Inday TrendingInday Trending
Kinokontrol ng Lalaking Ito ang Kaniyang Asawa, Hindi Niya Alam ang Gagawin nang Mawala Ito

Kinokontrol ng Lalaking Ito ang Kaniyang Asawa, Hindi Niya Alam ang Gagawin nang Mawala Ito

“Aalis ka? Saan ka magpupunta?” masungit na tanong ni Marc sa kaniyang asawa, isang umaga nang makita niya itong bihis na bihis habang siya’y nagbabasa ng diyaryo sa kanilang sala.

“Ah, eh, niyaya ako ni Ellaine na makisosyo sa kaniyang negosyo. Susubukan ko lang sana para naman makapag-ambag ako sa mga gastusin natin dito sa bahay. Sakto, wala kang pasok ngayon, ikaw muna sa mga bata, ha? Napagsaing at luto na rin ako, kumain na lang kayo maya-maya,” nakangiti at tila sabik na sabik na sagot nito sa kaniya habang tinuturo ang mga nilutong pagkain.

“Sino naman nagsabi sa’yong payag akong magnegosyo ka? Sinong magbabantay sa mga bata, ha? Sino’ng gagawa ng gawaing bahay?” tanong niya pa rito dahilan upang ito’y agad na tumabi sa kaniya.

“Tutal magkakapera naman ako, posible kayang kumuha na lang tayo ng kasambahay? May kakilala akong maaasahan,” pagpapakitang nito.

“Tumigil ka nga, rito ka lang sa bahay. Ang mga babaeng katulad mo, nakalaan lang para sa mga gawaing bahay. Hayaan mong ako na lang ang kumita para sa pamilya natin!” sigaw niya rito saka initsa ang hawak na diyaryo.

“Mahal naman, ayoko kasing masayang lang ‘yong pinag-aralan ko sa pagnenegosyo,” malungkot na sambit nito.

“Wala akong pakialam! Kapag sinabi kong dito ka lang sa bahay, dito ka lang!” bulyaw niya pa rito saka sapilitan niyang hinubad ang magarang suot nito dahilan upang magising ang anak nilang bunsong natutulog lang sa katabing silid. Sa takot ng kaniyang asawa, naiyak na lang ito sa harap niya.

Simula nang makabuo ng sariling pamilya, wala nang ginawa ang padre de pamilyang si Marc kung hindi ang magtrabaho upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mag-iina. Dumudoble-kayod siya upang mabilhan ang mga ito nang masusustansiya at masasarap na mga pagkain at maayos na tirahan.

Ngunit dahil nga siya ang kumikita sa kanilang pamilya, ginagawa niya ang lahat upang makontrol ang kaniyang asawa.

May mga pagkakataong hindi niya ito hinahayaang magdesisyon para sa kanilang pamilya, sinisigawan niya ito at pinagbubuhatan ng kamay sa harap ng kaniyang mga anak at kung minsan pa, kahit kaharap ang kaniyang mga katrabaho’t kaibigan, kaniya itong namamaliit.

Lagi niyang sinasabi, “Pangbahay lang talaga ang asawa kong ‘yan kasi walang alam sa pagtatrabaho. Kita mo hanggang ngayon, walang pera ni piso ‘yan!” pabiro man niya itong sinasabi, ramdam niyang nasasaktan ang kaniyang asawa at kahit pa ganoon, patuloy niya itong ginagawa dahil alam niyang sa kaniya nakasalalay ang buhay nito.

Nais man nitong magtrabaho o kung hindi nama’y magtinda, kaniya itong agad na pinipigilan. Hindi niya kasi makita ang dahilan kung bakit kailangan pa nitong kumita ng pera kung natutugunan niya naman ang kanilang mga pangangailangan.

Kaya naman, ganoon na lang ang galit niya nang malaman niyang bigla itong aalis upang makisosyo ng negosyo sa kaibigan nitong bigating negosiyante. Ito ang dahilan upang pagbuhatan niya ito ng kamay at buong maghapong ikulong sa kwarto at pagbawalang gumamit ng selpon.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang maghanda sa pagpasok niya sa trabaho. Nakita niyang malungkot na nagluluto ng almusal ang kaniyang asawa habang karga-karga sa isang kamay ang bunso nilang anak.

Nang makita siya nito, pilit lang itong ngumiti saka siya pinaghainan ng pagkain. Bago siya umalis sa kanilang bahay, sinigurado niyang naitago niya lahat ng maaari nitong gamiting teknolohiya. Kinandado niya rin ang kanilang pintuan upang huwag itong makalabas.

“Huwag kayong lalabas ng mga bata nang wala ako, ha? Malilintikan ka sa’kin,” pagbabanta niya rito, tumango-tango lang ito at sinabing, “Mag-iingat ka, mami-miss ka namin!” na hindi niya pinagtuunan ng pansin.

Pagkarating niya sa opisina, agad niyang sinubsob ang sarili sa pagtatrabaho. Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na ring siyang umuwi.

Ngunit, pagkauwi niya, labis niyang pinagtaka dahil kahit gabi na, wala pa ni isang ilaw ang nakasindi sa loob ng kanilang bahay.

“Kahit kailan talaga ang asawa kong ‘to, ‘yan na nga lang ang gagawin, hindi pa magawa nang tama!” inis niyang sambit.

Bago pa man niya mabuksan ang kanilang pintuan, nakita niyang sira na ang kanilang bintana dahilan upang magpadali siyang pumasok at hanapin kung nasaan ang kaniyang mag-iina.

Sa paghahaluglog niyang iyon, isang mensahe sa likod ng kanilang marriage contract na nakalagay sa kanilang lamesa ang kaniyang natagpuan.

“Pasensiya ka na, hindi ko na kayang tiisin lahat ng ito. Hindi ako ang babaeng pupwede mong panatilihin lang sa bahay dahil katulad mo, may pangarap din akong nais kong abutin,” mga katagang talaga nga namang tumagos sa puso’t isip niya.

Doon niya napagtantong tila naputol niya nga ang pakpak ng pangarap ng kaniyang asawa na noon pa man nito sinasabi sa kaniya.

Sa isang linggo niyang paghahanap at pagkabaliw sa malaking bahay na mag-isa, natagpuan niya ang kaniyang mag-iina sa isang malayong probinsya. Nagtitinda ito ng mga kakanin doon. Kitang-kita niya ang saya sa mukha nito na ilang taon niya nang hindi nasisilayan.

Ayaw mang sumama nito sa kaniya, laking pasasamalat niya nang hayaan siya nitong makasama ang kaniyang mga anak at tanggapin ang kaniyang paghingi ng tawad.

Advertisement