
Sa Simbahan Palagi ang Takbo ng Babae sa Tuwing Siya ay Magkakaproblema; Sa Simbahan din pala Niya Matatagpuan ang Biyayang Matagal na Niyang Inaasam!
Maagang namulat sa pagiging ina si Klea. Isa kasi siyang biktima ng pang-aab*so. Ang masaklap pa, ang taong gumawa n’yon sa kaniya ay ang lalaking pinakamamahal niya—walang iba kundi ang kaniyang nobyong si Arwin.
Hindi niya akalaing gagawin nito iyon sa kaniya, dahil lang ayaw niya pang ibigay ang kaniyang sarili hangga’t hindi pa sila nakakasal! Ang buong akala niya ay mahal siya nito, ngunit nagkamali lamang pala siya.
Sa kabila nito, hindi naman niya itinuring na galing sa kasalanan ang kaniyang anak, bagkus ay minahal niya ito kahit noong ito ay nasa kaniyang sinapupunan pa lang.
Ngunit tila talagang sinusubukan siya ng tadhana, dahil nagkaroon ng malubhang sakit ang kaniyang anak nang mag-isang taong gulang ito. Tanging paglalabada lang ang pinagkukuhanan ni Klea ng pangkabuhayan, kaya’t ganoon na lang ang pamomroblema niya. Hindi naman na kasi niya nagawang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, lalo na at itinuon niya ang lahat ng kaniyang atensyon sa kaniyang anak.
“Hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng perang ipampapagamot kay Baby Sandra. Diyos ko, tulungan po ninyo ako!”
Sa simbahan ang palagiang takbo ni Klea sa tuwing siya ay walang mapagsabihan tungkol sa sitwasyon nilang mag-ina. Wala naman kasi siyang kamag-anak na maaaring hingan ng tulong lalo’t sa isang bahay-ampunan na siya lumaki at nagkaisip. Wala siyang ideya kung sino ang tunay niyang mga magulang kaya naman hindi na rin niya naisipan pang hanapin sila.
Sa halos araw-araw na pagsisimba ni Klea sa lumang kapilyang naroon sa sentro ng kanilang bayan ay palagi niya ring nakakasabay ang may edad nang mag-asawa na doon din pumupuwesto sa tabi ng kaniyang upuan. Hindi sila madalas napapansin ni Klea, ngunit ang mag-asawa naman ay palaging nakatingin sa kaniya. Sa totoo lang ay naaawa sila sa halos araw-araw na pag-iyak ng babae sa tuwing dadalaw ito at magsisimba sa kapilya kaya naman dahil doon, ngayon ay naisipan na nilang kausapin siya.
“Hija, ayos ka lang ba?” Agad na napalingon si Klea sa ginang na tumapik sa kaniyang likuran.
“O-opo. Pasensiya na po kayo, maingay po ba ako?” hinging paumanhin naman niya sa pag-aakalang baka nakakaistorbo na sa mag-asawa ang kaniyang pag-iyak.
“Naku, hindi. Kaya lang, napansin naming halos araw-araw kang umiiyak sa tuwing pupunta ka rito at makikipag-usap sa ’ting Panginoon. Ano ba ang problema? Baka makatulong kami,” habag na habang pang anang ginang na sinegundahan pa ng asawa nito sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagtango.
“M-may sakit po kasi itong anak ko at hindi ko po alam kung saan kukuha ng perang ipampapagamot sa kaniya…” Iniharap ni Klea ang kaniyang anak na si Sandra sa mag-asawa. Nakabalot ito sa telang tanging alaala ni Klea mula sa kaniyang mga tunay na magulang. Mayroon kasing nakaburdang “KLEA” roon na siyang pinagkunan ng mga kawani ng bahay-ampunan ng kaniya ring pangalan.
Kitang-kita ni Klea ang biglaang panlalaki ng mga mata ng ginang na kaniyang kaharap nang biglang mahagip ng paningin nito ang naturang burda. Pagkatapos ay halos mabuwal din ito dahil sa panghihina ng tuhod kaya naman napasandal pa ito sa kaniyang asawa!
“A-ang telang ’yan… ’yan ang telang ibinalot ko sa aking anak bago siya nakawin ng kaniyang yaya noong sanggol pa lamang siya!” bulalas nito na talagang ikinagulat din ni Klea!
Sa isang iglap ay animo nagkaroon ng mabilis na pagkakaunawaan ang mag-asawang Lanie at Regor at si Klea! Pare-parehong tumulo ang kanilang mga luha!
Dahil sa malakas na kutob ng mag-asawang Lanie at Regor na si Klea nga ang nawawala nilang anak ay agad nila itong ipina-DNA test. Isang linggo pa ang lumipas at napatunayan nilang totoo nga ang kanilang hinala!
“Klea… i-ikaw nga ang anak ko!” hagulhol ni Aling Lanie sa anak na matagal ding mawalay sa kaniyang piling. Mahigpit niya itong niyakap na animo wala nang bukas pa!
Sabik na sabik naman si Klea at hindi na magawang malungkot pa para sa mga araw na nawala sa kanilang pamilya. Ang alam niya lang, ngayon ay mabubuo na sila!
Bukod doon ay nalaman ni Klea na mayaman pala ang kaniyang ama at ina at dahil doon ay mayroon na siyang kakayahang ipagamot sa pinakamagagaling na espesyalista ang kaniyang anak! Laking pasasalamat nila sa Diyos na siyang gumabay sa kanila upang sila ay muling magkatagpo. Ngayon, ang pamilya nila ay muli na ring mabubuo.

Sa Sobrang Pagkaistrikta ng Lola ng Babaeng Ito ay Madalas na Siyang Marindi sa mga Sermon; Gagantihan Niya ba Ito Kapag Siya ay Malaki na?
