
Ayaw ng Ginang na Ito sa Kaniyang Manugang, Lubos Niya itong Nakilala nang Siya’y Maoperahan
“Pumayag ka na kasing ang asawa ko ang magbantay sa iyo, mama, pagkatapos mong operahan. Hindi naman ‘yon maarte at tunay na maaasahan,” pangungumbinsi ni Agnes sa kaniyang ina, isang umaga nang ito’y tawagan niya habang siya’y nagtatrabaho sa abroad.
“Ayoko nga, Agnes! Alam mo namang hindi ko ‘yon kasundo! At kahit kailan, hindi ko makakasundo ‘yon!” sigaw ni Olive sa pangungulit ng nag-iisang anak.
“Mama, ano ba kasing problema sa asawa ko, ha? Ginagawa naman niya ang lahat para makuha ang loob mo simula pa lang noong nililigawan niya ako. Pinayagan mo na kaming ikasal, tapos ayaw mo pa rin sa kaniya?” pang-uusisa pa nito na labis niya pang ikinainis.
“Ewan ko ba! Basta ayoko sa kaniya!” tipid niyang sagot habang simangot na simangot sa harap ng kamera.
“Eh, paano ‘yan, mama? Sino ang magbabantay sa’yo pagkatapos mong operahan?” tanong nito.
“Ako na ang bahala sa sarili ko!” sambit niya na ikinatawa nito.
“Aba, mama, baka akala mo superhero ka para hindi makaramdam ng sakit pagkatapos ng operasyon, ha?” wika pa nito na lalo na ikinarindi niya.
“Bahala na, Agnes! Huwag mo na akong problemahin, magtrabaho ka na lang d’yan!” bulyaw niya rito saka agad na binaba ang tawag at nag-isip-isip kung sino ang pupwede niyang mapakiusapang mag-alaga sa kaniya kapag siya’y nagpaopera.
Mag-isa na sa bahay ang ginang na si Olive. Dalawangpu’t siyam na taong gulang pa lamang siya nang siya’y mabiyuda dahil sa isang aksidenteng nangyari sa asawa niyang isang mandaragat. Simula noon, mag-isa na niyang itinaguyod ang nag-iisa niyang anak na babae sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke.
Hindi niya na rin naisapang humanap pa ng bagong makakatuwang sa buhay dahil nais niyang ibigay lahat ng oras at pagmamahal niya sa nag-iisang anak.
Kaya naman, nang ito’y makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng oportunidad na magtrabaho sa ibang bansa, ganoon na lamang tuwa niya dahil ang tagumpay nito ay tagumpay niya na rin bilang isang ina.
Ngunit, nang magpaalam itong uuwi sa Pilipinas upang magpakasal sa nobyong hindi niya kasundo, roon na siya bahagyang nagkaproblema.
Alam ng anak niyang ayaw niya rito ngunit hindi nito alam ang dahilan. Ayaw niyang ipaalam dito na ayaw niya sa binatang iyon dahil mula ito sa mahirap na pamilya at ayaw niyang maging mahirap ang buhay ng kaniyang anak sa hinaharap.
Pero dahil mapilit ang kaniyang anak at talagang umuwi ng Pilipinas, wala na siyang nagawa kung hindi ang payagan ito. Kahit pa ganoon, malayo pa rin ang loob niya sa kaniyang manugang.
Kaya naman, ganoon na lang siya namomroblema ngayong kailangan niyang operahan at walang maaaring magbantay sa kaniya. Wala naman kasi siyang kaanak na maaasahan, lahat, kung hindi malilikot ang kamay, mapanghusga’t tsismosa ang mga ito dahilan upang wala siyang mahingan ng tulong.
Isang araw bago ang kaniyang operasyon, wala pa rin siyang nahahanap na pwedeng tumulong sa kaniya.
“Bakit ba walang ibang taong pwedeng tumulong sa akin kung hindi ang manugang kong ‘yon?” sambit niya sa sarili nang biglang may kumatok na sa kaniyang bahay.
“Magandang umaga po, mama, may dala po akong mga prutas. Ayos na po ba ang gamit niyo? May kailangan po ba kayong ipabili sa grocery?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang manugang na hindi niya inintindi at agad na pumasok sa kaniyang silid upang umiling.
Kinabukasan, maaga siya nitong dinala sa ospital. Kinakabahan man sa kalalabasan, napawi ang kaba niya sa nakawiwiling laro sa selpon na pinasubok nito sa kaniya.
Maya-maya pa, dinala na nga siya sa operating room. Pinisil nito ang kaniyang kamay at sinabing, “Hindi po magiging matapang si Agnes kung hindi matapang ang nanay niya,” dahilan upang siya’y patagong mapangiti.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang naoperahan at simula noon, hindi na niya nakitang nagpahinga ang kaniyang manugang. Bente kwatro oras siya nitong bantay, sinusubuan siya nito, nililinisan ng tahi, pinapainom ng gamot at magpahanggang sa kaniyang bahay, hindi siya nito iniwan.
Ito pa ang naglalaba ng kaniyang mga damit kasama na ng kaniyang mga panloob dahilan upang labis siyang mapahanga rito.
Naaaliw pa siya sa araw-araw na kwento nito tungkol sa kaniyang anak na naging dahilan upang mapalapit ang loob niya rito. Wika niya, “Hindi ko inaasahang sa likod ng mahirap na estado sa buhay ng lalaking ito, mayroong butihing puso. Hindi mahihirapan ang anak ko sa buhay dahil sa asawa niyang ito,” dahilan upang magpasiya siyang tuluyan na itong tanggapin.
Kaya naman, nang bumalik na ang kaniyang dating lakas at kailangan na nitong sumunod sa kaniyang anak upang doon din makapagtrabaho at makatulong sa sariling pamilya, ganoon na lamang siya nalungkot.
“Sa maikling panahong nakasama kita, pakiramdam ko, nagkaroon ako ng pangalawang anak. Alagaan mo ang anak ko roon, ha? Malaki na ang tiwala ko sa’yo,” sambit niya rito nang ito’y magpaalaam sa kaniya bago lumisan ng bansa.
Madali para sa atin ang manghusga base sa estado sa buhay. Ngunit, lagi nating tandaan, wala sa estado ng buhay ang kabutihan ng puso ng isang tao.