Sinungitan at Itinaboy ng Babae ang Matandang Lalaking Gustong Makigamit ng Computer; Pinalampas Niya Pala ang Suwerteng Hatid Nito

Sinungitan at Itinaboy ng Babae ang Matandang Lalaking Gustong Makigamit ng Computer; Pinalampas Niya Pala ang Suwerteng Hatid Nito

InspiringKarmaStories

Sabik si Yen na pumasok sa bagong branch ng kanilang kumpanya kung saan siya nakadestino. Nagbukas ng panibagong branch ang kilalang computer store na pinagtatrabahuhan niya at isa siya sa mga napili ng kanilang supervisor na mamahala roon. Makakasama niya ang bagong sales agent din na gaya niya na si Candy. Isang buwan pa lang ito sa kumpanya at siya rin ang naatasan na turuan ito at alalayan sa trabaho nila.

“Anong feeling mo ngayon na napili ka ni Ma’am Ivy na makasama ko rito?” tanong niya sa katrabaho.

“Siyempre natutuwa po ako, ma’am. Alam kong bago pa lang ako pero nabigyan na agad ako ng pagkakataon na maging sales agent sa bagong branch natin,” sagot ng dalaga.

“Kaya pagbutihan mo ang trabaho mo. Sundin mong lahat ang iuutos ko sa iyo,” sabi ni Yen sa mayabang na tono. “Sige na, umpisahan na natin ang pagtatrabaho. Kailangan na marami tayong maibenta ngayong araw.”

“Okay po, ma’am,” buong kababaang loob na tugon ni Candy.

Magandang klase ang mga ibinebenta nilang computer kaya maraming customer ang bumibili sa tindahan nila. Bukod sa abot-kaya na ay dekalidad pa. Maya-maya ay isang matandang lalaki ang pumasok sa loob ng computer store at tumitingin-tingin.

“Good morning, sir! Ano pong bibilhin niyo? Magaganda po at matibay ang mga personal computer at laptop na ibinebenta namin dito,” masayang bati ni Yen.

Nginitian siya ng matanda.

“Meron ba kayong wifi rito?” tanong ng matanda.

“Meron po, sir. B-bakit po?” balik niyang tanong.

“Maaari ba akong makigamit ng computer dito? Ichachat ko lang ang mga apo ko,” wika nito.

Nag-iba ang aura ni Yen sa sinabi ng kausap.

“Sorry po, pero hindi namin basta-basta pinapagamit ang mga ibinebenta naming computer. Hindi naman po ito computer shop, eh,” inis niyang sabi.

“Kahit sandaling oras lang, hija. Handa akong magbayad. Nais ko lang na makausap ang mga apo ko na nasa malayong lugar,” pakiusap ng matanda.

“Pasensiya na talaga, hindi po namin pinapagamit ang mga computer dito. Kung gusto niyo ay maghanap kayo ng computer shop sa labas!” pagtataray niya.

Nakatingin lang sa dalawa si Candy. Nakaramdam siya ng awa sa matandang lalaki ngunit wala naman siyang magawa. Bago pa lang siya sa trabaho at mas matagal na sa kaniya si Yen, ayaw naman niyang pakialamanan ang desisyon nito kaya nagawa niyang manahimik na lang.

Hindi na nagpumilit pa ang matanda at malungkot itong lumabas sa computer store.

“Ang aga-aga, nakakainit ng ulo!” gigil na sabi ni Yen nang makaalis ang makulit na matanda.

“Ma’am, sana po ay pinagbigyan niyo na si lolo. Kawawa naman,” wika ni Candy.

“Hay naku, wala akong tiwala sa matandang ‘yon. Kunwari lang na makikigamit ng computer pero baka mamaya ay pagnakawan lang niya tayo rito.”

“Pero, may CCTV naman po rito sa loob ng store. Sa tingin ko naman po ay mabuting tao si lolo,” tugon ni Candy.

“Kahit na! At isa pa, mukhang wala namang pambayad ‘yung matandang ‘yon, eh. Wala nang libre sa panahon ngayon ‘no! Kaya sa susunod na bumalik rito ang matandang ‘yon ay huwag na huwag mong papasukin lalo na huwag na huwag mong papagamitin ng computer dito ha?”

Hindi na nakakibo si Candy sa sinabi ni Yen. Halatang inis na inis pa rin ito sa matandang lalaki.

Isang araw ay hindi nakapasok sa trabaho si Yen dahil masama ang pakiramdam nito. Mag-isa lang na naiwan sa computer store si Candy. Hindi naman masyadong nahirapan ang dalaga dahil naituro naman sa kaniya lahat ni Yen ang mga dapat niyang gawin. Nang sumapit ang tanghali ay muling bumalik ang matandang lalaki. Pumasok ito sa computer store at muling nakiusap.

“Ako ‘yung pumunta rito noong isang araw, baka puwede na akong makigamit ng computer niyo. Miss na miss ko na kasi ang mga apo ko. Gusto ko na silang makausap gamit ang computer,” wika ng matanda.

Hindi napigilan ni Candy na mahabag sa kausap kaya pinagbigyan niya ang hiling nito.

“Bahala na,” wika niya sa isip.

“Sige po, lolo, pagbibigyan ko po kayo pero isang oras lang po ha? Baka po kasi malaman ng kasama ko rito sa store, baka mapagalitan po ako,” aniya.

“Naku, maraming salamat, hija. Huwag kang mag-alala at sandali lang ako,” anito.

Nakagamit na ng computer ang matandang lalaki. Tuwang-tuwa ito habang kausap ang mga apo. Masaya rin si Candy dahil kahit paano ay nakatulong siya rito.

Matapos ang isang oras ay masayang nagpaalam ang matanda.

“Salamat ulit, hija, ito pala ang bayad ko sa paggamit ng computer at wifi,” wika nito sabay abot ng pera sa kaniya.

“Naku, huwag na po, lolo. Huwag niyo na pong bayaran,” tugon niya.

“Napakabuti mo, hija, sige at aalis na ako. Maraming salamat ulit ha?”

Nang makaalis ang matanda, pakiramdam ni Candy ay napakalaki ng nagawa niya rito. Masaya siya dahil nakapagpasaya siya ng isang tao sa simpleng pamamaraan.

Makalipas ang tatlong araw ay nakabalik na sa trabaho si Yen. Tatlong araw siyang hindi pumasok dahil sinulit niya ang pagpapahinga. Nagulat siya dahil iba na ang kasama niya sa computer store.

“Jenny? A-anong ginagawa mo rito? Nasaan si Candy?” tanong niya.

“Hindi mo ba nabalitaan? Ang sabi ni Ma’am Ivy ay ako na ang makakasama mo mula ngayon dito sa computer store. Hindi na rito madedestino si Candy dahil na-promote na siya,” sagot ng kasama.

“A-ano? Anong ibig mong sabihin?”

“Natuwa raw ang may-ari nitong computer store kay Candy. Giliw na giliw raw ‘yung tatay ng may-ari sa kaniya. Alam mo ba na pumunta rito ‘yung tatay ng may-ari nitong computer store na si Mr. Uy? Pinagamit siya ni Candy ng computer para makausap ang mga apo niya na nasa Amerika. May pagka-ulyanin at makulit kasi ‘yung matanda at nasanay na raw  ‘yon na pumupunta sa mga branch nitong store para makigamit ng computer at kausapin ang mga apo niya. Sobra raw natuwa ‘yung matanda kay Candy kaya ayun, ikinuwento kay Mr. Uy na may-ari nitong store. Dahil sa ginawa ni Candy ay ginawa siyang store manager sa isa pang bagong bukas na branch sa Alabang. Ang suwerte ni Candy ‘no?” bunyag ng kasama.

Gulat na napasalampak sa upuan si Yen sa kaniyang nalaman. Labis ang kaniyang panghihinayang. Dahil sa ginawa niyang pagsusungit at pagtataboy sa matanda na tatay pala ng may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang computer store ay mas umangat pa ang posisyon sa kaniya ng baguhang si Candy. Kung tutuusin ay masuwerte rin siya dahil hindi siya isinumbong ng matanda sa anak nito sa ginawa niyang pagsusungit dahil kung nagkataon ay baka wala na siyang trabahong babalikan.

More Stories