
Wala nang Ibang Inatupag ang Lalaking Ito Kundi ang Kaniyang mga Kabarkada; Pagsisihan Niya ang Ginagawa Niya Kapag Nawala na sa Kaniya ang Lahat!
“Saan ka na naman nanggaling?!” pambungad na sigaw ng kaniyang asawang si Fe pagkapasok na pagkapasok pa lang ni Eric sa kanilang tahanan. Napasulyap siya sa kanilang wall clock na nakadikit sa pader na katapat ng kanilang pintuan at namataan niyang pasado alas-dos na pala ng hatinggabi.
Napakamot sa ulo si Eric bago siya sumagot, “Nariyan lang naman ako kina Pareng Hector…” nangingiwing aniya. Siya pa ang may karapatang mapangiwi at marindi sa pagbubunganga ng kaniyang misis.
“Ano na naman ang ginagawa mo? Nag-online games?!” panghuhula pa ni Fe sa kaniyang maghapon at magdamag na inatupag doon kina Hector… sa totoo lang ay tama ito kaya naman hindi na nakasagot pa si Eric.
“Ang kapal ng mukha mo, Eric! Wala ka na ngang naitutulong sa akin sa gastusin dito sa bahay, puro ganiyan pa ang inaatupag mo! Puro ka barkada! Puro ka na lang barkada, kahit pamilyadong tao ka na!” hiyaw pa ni Fe na tumatahip sa galit ang dibdib dahil sa pagpipigil na mas lumakas ang kaniyang boses sa takot na magising niya ang kaniyang mahal na anak.
Tatlong buwan pa lang ang nakalipas simula nang makapanganak si Fe ngunit agad na siyang bumalik sa trabaho sa takot na magutom silang mag-ina. Paano’y batugan ang kinakasama niyang si Eric at puro na lang barkada ang iniintindi!
Halos araw-araw na lamang nilang pinag-aawayan ang bagay na tungkol doon ngunit talagang hindi nadadala ang lalaki. Tila hindi ito natatakot na mawala silang mag-ina sa kaniyang piling.
“Sinasabi ko sa ’yo, Felicia, turuan mo ng leksyon ang nobyo mo. Iwanan mo! Hindi magbabago ’yan hangga’t patuloy kang nagtitiis. Hayaan mo siyang matakot na mawala kayo ng anak niya. Kapag hindi nangyari ’yon, ikaw ang matakot dahil talagang walang pakialam ’yan sa inyong mag-ina,” minsan ay payo sa kaniya ng kaniyang bestfriend na si Letty.
“Tama ka. Sa tingin ko, hindi na talaga magbabago ’yon. Gusto ko nang sanayin ang baby namin ngayon pa lang na wala siya sa tabi namin. Hindi rin naman siya kawalan dahil ako lang naman ang bumubuhay sa anak ko, kahit wala siya,” sagot naman ni Fe na tila natauhan na sa tagal ng kaniyang pagtitiis kay Eric.
Nang gabing iyon, katulad ng kaniyang inaasahan ay hindi na naman umuwi si Eric. Dahil doon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na iempake lahat ng mga gamit nila ng kaniyang anak at makaalis sa kanilang tahanan. Lumayas siya at doon muna niya balak tumuloy sa kaibigang si Letty dahil alam niyang hahanapin siya ni Eric sa mga magulang niya.
Walang kamalay-malay si Eric na habang nakikipag-inuman siya nang gabing iyon sa kaniyang mga kabarkadang mas madalas pa niyang kasama kaysa sa kaniyang mag-ina ay wala na palang tao sa kanilang bahay… at ang tagpong iyon ang naabutan niya.
“Fe? Mahal? Felicia?” Paulit-ulit niyang tinawag ang asawa ngunit hindi ito sumasagot. Huli na nang mapagtanto ni Eric na wala na rin ang mga gamit nito at ng kanyiang anak! Iniwan siya ng kaniyang mag-ina nang hindi niya namamalayan dahil abalang-abala siya sa pakikipag-inuman sa kaniyang mga kabarkada!
Kung saan-saan hinanap ni Eric si Fe ngunit talagang hindi niya makita ang dalawa. Maging ang mga magulang nito ay hindi alam kung nasaan sila. Labis na nagsisisi si Eric sa kanyang mga nagawa ngunit huli na ang lahat para doon. Nang muli silang magkita ni Fe, wala na itong nararamdaman sa kaniya.
Kahit anong pilit ni Eric ay talagang ayaw na sa kaniya ng dating kinakasama. Sawa na ito sa buhay na puro barkada ang iniisip ni Eric. Kundi lang dahil may anak sila ay baka hindi na talaga siya kausapin nito. Mabuti nga at binigyan pa siya nito ng karapatang makita ang kaniyang anak.
Binago ni Eric ang sarili at ipinakita niya kay Fe na karapat-dapat siyang bigyan nito ng isa pa muling tyansa. Naghanap siya ng trabaho. Nagpakitang gilas siya. Nagsipag siya at ginawa niya ang lahat upang muling bumalik sa kaniya ang kaniyang mag-ina. Sa totoo lang ay takot na takot si Eric na baka hindi na talaga siya tanggapin ni Fe, ngunit handa siyang tanggapin ang anumang desisyon nito dahil iyon ay kasalanan niya.
Mabuti na lang, hindi rin kaya ni Fe na tuluyang wasakin ang kanilang pamilya. Mahal niya si Eric ngunit kinailangan niyang turuan ito ng leksyon. Sigurado siyang ngayon ay magtatanda na ito.