Mahal na Mahal ng Ama ang Binatilyong Anak Ngunit Hindi Niya Ito Kayang Iligtas Nang Manganib ang Buhay Nito; Isang Katotohanan ang Mabubunyag

Mahal na Mahal ng Ama ang Binatilyong Anak Ngunit Hindi Niya Ito Kayang Iligtas Nang Manganib ang Buhay Nito; Isang Katotohanan ang Mabubunyag

FamilyInspiringStories

“Magandang umaga, anak! Gising na at maaga pa ang pasok mo sa eskwela!” masayang bati ni Mang Ronwaldo kay Nathaniel.

“Ano po bang oras na, itay?” pupungas-pungas na tanong ng binatilyo.

“Mag-a-alas-siyete na ng umaga, baka mahuli ka sa klase mo,” sagot ng lalaki.

Nagmamadaling bumangon sa higaan si Nathaniel at agad na naghilamos ng mukha.

“Oo nga pala, ngayon ‘yung exam namin sa Science. ‘Yun pa naman ang una naming subject. Mabuti at ginising mo ako, itay.”

Inihanda na ni Mang Ronwaldo ang almusal niya.

“O, kumain ka muna para may lakas at panlaban ka sa exam niyo.”

“Thank you, itay. Sabayan mo na po akong kumain!” yaya niya.

Magkasabay na kumain ang dalawa. Maya-maya ay gumayak na si Nathaniel para pumasok sa eskwela. Sinamahan pa siya ni Mang Ronwaldo sa hintayan ng school bus.

“O, baon mo ngayong araw. Galingan mo sa exam niyo ha, anak? Alam ko naman na kayang-kaya mo ‘yon, eh!” wika ng lalaki.

“Thank you po. Huwag kang mag-alala, itay. Sisiw lang ‘yon sa akin. Nag-review kaya ako kagabi kaya ready ako sa exam na ‘yon,” tugon ng binatilyo.

“Okay, anak. Nga pala, susunduin kita mamaya ha? Kakain tayo sa labas dahil ngayong araw ang sahod ko.”

“Sige po. Excited na po ako. Sa paboritong restaurant po natin tayo kakain?”

“Oo naman, Doon pa rin. Sige na, ayan na pala ang school bus niyo. Kita tayo mamaya,” sabi pa ni Mang Ronwaldo.

Mahal na mahal ni Mang Ronwaldo si Nathaniel. Mula pagkabata ay siya na ang nag-alaga rito mula nang pumanaw ang ina ng binatilyo. Palaging sila ang magkasama sa hirap at ginhawa. Kahit noong bata pa si Nathaniel ay hindi siya pumapayag na naaagrabyado ito at inaaway ng mga salbaheng bata kaya ipinagtatanggol niya ito at pinoprotektahan.

Kahit pagod siya sa maghapong pagtatrabaho ay nagagawa pa rin niyang maglaan ng oras para kay Nathaniel. Kapag tapos na sa pag-aaral ng mga leksyon sa eskwela ang binatilyo ay sinasamahan niya itong maglaro ng basketball o ‘di kaya ay maglaro ng computer games. Ang mga iyon kasi ang paborito nito.

Sa tuwing sumasapit ang kaarawan ni Nathaniel ay hindi maaaring hindi sila kumakain sa labas at namamasyal. Pinupuntahan nila ang mga gusto nitong lugar na pasyalan. Masayang-masaya naman ito kapag sila ang palaging magkasama. Halos hindi na nga sila mapaghiwalay. Gusto rin nito na magkatabi sila sa pagtulog. Madali itong nakakatulog kapag tinatabihan niya. Para kay Mang Ronwaldo, kayamanan niya si Nathaniel. Isa itong malaking biyaya ng Diyos sa kaniya, kaya lahat ay handa niyang gawin at isakripisyo para rito.

Isang araw, ginising niya si Nathaniel para pumasok sa eskwela ngunit napansin niyang hirap itong bumangon.

“Bakit anak, anong problema?” nag-aalala niyang tanong.

“Masama po ang pakiramdam ko, itay, masakit po ang ulo ko. Hindi po ako makabangon,” sagot nito.

Agad na hinipo ni Mang Ronwaldo ang leeg ni Nathaniel. Naramdaman niya na sobrang init niyon. Inaapoy ito ng lagnat.

“Diyos ko, dadalhin na kita sa ospital!”

Dali-dali niya itong binuhat at isinugod sa malapit na ospital. Inasikaso naman sila mga nurse at staff na naroon.

Maya-maya ay kinausap siya ng doktor na tumingin kay Nathaniel.

“Mabuti at nadala niyo siya rito agad kundi ay baka nanganib na ang buhay niya at lumala ang kaniyang lagay. Kailangan na masalinan siya ng dugo sa lalong madaling panahon. Kayo po ang tatay niya ‘di ba? Maaari po kayong mag-donate ng dugo sa inyong anak,” sabi ng doktor.

Gumuhit sa mukha ni Mang Ronwaldo ang labis na kalungkutan.

“S-sorry po, dok, pero hindi ako maaaring makapagbigay ng dugo,” sagot niya.

“Bakit po? Kayo po ang tatay ng pasyente ‘di ba?” naguguluhang tanong ng doktor.

“H-hindi ko po siya anak, dok. Hindi po ako ang tunay niyang ama,” tugon niya sa maluha-luhang tono.

Nakalulungkot isipin pero iyon ang katotohanan, hindi niya tunay na anak si Nathaniel. Ang totoo nitong ama ay si Mr. Paul Ilustre, ang kaniyang amo. Si Mang Ronwaldo ay ang nag-iisang katiwala ng kaniyang among lalaki na isang negosyante. Mula nang sumakabilang buhay ang asawa nito na tunay na ina ni Nathaniel ay ibinuhos at itinutok na nito ang atensyon sa trabaho at negosyo. Palagi itong wala sa bahay kaya siya na ang tumayong ama sa nag-iisa nitong anak na kaniyang alaga. Kahit hindi niya kadugo at kaano-ano si Nathaniel ay minahal niya ito na para niyang tunay na anak. Hindi na nga siya nagkaroon ng sariling pamilya sa pag-aalaga rito. Kahit ang binatilyo ay tunay na ama ang turing sa kaniya kaya nga ‘itay’ ang tawag nito sa kaniya. Kahit gusto niya itong tulungan ay hindi niya magawa dahil magkaiba sila ng tipo ng dugo. Agad niyang ibinalita sa kaniyang amo ang nangyari at mabilis naman itong nagtungo sa ospital para mag-donate ng dugo sa anak. Nang naging maayos na ang lagay ni Nathaniel ay lubos ang pasasalamat ng amo sa kaniya.

“Maraming salamat, Mang Waldo, sa pagdala mo sa anak ko rito sa ospital. Akala ko pati siya ay mawawala na rin sa akin, kung nangyari iyon ay hindi ko na talaga makakaya pa,” sabi ni Mr. Ilustre.

“Napakasuwerte mo, sir, dahil nagkaroon ka ng mabait at matalinong anak. Kahit kailan ay hindi siya nagdamdam o nagtanim ng sama ng loob sa dahilang palagi kang wala sa bahay at hindi ka niya nakakasama sa mga espesyal na okasyon sa buhay niya. Naiintindihan niya na para sa kaniya ang lahat ng iyong ginagawa. Sa kabila niyon ay mahal na mahal ka ng iyong anak, sir. Ito na ang panahon para bumawi ka sa kaniya,” hayag niya sa amo.

Hindi napigilang mapaluha ni Mr. Ilustre sa sinabi niya.

“Napakabuti mong tao, Mang Waldo. Para sa akin ay mas mabuti kang ama kaysa sa akin dahil sa lahat ng ginawa at sakripisyo mo sa aking anak. Ikaw ang mas karapat-dapat na maging ama sa kaniya.”

“Ikaw pa rin ang tunay niyang ama, sir. Hindi pa huli ang lahat.”

Napagtanto ni Mr. Ilustre na iyon na ang tamang pagkakataon para muling mapalapit sa anak.

Nang magising si Nathaniel ay tuwang-tuwa ito nang makita ang presensya ng ama. Masayang nagkuwentuhan ang dalawa. Nakaramdam ng lungkot si Mang Ronwaldo. Pakiramdam niya ay hindi na siya kailangan sa tagpong iyon kaya lalabas na sana siya sa kuwarto nang bigla siyang pinigilan ni Nathaniel.

“Itay, saan ka po pupunta? Huwag kang aalis, gusto ko rin pong makasama ka rito. Ngayon ay masayang-masaya na ako dahil dalawa na ulit ang tatay ko,” wika ni Nathaniel.

Hindi na napigilan ni Mang Ronwaldo na mapaiyak sa sinabi ng kaniyang alaga.

“Oo nga naman, Mang Waldo. Samahan mo kami rito. Anak mo rin si Nathaniel dahil bukod sa akin ay ikaw na ang tumatayong pangalawang ama sa kaniya. Huwag ka nang umiyak diyan, baka malungkot pa itong anak natin,” tugon naman ni Mr. Ilustre.

Pinahid niya ang luha sa mga mata at nilapitan ang mag-ama at buong araw na nakipagkuwentuhan sa mga ito.

Mula noon ay nagkaroon na ng oras at panahon si Mr. Ilustre sa kaniyang anak na si Nathaniel. Kasama niya si Mang Ronwaldo sa paggabay at paghubog kay Nathaniel upang balang araw ay maging mabuti rin itong ama kapag nagkaroon na ito ng sariling pamilya.

More Stories