Inutos ng Dalagang Ito sa Matanda ang Paglalaba ng Kobre Kama, Nanghinayang Siya sa Pabuya ng Milyonaryong Amo

Inutos ng Dalagang Ito sa Matanda ang Paglalaba ng Kobre Kama, Nanghinayang Siya sa Pabuya ng Milyonaryong Amo

InspiringKarmaStories

“Veronica, may gagawin ka pa ba o matutulog ka na?” tanong ni Ayi sa isa sa kaniyang mga kasambahay, isang gabi nang makita niya itong nagseselpon sa kaniyang kusina. 

“Wala naman po, madam, mamaya pa rin po ako matutulog. Katatapos ko lang pong hugasan ang mga pinagkainan natin. Bakit po? May ipapagawa po ba kayo?” tanong ni Veronica rito saka agad na binitawan ang hawak niyang selpon. 

“Oo sana, eh. Pakilabhan naman itong kobre kama ko, nawala kasi sa isip ko na dadatnan ako ngayong araw. Ayan tuloy, natagusan ko. Kanina pang umaga ‘yan, eh, nakalimutan ko rin ipalaba kay manang. Kung ipagpapabukas ko pa, baka hindi matanggal ang mantsa. Ayos lang ba na ipalaba ko sa’yo?” tanong nito sa kaniya dahilan upang mapakamot siya ng ulo. 

“Ah, eh, ayos na ayos, madam!” sagot niya kahit na labag sa kagustuhan niya na gawin ito. 

“Mabuti naman kung ganoon. Saka, pakipalitan na rin ‘yong kobre kama ko, maya-maya pagkatapos ko rito sa meeting ko, matutulog na ako,” dagdag pa nito na ikinainis niya pa. 

“Sige po, madam! Ako na pong bahala,” sagot niya saka peke itong nginitian. 

“Salamat talaga sa’yo, ha, maaasahan ka talaga!”  sambit pa nito saka siya tuluyang iniwan sa kusina. 

Isang kasambahay ang dalagang si Veronica sa isang malaking mansyon sa kanilang lugar. Napilitan siyang mamasukan dito simula noong magkasakit ang kaniyang ina at sila’y labis na magipit sa buhay. 

Naging masipag naman siya sa trabaho niya. Palagi niyang nililinis ang kwarto nito, pinaglulutuan ng mga paborito nitong pagkain at sumusunod agad sa lahat ng pinag-uutos nito rito dahilan upang labis siyang hangaan ng milyonaryo niyang amo. 

Ngunit nang dumami na silang mga kasambahay sa mansyong iyon, tila nakaramdam siya ng katamaran at palagi nang nakautos sa ibang mga kasambahay. 

At dahil nga siya ang pinakapinagkakatiwalaan ng kanilang amo at ang unang kasambahay doon, lahat ng iba pang kasambahay, sinusunod ang kaniyang mga utos. 

Noong gabing iyon, pagkaalis ng kaniyang amo, kahit tulog na ang pinakamagandang kasambahay na tagalaba ng mga damit ng kanilang amo, ginising niya pa ito upang ipalaba lang ang inuutos na kobre kama sa kaniya. 

“Manang, manang! Sabi ni madam, labhan mo raw ito! Pakipalitan na rin daw ang kobre kama niya sa kwarto, mayamaya matutulog na raw siya. Bilisan mo na riyan!” sambit niya rito dahilan upang labis itong mataranta at agad na bumangon upang sundin ang pinag-uutos niya. 

Nang makita niyang nakapagpalit na ito ng kobre kama, agad na siyang naglinis ng katawan at nagpasiyang matulog habang naglalaba sa likod bahay ang naturang matanda. 

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang diligan ang mga pananim ng kanilang amo sa likod bahay. Nakita niyang puting-puti ang nilabhang kobre kama ng matanda dahilan upang labis siyang matuwa. 

“Sigurado akong matutuwa sa akin si madam dahil dito nang walang kapagod-pagod!” sambit niya habang patuloy na nagdidilig. 

Pagkatapos niyang magdilig, nakasalubong niya sa sala ang pinakabagong kasambahay at napatigil siya sa sinabi nito. 

“Sobra pala talaga ang bait ni madam, ano? Mantakin mo, naglaba lang ng kobre kama si manang, sinama na siya agad sa mall! At balita ko pa, dodoblehin ang sahod ni manang ngayon dahil inabot ng madaling araw ang paglalaba niya!” nguso nito dahilan upang siya’y mabigla. 

“Ano? Sinama ni madam si manang?” tanong niya.

“Oo, kakaalis nga lang nila, eh. Kala nga ni madam, ikaw ang naglaba noon kasi sa’yo niya raw inutos. Eh, nakita niyang hirap na hirap si manang na magsampay nang mabigat na kobre kamang iyon kaninang madaling araw pagkatapos ng meeting niya, kaya ayon, tinulungan niya raw at niyayang umalis ngayon,” dagdag pa nito dahilan upang labis siyang kabahan at mainggit sa pabuyang natanggap ng matanda na dapat sana, para sa kaniya. 

Buong maghapon, patuloy na tumatakbo sa isip niya ang ginawa niyang iyon. Labis siyang naghihinayang sa oportunidad na magpunta sa mall at makapag-shopping kasama ang isang milyonaryo. Nararamdaman din siya nang kaunting kaba sa kung anong sasabihin ng kanilang amo kapag siya’y nakita. 

Hapon na nang makauwi ito kasama ang matandang kasambahay na sandamakmak ang uwing bagong gamit.

Agad siyang kinausap nito at sinabing, “Nakwento na sa akin ni manang lahat. Hindi ikaw ang nagpapasahod sa kanila para utos-utusan mo sila, ha? Kung gusto mo pang may ipangpagamot sa nanay mo, maging mabait ka sa mga katrabaho mo,” dahilan upang labis siyang kabahan. 

Agad siyang humingi ng tawad sa kaniyang amo at nangakong hindi na muli iuutos sa iba ang trabahong binigay sa kaniya. 

More Stories