Nang Malaman Niyang Ito Mismo ang Kakain sa Nakolektang Tirang Pagkain ng Ibang Tao’y Agad Siyang Nakaramdam ng Habag; Bakit Nagtatiyaga Lamang ito sa Tira ng Iba?

Nang Malaman Niyang Ito Mismo ang Kakain sa Nakolektang Tirang Pagkain ng Ibang Tao’y Agad Siyang Nakaramdam ng Habag; Bakit Nagtatiyaga Lamang ito sa Tira ng Iba?

HeartbreakingInspiringStories

Tahimik na kumakain si Jason nang mapansin niya ang isang mamang nakaupo sa isang sulok ng kainan. Nang pumasok siya sa naturang kainan na iyon ay napansin niya na itong nakaupo sa isang sulok, tumatayo ito upang kunin ang iilang tira-tirang pagkain na iniwan ng ibang kustomer, at babalik rin sa dati nitong kinauupuan upang maghintay ulit kung may makukuha ba itong tirang pagkain.

Wala siyang ibang ginawa kung ‘di tingnan ang ginagawa ng lalaki. Sa namuong kuryusidad ay hindi niya napigilang tanungin ang isang service crew na naglilinis sa tapat ng kaniyang mesa.

“Ano po iyon, sir?”

“Kilala niyo si tatay?” tanong niya sa lalaki at pasimpleng inginuso ang pwesto ng mamáng ngayon ay nakatingin sa labas ng kainan.

Sinundan naman ng lalaki ang kaniyang inginuso. “Ahh, o-opo sir. Bakit po?”

“Ah, wala naman, naitanong ko lang. Kanina ko pa kasi napansin na kinukuha niya ang tira na naiiwan ng kustomer. Itatanong ko lang sana kung ano’ng ginagawa niya sa nakokolekta niyang pagkain, ipinapakain niya ba ito sa mga alaga niyang hayop?” aniya.

Imposible kasing ipapakain nito ang nakolektang tira-tira sa tao.

Nilingon ng lalaki ang pwesto ng mamá saka muling nagsalita. “Sa pagkakaalam ko po sir ay inuuwi niya ‘yan upang kainin nila ng mga batang ampon ni tatay,” sagot nito.

“A-ano?” gulat niyang sambit.

Mas lalo siyang naguluhan sa sinabi ng lalaki, hindi nito ginamit ang salitang pamilya, bagkus ay sinabi nitong mga batang kasama, iyong mga ampon nito. At talaga bang tao rin ang kakain sa tira-tirang iyon?

“Opo. Kinukuha niya lang naman iyong medyo malaki-laki pa ang natira, iyong iba’y iyon ang para sa kaniyang mga alagang aso. Minsan kapag narito pa rin siya kapag nagsasara kami’y pinapabigyan siya ng manager namin ng pagkain para iyon ang iuwi nila’t kainin ng mga anak-anakan niya. Iyon ang pagkakaalam ko sir,” anito.

Nahahabag na tinitigan ni Jason ang lalaki. Maayos naman ang pananamit nito kahit may edad na. Malinis ito at hindi nakakailang dahil ito mukhang dugyot. Gusto niyang kausapin ang lalaki ngunit, patapos na siyang kumain at may kailangan pa siyang puntahan.

“Ayon sa mga nauna kong kasamahan dito’y dati hindi raw nila pinapayagang tumambay rito si tatay, kaso noong nalaman nila ang kwento nito’y hinayaan na lamang nila ito at paminsan-minsan ay binibigyan ng pagkain. Hindi naman nanghihingi ng pera si Tatay Nestor, tanging pagkain lang talaga ang kailangan niya.

Hindi ko alam kung ano ang nakaraan ni tatay pero ang alam ko’y wala itong pamilya, ang itinuturing nitong pamilya ay ang mga batang napulot nito sa lansangan. Hindi ko alam kung nagkaasawa ba ito o nagkaanak, basta ang sabi niya lang sa’min ay ang kinukuha niyang pagkain ay para sa mga anak-anakan niyang itinakwil ng sariling magulang kaya siya na ang kumupkop sa mga ito,” kwento ng lalaki.

“Gano’n ba,” aniya habang nakatingin sa lalaking ngayon ay muling kinukolekta ang natirang pagkain ng isang kustomer na hindi yata nagustuhan ang pagkain kaya halos wala pang bawas ang pagkain nito.

Napakabuti naman ng puso ni Tatay Nestor upang gawin iyon sa mga hindi nito kaano-ano. Kung tutuusin ay hindi nito obligasyong pakainin ang mga batang itinakwil na ng mga magulang, sarili nga niya’y nahirapan siyang buhayin tapos kukupkop pa siya ng palalamunin.

Kaya bumilib siya rito kahit hindi pa niya ito lubos na kilala.

“Boss,” tawag niya sa service crew na nakausap niya kanina. “Ibigay mo kay Tatay Nestor, ang pinakamasarap niyong pagkain, ako na ang bahalang magbayad, at pakisabi sa kaniyang umuwi na siya para may makain na sila ng mga anak-anakan niya,” aniya at saka ibinigay ang pambayad rito kasabay ang sobrang pera na nais niyang ipaabot kay Tatay Nestor.

Agad namang sinunod ng lalaki ang kaniyang inutos. Maya-maya lang ay bitbit na nito ang kaniyang sinabi at gaya ng sinabi niya’y ibinigay nito iyon sa kay Tatay Nestor.

Nakita niya kung paanong gumuhit ang hindi maipaliwanag na saya sa mukha ni Tatay Nestor. Maya-maya pa’y lumapit ito sa kaniya upang personal na magpasalamat.

“Walang anuman po iyon, tatay. Umuwi ka na at dalhin ang ibinigay kong pagkain para mapagsaluhan niyo na iyan ng mga anak-anakan mo. Ilan ba ang mga batang ampon niyo?” Usisa niya.

Agad na ngumiti ang matanda saka binilang ang mga anak. “Nasa kinse po silang lahat, sir. Lahat po iyan ay napulot ko lang sa kung saan-saan, madalas ay sa basurahan, nangangalakal din kasi ako sir, kapag wala ako rito. Iyong iba naman ay sa kalsada, pagala-gala,” kwento ni Tatay Nestor.

“Nahihirapan ka nang buhayin ang sarili ninyo, tatay, kaya bakit niyo naisip na ampunin ang kinseng batang itinakwil na ng sariling mga magulang,” muling usisa ni Jason.

“Kasi sir, alam ko ang pakiramdam ng walang magulang,” maiksing sagot nito. “Lumaki ako sa mundong akala ko’y putok lamang ako sa buho,” anito saka malungkot na ngumiti. “Totoong mahirap ang buhay pero kung hindi ka maarte at handa kang kumain ng tira-tira’y siguradong mabubuhay ka na sir, iyon ang palagi kong itinuturo sa mga anak-anakan ko, sa awa ng Diyos, napapakain ko naman sila’t napag-aaral. Iyon nga lang ang perang ginagastos ko sa pag-aaral nila’y galing sa basurahan, tira-tira naman ng ibang tao ang pinanglalaman ko sa tiyan nilang lahat,” mangiyak-ngiyak na kwento ni Tatay Nestor.

“Kung bukas ay kukunin na ako Lord, masaya na rin naman ako sir, kasi alam kong nagampanan ko na ang misyon ko sa mundo. Pero salamat talaga sa ibinigay niyong pagkain at pera sir ah? Makakakain na naman kami ng hindi tira-tira at may pambaon na ang mga limang anak kong nag-aaral,” ani Tatay Nestor, saka maya-maya lang ay nagpaalam na sa kaniya.

Kita niya ang pagkasabik nitong makauwi kaagad upang mapagsaluhan ng itinuturing nitong pamilya ang ibinigay niyang pagkain.

Ang sarap talagang tumulong lalo na kung alam mong karapat-dapat ang taong iyong tinulungan. Tama si Tatay Nestor, mahirap mabuhay sa mundo, basta hindi ka lang magiging maselan at maarte sa mga bagay-bagay ay siguradong mabubuhay ka.

Kung pwede lang niyang bigyan ang lahat ng nagugutom ay ginawa na niya upang wala nang mga kagaya ni tatay at sa mga kasamang bata nitong nagugutom. Mahirap ang maging mahirap, kaya kahit sa anong paraan ay gagawin ng isang tao ang lahat upang malamnan lamang ang kumakalam na tiyan.

More Stories