Sinurpresa ng Binata ang Matalik Niyang Kaibigan upang Maging Nobya, Pusong Durog ang Sukli Nito sa Kaniya

Sinurpresa ng Binata ang Matalik Niyang Kaibigan upang Maging Nobya, Pusong Durog ang Sukli Nito sa Kaniya

HeartbreakingLoveStories

“Leah, ang tagal na nating magkaibigan, ano? Simula pagkabata, tayo na ang laging magkasama…” hindi na natapos ni John ang kaniyang sasabihin dahil agad na siyang sinegundahan ng matalik niyang kaibigan. 

“O, ano na namang gusto mong iparating?” tanong nito habang patuloy sa paggagayat ng mga gulay na kanilang lulutuin.

“Ah, eh, ano lang, parang gusto kong ligawan ka at makasama ka habang buhay,” uutal-utal niyang sagot habang ramdam na ramdam niya ang kabog ng kaniyang dibdib. 

“Ano ba ‘yang sinasabi mo? Nagpapatawa ka ba?” patawa-tawang sambit nito saka siya bahagyang hinampas sa balikat, “Alam mo namang matalik na kaibigan ang tingin ko sa’yo. Walang labis, walang kulang!” tugon nito dahilan upang siya’y makaramdam ng bahagyang kirot sa puso. 

“Eh, nagbabakasali lang ako na baka gusto mong pumasok sa isang romantikong relasyon. Wala naman akong nobya, wala ka ring nobyo o kahit manliligaw. Tapos, nasa tamang edad na naman tayo, nagbabakasali lang ako,” diretsahan niya pang sambit saka tumitig sa kaibigan. 

“Ilang beses ko na namang sinabi sa’yo na hanggang doon lang ang kaya kong ibigay sa’yo, ‘di ba? Saka, sa pagkakaibigan tayo mas tatagal, John. Tumigil ka na nga riyan, nakakailang ka!” wika pa nito saka tinakpan ang kaniyang matang titig na titig dito. 

Simula pagkabata, nahumaling na sa kagandahan, katalinuhan at kabaitan ng matalik na ang kaibigan ang binatang si John. Sa murang edad niya, napagdesisyunan niya nang liligawan niya ang kaibigan niyang ito pagdating ng araw. 

Ito ang dahilan upang labis niya itong pahalagahan at protektahan lalo na noong sila’y maging magkaeskwela na sa hayskul at sandamakmak na lalaki ang nagkakagusto rito. 

Bukod pa roon, ginagawa niya ang lahat upang ito’y mapasaya sa tuwing nalulugmok sa kalungkutan. Sa katunayan, nagawa niya pang tumakas sa kaniyang ina nang malaman niyang umiiyak ito isang gabi dahil sa pagkawala ng asong kasama rin nila lumaki. 

Pagalitan man ng ina dahil sa labis na pag-aalala, hindi niya ito inalintana, lalo na’t para ito sa babaeng pinapangarap niya. 

Kaya naman, nang makapagtapos na sila ng pag-aaral at makakuha na ng magandang trabaho, roon na siya unti-unting nagparamdam ng tunay na nararamdaman para sa dalaga. 

Ngunit kahit anong pag-amin niya rito nang nararamdaman, palaging sinasabi nito, “Hanggang kaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay sa’yo,” pero kahit palaging naba-busted, hindi pa rin siya sumuko upang makuha ang loob nito. 

Noong araw na ‘yon, matapos niyang mananghalian sa bahay nito, agad niyang tinawagan ang iba nilang kaibigan upang sabihin ang plano niyang surpresa rito sa darating na araw ng mga puso. 

Wika niya sa mga ito, “Baka kapag nasa harap ng maraming tao, mapagbigyan niya akong ligawan siya. Pangako ko sa inyo, gagawin ko ang lahat upang mapaibig siya sa akin.” 

Simula nang mabitawan niya ang mga salitang iyon sa kanilang mga kaibigan, araw-araw na siyang naging abala sa paghahanda rito.

Bumili siya ng mga tsokolate, teddy bear, bulaklak, at iba pang pang-disenyo sa lugar kung saan niya ito susurpresahin.

Nagtawag din siya ng iba pa nilang kaibigan upang samahan siya sa naiisip niyang sayaw upang lalong makuha ang loob ng dalaga.

“Tuwang-tuwa ‘yon kapag nakikita niya akong sumasayaw. Mukha raw akong timang at dahil mahal ko siya, kahit magmukha akong t*nga, basta mapasaya lang siya, ayos lang sa akin,” wika niya habang nag-eensayo ng sayaw kasama ang mga kaibigan. 

Pagdating ng araw ng mga puso, maaga siyang naghanda para sa pinagplanuhan niyang surpresa. Niyakag niya na rin ang matalik niyang kaibigan na magpunta sa paborito nilang tambayan at dahil wala naman itong pupuntahan sa araw na ‘yon, agad itong sumama sa kaniya. 

Nang makarating na sila sa lugar na ‘yon, agad na sumalubong ang kanilang mga kaibigan. Sumasayaw ang mga ito habang may bitbit-bitbit na tig-iisang bulaklak. 

“Anong meron? Mukha kayong mga baliw!” biro ng dalaga. 

At nang sumama na siya sa pagsayaw, doon na nag-iba ang mukha ng dalaga. Lalo pa nang ilabas niya ang karatulang naglalaman ng mga salitang, “Will you be my girlfriend?” 

Nagsigawan na ang kanilang mga kaibigan lalo na nang siya’y lumuhod at iabot ang sandamakmak na bulaklak. Nagsimula na rin silang pagpiyestahan ng ibang mga taong namamasyal doon. 

Malakas ang loob niyang papayag ito dahil sa ginawa niyang surpresa, lalo pa nang umiyak ito at siya’y itayo. 

“Hindi ko kayang ibigay ang gusto mo, John, pasensiya ka na. Huwag mong ipahiya ang sarili mo sa harap ng maraming tao dahil kahit isang milyong tao ang makakita sa gagawin mong ito, hindi magbabago ang nararamdaman ko. Kaibigan kita, hanggang doon lang ‘yon” sambit nito saka mabilis na tumakbo palayo. 

Naiwan siyang tulala at nanghihina habang pinagmamasdan ang dalagang tumatakbo palayo sa kaniya. 

Doon niya napagtantong kahit anong gawin niya, hindi niya pupwedeng piliting magustuhan din siya ng isang taong pinapangarap niya. 

Wala man siyang maiharap sa mga taong nakasaksi noon, ang importante sa kaniya, naparamdaman niya sa dalaga ang tunay niyang nararamdaman. 

More Stories