Ugaling Manloko sa Online ng Dalagang Ito, Isang Delivery Man ang Nagpahiya sa Kaniya

Ugaling Manloko sa Online ng Dalagang Ito, Isang Delivery Man ang Nagpahiya sa Kaniya

FunKarmaStories

“Hoy, Liseth, ano bang ginagawa mo riyan sa selpon mo at grabe ka makahagalpak? Hindi mo ba alam na hatinggabi na? May pasok ka pa bukas, baka nakakalimutan mo!” sigaw ni Loren sa kaniyang nakababatang kapatid nang marinig niya ang ingay nito, isang gabi habang siya’y abala sa pagtatrabaho sa sariling silid. 

“Wala, ate, natatawa lang ako rito sa kausap ko!” sagot ni Liseth sa gitna ng kaniyang pagtawa habang pinupunasan ang luhang bunsod ng kasiyahan.

“Sinong kausap mo? Huwag mong sabihing may nobyo ka na, ha? Sasabunutan kita!” pagbabanta nito sa kaniya dahilan upang mapaayos siya ng upo. 

“Naku, wala pa sa bokabolaryo ko ‘yon, ate! Nag-order kasi ako ng sandamakmak na pagkain sa isang delivery man, ‘yong mga nakamotorsiklo, tapos hindi ko binayaran! Wala naman akong pera, eh! Ito, o, basahin mo ang mga sinasabi sa akin, galit na galit siya!” kwento niya rito saka agad na tumawa habang pinapabasa sa ate ang ginawang kalokohan. 

“Diyos ko, Liseth, mali ‘yang ginagawa mo!” sambit nito sa kaniya saka agad na hinablot ang kaniyang buhok. “Anong mali roon, ate, hindi ko naman kasalanan na madali silang mauto! Saka, uso kaya ang ganitong biro sa social media! Prank lang naman eh,” tugon niya. 

“Tigilan mo ‘yan, hindi magandang nanloloko ka ng tao! Karma ang aabutin mo!” sambit pa nito. 

“Biro lang naman ‘yon, ate, naglilibang lang ako!” giit niya habang nakanguso.  

“Kahit na!” bulyaw pa nito saka agad na hinablot ang kaniyang selpon. 

Tuwing walang pinagkakaabalahan, panloloko sa mga delivery man at online sellers ang nakikitang paraan ng dalagang si Liseth upang malibang sa buhay. Ang ginagawa niya, siya’y umo-order ng mga produkto o kung hindi naman ay pagkain sa mga ito at kapag ito’y ihahatid na sa lugar na kaniyang sinabing pagdadalhan ng mga ito, kung anu-anong dahilan ang kaniyang sasabihin hanggang sa magalit na ang mga ito. Kapag nagalit na sa kaniya, roon niya sasabing, “It’s a prank! Biro lang po, wala po akong pera,” na labis niyang ikinatutuwa dahil sa mga salitang pinaparatang sa kaniya. 

May pagkakataon pa ngang um-order siya ng isang malaking kahon ng damit na pangbata sa isang online seller sa Palawan at nang ito’y maipadala na sa Cavite, kung saan niya sinabing nakatira siya, agad niyang sinabi, “Ay, hindi po ako riyan nakatira, pasensiya na po,” dahilan upang labis itong magalit sa kaniya at siya’y i-post sa social media. 

Ngunit dahil nga ibang pangalan at litrato ang gamit niya roon, hindi siya tuluyang natunton ng online seller na ‘yon na labis niyang ikinatawa. 

Halos linggo-linggo, mayroon siyang nabibiktima sa gawain niyang ito at nang malaman ito ng kaniyang kapatid na siyang nagpapaaral sa kaniya, labis itong nagalit at kinumpiska ang selpon niya. 

Pero dahil mautak siya, nang makatulog na ito, muli niyang kinuha ang kaniyang selpon mula sa aparador nito at agad na nagbukas ng kaniyang social media account. 

Pagkabukas niya, binaha siya ng samu’t-saring notipikasyon dahilan upang labis siyang magtaka at ito’y pindutin niya. Doon niya nakitang may lalaking nag-post ng kaniyang usapan kasama ng kaniyang litrato at ng social media account niya. May mga kataga pang, “Bogus buyer, mag-ingat kayo sa dalagang ito,” dahilan upang labis siyang magtaka. 

“Paano ako natunton nito?” tanong niya sa sarili at doon niya napagtantong ang tunay na account niya pala ang kaniyang nagamit sa panloloko dahilan upang ganoon na lang siya matunton nito. 

Inulan pa siya ng masasakit na komento mula sa mga kapwa delivery man ng lalaki at siya’y pinagbabayad ng mga ito sa dami ng pagkain kaniyang in-order na nasayang lang. 

Wika pa nito sa isang komento, “Ipangbili ko ng order niya ang ipandadagdag ko sa panganganak ng asawa ko. Sa dami noon, halos mangalahati ang ipon ko. Buong akala ko pa naman, sinuwerte na ako.” Nakaramdam siya ng awa rito at talagang nagsisi sa kaniyang mga ginawa. 

Nakita rin ito ng kaniyang kapatid at ganoon na lang ang galit nito sa kaniya. Binayaran nito ang nagastos ng delivery man at labis na humingi ng tawad para lang burahin ang post nito at matigil na ang mga masasamang komento sa kaniya. 

Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak at humingi ng tawad sa social media. Pagkatapos noon, tuluyan nang itinago ng kaniyang kapatid ang selpon niya at siya’y isinubsob sa pag-aaral. 

At doon na nga natigil ang masamang kinawiwilihan niyang ito. Wala na siyang nalolokong tao, lubos pa siyang nakakapag-aral nang mabuti dahil sa pagkawala ng kaniyang selpon. 

More Stories