Balak Sanang Nakawan ng Magkapatid ang Matanda, Ngunit sa Pagtulong Pa Nauwi ang Kanilang Ginawa; Ito Pala ang Nangyari

“Oh, alam na diskarte natin ah? Ako babangga dun sa matanda tapos kunwari tutulungan mong makatayo sabay dukot sa pitaka,” sabi ng kaniyang Kuya Jasper sabay tapik sa balikat niya. Napatango naman si Alvin. Medyo hindi na siya kinakabahan dahil ilang beses naman na nilang ginawa iyon.

Hindi sila tunay na magkapatid at sabay lang tumakas mula sa ampunan. Dahil kapwa menor de edad pa ay tanging pagnanakaw lang ang natagpuan ng dalawa na makakapaglagay ng laman sa kanilang mga sikmura.

Minata ni Alvin ang matandang suki sa karinderyang iyon. Kapansin-pansin talaga ito dahil sa magara nitong kotse na nakaparada sa kalsadang iyon. Pumwesto na si Alvin nang makitang papalapit na ang Kuya Jasper niya sa kanilang biktima. Nabuwal ang matanda sa lakas ng pagkabangga ni Jasper. Agad naming inaluhan ito ni Alvin ayon sa kanilang plano.

“Ayos lang po ba kayo?” tanong ni Alvin habang palihim na kinapkapan ang matanda. Sa pagkapkap niya ay natusok ang kaniyang daliri ng matulis na bagay sa bulsa ng jacket nito. Hindi niya tuloy iyon nahila bigla.

“Naku ang aking balakang!” napapikit ang matanda sa sakit. Matagal ito bago nakatayo, maraming tao na rin ang nakatingin kaya’t ‘di siya agad makasibat. Tinulungan niya ang matanda sa pagtayo, nagulat siya nang may ibulong ito sa kaniya.

“Hijo, maraming salamat ngunit maaari mo ba akong alalayan pabalik sa kotse ko?” sabi nito. Nag-aalangang tumayo na lang si Alvin, iniisip na mas may oportunidad pa siyang dukutin ang pitaka nito kapag inihatid niya ito sa kotse. Ngunit pagdating doon ay nagulat siya nang ilabas ng matanda ang isang pulang rosas mula sa bulsa ng mahabang jacket nito. Ang tinik siguro noon ang tumusok sa kaniya kanina! Sunod nitong inilabas ang pitaka at mula doon ay naglabas ng isang libong piso.

“Hijo, sosorpresahin ko sana ang ginang na may-ari ng karinderyang iyon dahil paborito niya ang rosas, ngunit mukhang nasira na ang bulaklak sa pagkatumba ko, maaari bang humingi ako ng pabor sa’yo? Iyo na ang sukli basta bilhan mo ako ng isang pirasong pulang rosas,” sabi nito.

Tabingi ang ngiti na napa-oo na lang si Alvin. Mukhang hindi na naman niya makukuha ang pitaka kaya doon na lang siya babawi.

Advertisement

Tumakbo siya papuntang tindahan ng bulaklak na malapit lang doon. Sinalubong siya ng kaniyang Kuya Jasper at tinanong ang tungkol sa pitaka.

“Hindi ko nakuha kuya eh. Pero eto oh, inutusan na lang ako ni manong bumili ng bulaklak para kay Aling Rosa, akin na raw ang sukli,” sabi niya.

“Ano kamo?! Naku Alvin, itakbo na lang natin ‘yang isang libo!”

“Eh Kuya Jasper, birthday pala ni Aling Rosa, at mukhang kursunada siya nung matanda. Natatandaan ko nung unang labas natin sa ampunan ‘di ba pinapakain tayo minsan nang libre niyan ni Aling Rosa, hayaan mo na ‘to,” pagkumbinsi niya sa kuya na huwag nang biktimahin ang matanda.

“Ganun ba? Oh sige, mukhang napalakas nga rin ang pagkabangga ko sa matanda, samahan mo na rin ng band aid yang bibilhin mo,” sabi nito.

Sabay ang dalawang binata na bumalik sa tapat ng karinderya kung saan nasa kotse ang matanda at naghihintay sa kanila. Malaki ang pasasalamat nito sa kanila, humingi na rin ng pasensiya si Jasper dahil sa pagbunggo niya sa matanda. Tila natuwa ito sa kanila kaya’t niyaya na rin silang ilibre sa karinderya.

Sa usapan sa karinderya doon nila nalaman na magkababata pala si Aling Rosa at ang matandang si Don Enrico. Matagal na ‘di nagkita at ngayon ay matagumpay na sa buhay si Don Enrico ngunit pumanaw na ang asawa nito matagal na. Lingid sa kaalaman ng ale ay matagal na itong gusto ng matandang don.

Simula nang araw na iyon, si Jasper at Alvin ang kinasabwat ni Don Enrico upang unti-unting pahulugin ang loob ni Aling Rosa. Pumayag ang dalawa hindi lang dahil sa perang inaabot ng matanda, kung hindi sadyang natutuwa sila sa dalawang matanda. Minsan nga ay naiisip nila ang kani-kanilang mga magulang. Ganun din kaya nagmahalan ang mga ito noon?

Advertisement

Hindi nagtagal, nagpasya na ang Don na pormal na alukin ng kasal ang ginang. Tulad ng dati, ang dalawang binata ang naging katulong niya sa pag-aayos ng sorpresa.

Nang gabing iyon, isang matamis na “oo” ang narinig at pinalakpakan sa buong karinderya. Bahagyang nalungkot ang dalawang binata dahil naisip nilang tapos na ang mga araw na makakakain sila nang libre, at ang totoo, mami-miss nila ang kalingang naramdaman mula sa dalawang matanda. Ngunit may sorpresa pala ang don sa kanila.

“Jasper, Alvin, maraming salamat sa inyong dalawa. Kung wala kayo ay hindi rin naman ako magkakaroon ng lakas ng loob para ipagpatuloy ang paglapit kay Rosa. Salamat sa palaging pagsuporta at pagpapalakas ng loob ko. Alam ko ang sitwasyon ninyong dalawa at mabigat sa loob ko na maisip na tuwing gabi ay sa kalye lamang kayo natutulog. Napagpasyahan naming ni Rosa, kung inyong nanaisin, kapag kami ay nakasal, sa amin na rin kayo tumira,” sabi ni Don Enrico. Hindi makapaniwala, napaiyak na lang sina Jasper at Alvin sa sinabi ng Don. Niyakap nila ang mga ito at lubos na nagpasalamat.

“Matatanda na kaming dalawa at walang ibang gusto sa buhay kung hindi mamuhay nang masaya at magkasama. ‘Di na ako pwedeng magkaanak kaya’t kayo na lang ang ituturing naming mga anak,” sabi naman ni Aling Rosa.

Napuno ng luha, yakap, at tawanan ang gabing iyon. Hindi inakala ng dalawang matanda na kahit sa dapit-hapon ng kanilang buhay ay makakatagpo pa sila ng pag-ibig. Gayundin, hindi makapaniwala ang magkapatid na magkakaroon pa sila ng pamilyang mag-aaruga sa kanila. Kahit ang masamang gawain ay ginamit ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang layon. Sa huli, sabay-sabay nilang pinagsaluhan ang pagmamahal na biyaya ng Maykapal.