pagkaing binibili niya at perang kaniyang sinasahod.
Noong araw na ‘yon, pagkaalis ng kaniyang kaibigan, agad na rin siyang umuwi. Katulad ng nakasanayan, ipinasok niya sa kwarto ng kanilang bintana ang mga pinamili niya upang huwag makita ng mga kaanak ng kaniyang nobyo.
At nang matagumpay na niya itong naipasok, agad na niya itong tinago sa kanilang aparador at kung saan-saang bahagi ng kanilang silid na pinamamalagian.
“O, ang dami mo ulit pinamili, ha? Pahingi nga ako isang tsokolate, mahal, ibibigay ko lang kay bunso, mahilig ‘yon d’yan, eh,” sambit ng kaniyang nobyo nang maabutan siyang nag-aayos.
“Utot mo! Akin lang ‘to!” tangi niya na ikinakamot ng ulo nito.
Nang maitago na niya lahat ng pinamili, agad na siyang nag-ayos upang pumasok sa trabaho. Katulad ng ibang mga araw ng kaniyang pagtatrabaho, umuwi siyang pagod at walang ganang makipag-usap sa mga magulang ng kaniyang nobyong nanunuod ng telebisyon sa kanilang sala. Binati niya lang ang mga ito at agad na nagtungo sa kanilang silid.
Maya-maya, habang nakahiga, siya’y nakaramdam ng gutom dahilan upang buksan niya ang kanilang aparador para kumuha nang makakain.
Ngunit pagkabukas niya, tatlong malalaking daga ang tumalon sa kaniya dahilan upang siya’y mapasigaw at mapatakbo palabas. Nilantakan ng mga ito ang ilan sa mga binili niyang pagkain at nang tingnan niya pa ang mga pagkaing tinago niya sa kaniyang damitan, nakita niyang puro langgam na ito at pati ilan sa kaniyang mga damit ay nakagat na ng mga daga!
Naabutan siyang umiiyak ng kaniyang nobyo pagkauwi nito galing trabaho, tinapik-tapik lang siya nito at sinabing, “Pera mo ang pinangbili mo sa mga ‘yan kaya hindi kita pinakikialaman, pero sana huwag kang magdamot maigi sa pamilya ko kasi hindi ka naman nila pinagdadamutan ng pagmamahal,” dahilan upang ganoon niya na lamang pagmasdan ang mga magulang nito na silang nagliligpit ng kaniyang mga damit pati na ang mga pagkaing kinagat ng mga daga.
Simula noon, naging bukas-palad na siya sa pamilya nito at itinuring na sarili na ring pamilya. Tumaas man ang gastos niya, mas nabigyang halaga niya naman ang relasyon niya sa mga ito at napagtibay ang relasyon nila ng kaniyang nobyo.