Labis na Pagdurusa ang Nararamdaman ng Dalaga sa Pagkawala ng Sundalong Nobyo, Hindi Niya Inasahan ang Surpresa Nito

Labis na Pagdurusa ang Nararamdaman ng Dalaga sa Pagkawala ng Sundalong Nobyo, Hindi Niya Inasahan ang Surpresa Nito

InspiringLoveStories

“Maraming salamat talaga sa’yo, Fe, ha? Simula noong una, hindi mo talaga ako pinabayaang malugmok sa kalungkutan. Nilabas mo pa ako ngayong araw ng mga puso kahit may gala kayo ng boyfriend mo,” taos pusong pasasalamat ni Allysa sa kaniyang matalik na kaibigan habang sila’y naghahapunan sa paborito nilang restawran.

“Oo naman, ano! Napakalakas mo kaya sa akin! Saka, sino pa ba ang matutulungan kung hindi tayong dalawa, ‘di ba? Saka, alam mo namang hindi ko kayang makita kang nalulungkot dahil sa buhay na mayroon ka,” sagot nito saka pinisil ang kaniyang kamay dahilan upang siya’y bubuntong-hininga at alalahanin ang buhay na mayroon siya noon. 

“Kung nagawa ko lang talagang pigilang magsundalo si Jose, edi sana, magtutupad namin ang pangarap naming pagkain sa yate sa araw ng mga puso,” pagbabalik-tanaw niya habang nakamasid sa dagat sa bintana ng naturang restawran. 

“Tama naman ang ginawa mong pagsuporta sa kaniya, Allysa, naging masaya naman siya panigurado sa maikling buhay niya rito sa mundo,” pagbibigay lakas nito dahilan upang siya’y bahagyang mapangiti. 

“Pero dumilim naman ang buhay ko nang mawala siya,” sagot niya saka na nagsimulang umagos sa kaniyang mga mata ang luhang bunsod ng labis na kalungkutan. 

Isa ang nobyo ng dalagang si Allysa sa mga yumaong sundalo dahil sa isang giyera sa ibabang bahagi ng bansa kung saan namamalagi ang mga masasamang loob. Sandamakmak mang parangal ang natamo ng kaniyang nobyo sa araw ng libing nito, hindi niya pa rin lubos matanggap ang biglaang pagkawala nito. 

Noong araw kasi bago sumakabilang buhay ang binatang ito, tinawagan pa siya nito at sinabi kung gaano siya kamahal. Wika pa nito, “Hindi na ako makapaghintay na mapakasalan ka, gumawa ng sariling pamilyang kasama at makasama ka sa habang buhay. Sana lagi mong tandaan na sa bawat paghinga ko, ikaw ang inaalala ko. Mahal na mahal kita!” dahilan upang ganoon niya na lang labis na damdamin ang pangyayaring ito sa buhay niya. 

Bukod pa roon, ito ang kauna-unahan niyang nobyo na halos isang dekada na niyang kasama. Hayskul pa lang sila noong unang mabuo ang kanilang relasyon at noon pa naman, palagi nang sinasabi ng binatang ito na nais niya talagang magsilbi sa bayan. 

Kaya naman kahit sobrang kabado siya sa papasuking propesyon ng nobyo, buong puso niya itong sinuportahan nang magkaroon ito nang oportunidad na makapasok sa militar. 

Sobra-sobra mang pagtitiis ang kaniyang ginagawa sa araw-araw na hindi niya ito makasama o kahit makita man lang, para sa pagmamahalan nila, ginawa niya lahat ng ito nang buong puso. Sigurado kasi siyang tunay ang nabuo nilang pagmamahalan at ito’y uuwi sa kaniya. 

Kaya ganoon na lang ang lungkot na bumalot sa mundo niya nang malaman niyang isa ito sa mga yumaong sundalo at kahit iisang taon na itong wala, pakiwari niya’y darating pa rin ito sa tapat ng kanilang pinagawang bahay. 

Mabuti na lang talaga, hindi siya iniwan ng matalik niyang kaibigan kahit sa araw ng mga puso. 

Noong araw na ‘yon, pagkatapos nilang kumain sa restawrang iyon, nagyayang mag-inom sa kaniyang bahay ang kaniyang kaibigan dahilan upang agad niya itong pagbigyan. 

Pinagmaneho niya ito hanggang sila’y makapunta sa kaniyang bahay ngunit laking pagtataka niya nang may malaking tangke ng militar ang nasa tapat ng kaniyang bahay.

“Te-teka, anong meron?” tanong niya sa kaibigan, umiling lang ito dahilan upang siya’y bumaba sa sasakyan at tanungin ang mga sundalong nakapaligid dito. 

Ngunit imbis na isang tugon ang matanggap niya mula sa mga ito, sabay-sabay itong naglabas ng pulang bulaklak mula sa likuran dahilan upang labis siyang mabigla. 

Narinig niya pa ang boses ng kaniyang nobyo na nagsasabing, “Pakisabi na lang po sa nobya ko na mahal na mahal ko siya at hihintayin ko siya sa kabilang buhay,” dahilan upang ganoon na lang siya mapaupo sa kalsada at mapahagulgol. 

“Pinakiusap niya po sa amin na surpresahin ka sa araw ng mga puso bago siya sumabak sa giyera kapag hindi na siya nakabalik sa kampo. Hanggang sa huling sandali ng buhay niya, bukod sa bayan, ikaw ang tumatakbo sa isip niya,” sambit ng sundalong pinakamalapit sa nobyo niya na lalo niya pang ikinaiyak. 

Doon niya labis na napagtanto kung gaano talaga siya kamahal ng kaniyang nobyo at pakiramdam niya, ayaw na ng kaniyang nobyo na siya’y magdusa kaya ito nangyari. 

Simula noon, araw-araw niyang kinumbinsi ang sarili na maging masaya. Mahirap man, alang-alang sa anghel na nagbabantay sa kaniya, gagawin niya ang lahat upang ito’y mapangiti niya. 

More Stories