Inday TrendingInday Trending
Nahulog ang Binatang Ito sa Kaibigang May Pusong Lalaki; Makuha Niya Kaya Ito sa Tsokolate’t Rosas?

Nahulog ang Binatang Ito sa Kaibigang May Pusong Lalaki; Makuha Niya Kaya Ito sa Tsokolate’t Rosas?

Sabik si Bok na makita ang kaniyang bespren na si Irish. Matagal nang magkaibigan ang dalawa simula pa noong nasa elementarya pa lamang sila. Puro kalokohan lamang ang dalawa subalit noong sila ay tumungtong na ng hayskul, bigla na lamang sumama ang ihip ng hangin at nahulog ang kaniyang loob sa dalaga. Ngunit ang problema ay mas lalaki pa ito kung kumilos at magsalita kaysa sa kaniya!

Marami namang mga babae ang umaaligid sa kaniya ngunit iba talaga ang nararamdaman niya para kay Irish. Walang sawa niya itong pinadadalhan ng mga regalo, bulaklak, at mga pagkain nang palihim. Para sa kaniya, sapat na muna iyon at dadating din ang araw na hinihintay niyang makakaamin din siya sa kaibigan.

Agad na nagpapogi at may pag-pose pa sa harap ng salamin itong si Bok habang naliligo sa lotion at pabango. Kasabay nito ang kaniyang pinapakinggang tugtugin na halos rinig ng buong barangay sa lakas. Ganito na lamang siya kasabik na muling makita si Irish matapos ang halos walong buwan na hindi sila nagkita. Inabutan kasi ng lockdown si Irish sa Batangas sa kaniyang ina kaya naman ngayong lang sila ulit magkikita.

Nang matapos, agad siyang humarurot papunta sa lugar kung saan sila magkikita. Sa daan, nakita niya ang mga batang walang saplot at nanlilimos. Pinilit niyang magbulag-bulagan at huwag pansinin ang mga iyon. Subalit dahil sa malubhang trapiko, hindi nakatiis si Bok at mabilis na bumaba sa kaniyang kotse matapos itong igarahe sa may isang tindahan. Ito na yata ang isa sa mga kahinaan ni Bok. Ang tumulong sa mga nangangailangan. Kengkoy man siya kung tawagin, mabuti naman ang kaniyang puso. Lalo na sa mga bata na palaboy lamang sa kalsada. Sobra kasi siyang maawain at hindi niya kayang walang gawin kung kaya naman niyang magbigay kahit na papaano.

Tulad ng dati, tinanong pa niya ang mga bata habang kumakain ang mga iyon. Binilhan niya ang mga ito ng damit, tsinelas pati na pagkain. Hindi kasi siya namimigay ng pera sa mga bata kaya siya mismo ang bumibili ng mga kailangan nila. Sa isang tindahan kung saan kumakain ang mga bata, saglit na nakipagkwentuhan si Bok sa mga iyon. Tinuruan niya din paano magbilang ang mga puslit. Naghiwalay ang mga bata pati na si Bok na may ngiti sa kanilang mga puso at labi. Hindi na namalayan ni Bok ang kaniyang lakad hanggang sa makita na lamang niya, palubog na ang araw. Agad niyang sinilip ang oras at sobrang late na siya sa kanilang usapan ni Irish! Mabilis siyang humarurot papunta sa lugar kung saan sila nakatakdang magkita.

Nang makarating sa kainan, nakita ni Bok na wala roon si Irish. Tinawagan niya ito at doon niya nakumpirma na hindi pala nakapunta ang bespren dahil masama raw ang pakiramdam nito. Malungkot ngunit pasalamat na rin siya dahil kung natuloy ang kaibigan, tiyak na magagalit iyon dahil nahuli siya ng dating!

“Sa susunod na lang, kapag magaling na siya…” aniya sa kaniyang isip.

Masaya na rin siya dahil kahit papaano, hindi naman nasayang ang kaniyang pagod. Nakatulong siya sa mga bata na nangangailangan at kahit papaano, nakapag-ehersisyo pa siya sa nilakad niya kanina. Habang iniisip ang mga nangyari, hindi napigilan ng binata ang mapangiti at matawa dahil naging maayos pa rin ang kaniyang araw.

Ilang araw ang lumipas, hindi naman talaga sila sanay na nag-uusap ni Irish subalit nagtataka siya dahil hindi na ito nagbubukas ng kaniyang mga mensahe at walang sagot. Patuloy pa rin niya itong pinapadalhan ng mga bulaklak at pagkain subalit wala itong paramdam sa kaniya gaya ng dati. Dito niya naisip na surpresahin na lamang ang dalaga sa mismong bahay nito.

Kinabukasan, agad na itinuloy ni Bok ang kaniyang balak na sorpresa. Nagbaon siya ng kanin at ulam kung sakali man na may makita siya ulit na mga bata sa kalye. Hindi na kasi pwedeng hindi niya makita ang kaibigan dahil bukod sa namimiss na niya ito, nag-aalala rin siya dahil hindi ito nagpaparamdam.

Nang marating ang bahay ng kaniyang kaibigan, agad siyang pinapasok ng kapatid nito. Makulit pa nga ang kaniyang bati at talagang punong-puno ito ng sigla. Hanggang makapasok siya sa loob, nakipagkwentuhan pa siya saglit dito. Maya-maya lamang, umakyat na rin ito at tinawag ulit si Irish. Habang si Bok ay naiwan na nakaupo sa sala na hindi mapigilan ang pagngiti.

Mga yapak sa hagdan ang kaniyang narinig na hudyat ng parating na si Irish. Kahit na kinakabahan, pinigilan niya ang sarili at kinumbinsi na ayusin ang sarili sa tapat ng kaniyang bespren. Subalit nang makita niya ito, naka-bestida, mahaba ang buhok at higit sa lahat, malaki ang tiyan! Walang mapaglagyan ang gulat na naramdaman ni Bok nang makita ang kaibigan.

Nang hapon na iyon, ikinuwento ni Irish ang lahat ng nangyari sa kaniya sa Batangas. Pinagsamantalahan daw siya doon at nagbunga iyon. Habang inilalahad ang istorya, napuno ng awa si Bok sa babaeng hindi lamang niya mahal kundi matalik na kaibigan din niya. Kung dati ay puro katapangan at kalokohan ang nakita niya rito, ngayon ay umiiyak at nanghihina ito. Niyakap niya nang mahigpit si Irish bilang pag-alo sa kaibigan. Nangako siya sa kaibigan na susuportahan siya at ang magiging anak nito. Handa siyang maging ama at asawa para lamang sa kaibigang matagal na niyang sinisinta.

Noong una ay ayaw tanggapin ni Irish ang alok niyang kasal sa pag-iisip na baka masira lang ang buhay niya. Ngunit nagulat ito sa ipinagtapat niya at nang lumaon ay pinili ring sumandal sa kaniya. Matagal na rin pala itong may pagtingin para sa lalaki ngunit pinilit na itanggi iyon sa pamamagitan ng pagkilos na parang lalaki.

Dahil sa nangyari, naitulak ang dalawa na magpakatotoo at sumandal sa isa’t isa. Hindi alam ni Bok ang dala ng bukas ngunit sigurado siyang gagawin niya ang lahat upang protektahan ang babaeng pinakamamahal, ganoon na rin ang walang muwang na sanggol sa sinapupunan nito.

Advertisement