Nainggit ang Dalaga sa Dating Kamag-aral na Milyonarya na, Nagimbal Siya sa Bidyong Napanuod sa Social Media

Nainggit ang Dalaga sa Dating Kamag-aral na Milyonarya na, Nagimbal Siya sa Bidyong Napanuod sa Social Media

HeartbreakingInspiringStories

“Grabe talaga ang yaman ni Yassi, ano? Mantakin mo, sa edad na dalawangpu’t isa, mayroon na siyang ekta-ektaryang lupain sa probinsya! May mga pananim pang mga bulaklak! Diyos ko, napakaswerteng nilalang!” sambit ni Rona sa kaibigan nang makita niya ang larawan ng dati nilang kamag-aral sa social media, isang tanghali habang sila’y nananghalian sa kantin ng kanilang pinagtatrababuhan pabrika. 

“Oo nga, eh, napakaperpekto ng buhay niya. May magandang mukha, pang-modelong katawan, may sandamakmak na pera at puro naggugwapuhang artista pa ang nagkakagusto sa kaniya! Samantalang tayo, ito, sa iskwater na nakatira, nagpapakandakuba pa para kumita ng apat na raang piso kada araw!” sagot ni Cristie saka sumubo nang sandamakmak na kanin. 

“Ang daya talaga ng tadhana, ‘no?” tugon pa nito dahilan upang siya’y mapabuntong hininga. 

“Sinabi mo pa! Kung sino pa ang mga masisipag sa buhay, sila pa ‘yong palaging luhaan! Iyang si Yassi nga, hindi marunong humawak ng walis tambo noong hayskul pa tayo!” segunda niya pa dahilan upang labis siyang mainis sa buhay na mayroon siya. 

“Hayaan mo, dadaloy din ang ginhawa sa atin,” wika nito saka tinapik-tapik ang likod niya.  

“Sana nga! Hindi na ako makapaghintay na maging mayaman!” sagot niya pa saka agad na tinapos ang kinakain niyang pananghalian. 

Empleyado ng isang pabrika ang dalagang si Cristie. Hindi na niya nagawang makapag-aral ng kolehiyo dahil sa hirap ng kanilang buhay. Isang kargador ang kaniyang ama habang wala namang trabaho ang kaniyang ina dahilan upang mapilitan siyang magtrabaho na upang makatulong sa gastusin nila sa buhay. 

Ngunit dahil nga hayskul lamang ang kaniyang natapos, siya’y isang tipikal na empleyado lamang na kumikita ng halos apat na raang piso sa Maynila. Kahit saan kasi siya naghanap ng trabaho, lahat ng mga sikat na kumpanya ng mataas magpasahod, lahat ay nais na tapos ng kolehiyo ang mga empleyado dahilan upang siya’y magtiis dito. 

Sa katunayan, lagpas sa kalahati ng kaniyang sinasahod, kaniyang binibigay sa kaniyang mga magulang sa probinsya at ang natitira, iyon ang pinanggagastos niya sa araw-araw niyang pamumuhay sa Maynila. Hirap na hirap man, alang-alang sa ikakalwan ng buhay ng mga magulang, kaniyang itong tinitiis. 

Kaya naman, ganoon na lang siya labis na naiingit sa kamag-aral niya dati noong hayskul na ngayo’y milyonarya na. Walang araw na hindi niya kinukuwestiyon ang Panginoon dahil sa hindi makatarungang buhay na mayroon siya. 

“Bakit ba kailangang maranasan ko pa ito? Hindi ba pwedeng maging perpekto rin ang buhay ko katulad ni Yassi?” iyak niya sa Panginoon, kinagabihan matapos niyang makita ang tagumpay na dating kamag-aral. 

Nakatulog na lang siya noong gabing iyon habang naiyak sa Panginoon at kinabukasan, nagising na lang siya sa sigaw ng kaniyang kaibigang si Rona na kasama niya sa inuupahan nilang tulugan. 

“Ano bang problema mo? Ang aga-aga!” sigaw niya rito. 

“Si-si Ya-yassi, naka-live ngayon sa social media habang nasa dulo ng bangin! Nais na raw magpakatiwakal dahil wala naman daw nagmamahal sa kaniya!” sagot nito dahilan upang siya’y mataranta at tignan ang pinapanuod nito sa selpon. 

Halos manlamig siya nang makita ang magang mata ng naturang dalaga habang kinukwento ang kalungkutan ng sariling buhay. Kwento nito, ni minsan daw hindi siya nagawang kamustahin ng kaniyang mga magulang.

Lagi lang pala itong pinapadalhan ng pera mula sa States at hinahayaan na siyang mamuhay mag-isa simula mang siya’y labing tatlong gulang. 

“Hindi ko kailangan ng pera! Kailangan ko, pagmamahal ng magulang. Kaya kayong may mga magulang, kahit wala kayong pera, huwag kayong malungkot dahil sila ang pinakaimportanteng kayamanan sa buong mundo. Naiinggit ako sa inyo!” iyak nito saka tuluyan nang tumalon sa bangin na hindi malaman kung saang lugar. 

Napabitaw na lang siya sa selpong hawak at natulala sa mga huling salitang sinabi nito.

Ilang minuto siyang naupo at natulala sa kawalan habang patuloy na iniisip ang mga katagang, “Nainggit ako sa inyo!” 

“Wala pala talagang perpektong buhay sa mundong ito. Mayaman nga siya, wala namang pakialam sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Mabuti pa pala ako, salat man sa pera, mayaman naman sa pagmamahal ng mga magulang,” iyak niya habang yakap-yakap ang kaibigang umiiyak din dahil sa nasaksihang pangyayari. 

Ilang oras pa ang lumipas, binalita na sa telebisyon ang pangyayaring ito at doon nila nakumpirmang wala na sa mundong ito ang dalagang kinainggitan niya. 

Simula noon, nagawa niyang makuntento sa buhay na mayroon siya. Tinatak niya sa isip na walang taong may perpektong buhay. Lahat, kailangang maghirap upang mabuhay. 

More Stories