
Mulat na Raw ang Binatang Ito sa Kaniyang Kapalaran; Ang Kapatid Pa Pala Niya na May Diperensiya sa Pag-iisip ang Babago Nito
“Kailangan bang pati ‘yung kapatid mo’y ligawan ko rin para lang huwag tayong maghiwalay?” sigaw ni Andrea sa katrabahong si Kevin na may matagal at malalim nang pagtingin sa kaniya.
“Hindi nga kita gusto, Andrea! Pwede bang tigilan mo na ang pag asta na may relasyon tayo dahil ikaw lang naman ang may gusto sa akin!” balik na sigaw naman ni Kevin sa babae.
“Hindi pwedeng wala lang lahat ng mga sinabi mo sa akin kagabi! Hindi mo pwedeng sabihin sa akin na lasing ka lang dahil naramdaman ko na totoo ang lahat ng iyon! Handa naman akong tanggapin ang lahat sa’yo, pati ang pamilya at kapatid mo!” naiiyak na baling na ni Andrea sa lalaki.
“Pwede ba, Andrea, lasing lang ako at parang-awa mo na, huwag mo naman ibaba ng ganito ang sarili mo sa akin! Wala tayong relasyon at kung ano man ang mayroon tayo na sa tingin mong higit pa sa pagkakaibigan ay wala iyon! Utang na loob, tigilan mo na ako! Ang dami pang lalaki riyan na mas higit sa akin kaya parang awa mo na, huwag mo nang ipilit pa!” madiing sinabi iyon ng lalaki saka umalis.
Wala namang nagawa si Andrea kung ‘di ang umiyak at ang maiwan sa likuran ng restawran na pinagtratrabahuhan nila. Halos tatlong taon na rin na magkatrabaho ang dalawa at aminado ang babae na siya ang nagpumilit sa pag-ibig niya sa lalaki ngunit alam niyang may pagtingin din si Kevin sa kaniya kaya lamang ay pinipigilan niya ito dahil sa katayuan niya sa buhay.
“Bakit, bakit ka umiiyak, bakit umiiyak si Kevin?” tanong ng ni Karl, ang nakakatandang kapatid ng lalaki na may sakit sa pag-iisip. Nasa trenta’y singko anyos na ito ngunit ang pag-iisip ng lalaki ay nasa trese anyos pa lamang.
“Wala kuya, wala ito,” mabilis na sagot ni Kevin at pinunasan ang kaniyang mga luha.
“Kumusta si mama? Napakain mo na ba siya? Ano’ng inulam niyo kanina?” sunod-sunod na tanong ni Kevin dito.
“Okay lang kami, okay lang, pinakain ko si mama sa biling ulam, biling ulam ako biling ulam kay Aleng Tess, hindi masarap pero mu-mura naman, kaya doon na ako bili ulam,” sagot ni Karl sa kaniya.
Patuloy lamang sa pagkukwento si Karl sa kaniya sa mga nangyari sa buong araw nito at tahimik lamang na nakikinig si Kevin dito. Bukod sa kapatid niya na kailangan niyang alagaan ay dumagdag pa sa kaniyang pasanin ang kaniyang ina na nai-stroke. Maagang nawala ang kanilang ama, paano’y naaksidente ito sa construction sita na noo’y pinagtatrabahuhan at ilang taon lang ang lumipas ay sumunod naman na nai-stroke ang kaniyang ina kaya sa murang edad ay namulat na siya sa maraming responsibilidad. Ngayon ay isang tagalinis si Karl sa malapit na apartment sa kanila na kahit papaano ay pangdadag sa mga gastusin ngunit aminado ang binata na kulang na kulang ito kahit nga dalawa na rin ang kaniyang trabaho.
Hindi mapigilan ni Kevin ang kaniyang mga luha kaya naman napayakap na lamang siya kay Karl habang patuloy ito sa pagku-kwento.
“Pwede mo sa-sabihin sa akin, pwede mo sabihin kay Karl ano problema, ako ang ku-kuya, ikaw ang bunso, dapat magsabi sa kuya anong problema,” sabi pang muli ni Karl sa kaniya at dahan-dahan na tinapik ang kaniyang balikat. Mas lalo naman naiyak pa si Kevin nang marinig iyon sa kaniyang kapatid.
“Pakiramdam ko, kuya, wala akong karapatan na maging masaya,” mahinang pahayag ni Kevin sa kaniyang kapatid. Wala naman siyang natanggap na sagot mula rito at patuloy lamang si Karl sa pagtapik ng kaniyang balikat.
“Hindi ako pwedeng manligaw ng babae kasi hindi ko alam kung kaya ko pang magdagdag ng pasanin sa buhay ko. Pagod na ako, kuya, pero mahal ko kayo… Pero mahal ko rin siya,” sabi pang muli ng binata at mas lalo pang umagos ang mga luha nito.
“Kung pagod ka na, ma-matulog ka na, huwag ka na ma-magpuyat, huwag ka na magpuyat at uminom, ma-masama kasi ‘yun, Kevin! Ma-matulog ka na kaagad pag-pagdating mo rito sa bahay, tulog ka na agad para ‘di ka mapagod!” sermon pa ni Karl sa kaniya at natawa na lamang si Kevin dahil alam niyang hindi naiintindihan ng kaniyang kapatid ang kaniyang mga hinaing.
“Pero, tanda mo, sa-sabi ni mama nung bata ka pa, nung baby ka pa, na kapag mahal daw tayo ay tatanggapin tayo. Ti-tignan mo ako tanggap ako, ni ma-mama, tanggap mo ako, ako, kasi mahal mo ako, kaya kung may magmamahal sa’yo dapat tanggap ka-ka rin,” biglang sabi ni Karl sa kaniya na ikinagulat ni Kevin.
“Huwag ikaw ma-matakot, Kevin, hi-hindi ka duwag! Pwede ka mag-asawa, ako ang kuya, ako ang bahala, ako ang kuya, ikaw ang bunso,” dagdag pa nito at niyakap siya ng kapatid sa unang pagkakataon.
Sa mga sandaling iyon ay bigla niyang naramdaman na siya nga ang bunso sa kanilang dalawa at kahit papaano ay naiintindihan siya ng kaniyang kapatid. Gustong-gusto ni Kevin si Andrea ngunit pinipigilan niya ito dahil pakiramdam niya ay nakakulong na siya sa pag-aalaga sa kaniyang kapatid habang buhay. Pakiramdam niya ay bata pa lamang siya’y nakaguhit na ang kaniyang tadhana na maging tagapangalaga lamang ng kaniyang kuya ngunit bigla siyang nagkaroon ng pag-asa.
Kaya naman kinaumagahan ay pinuntahan niya si Andrea at ipinaliwanag ang lahat ng kinakatakot niya para sa babae.
“Hindi ikaw ang magdedesisyon no’n para sa akin, ako, Kevin, ako ang magsasabi kung nahihirapan na ako, ako ang magsasabi kung susuko na ako. Ako ang mamimili ng hirap na papasukin ko, ang tanging hiling ko lang sa’yo ay subukan mo. Subukan mong magmahal, hindi mo naman sila aabandunahin kung mamahalin mo ako, hindi kita papipiliin dahil umpisa pa lang ay tanggap kita at ang lahat tungkol sa’yo,” wika ni Andrea sa kaniya.
Parang sasabog sa kasiyahan ang puso ni Kevin sa mga sandaling iyon dahil hindi niya akalain na may babaeng tatanggap pa sa kaniya sa kabila ng kaniyang pamilya at mga pasanin sa buhay kaya naman imbes na magsalita ay hinalikan niya ang babae sa unang pagkakataon.
Simula noon ay opisyal na naging magkasintahan ang dalawa at mas lalo pang nakita ni Kevin na posible pala ang lahat. Hindi lang isang kasintahan ang nadagdag sa buhay ni Kevin, dahil ngayon ay may katuwang na siya sa pagpasan ng mga responsibilidad niya sa buhay. Napakaswerte niya kay Andrea dahil kahit hindi niya hiningi ay ibinibigay nito ang lahat ng suporta at pagmamahal na kay tagal na niyang inaasam.
Ngayon ay magsisilbing dagdag inspirasyon si Andrea upang magpatuloy at lalo siyang magsikap sa buhay. Sigurado siyang sa tulong ng pinakamamahal niyang babae at ng kaniyang kuya ay magtatagumpay siya sa buhay.