Walang Ginawa ang Ginoo nang Lokohin Siya sa Pera ng Matalik na Kaibigan; Paglipas ng Panahon ay Maaantig ang Kaibigan sa Dahilan Nito

Halos hindi na mapaghiwalay ang magkaibigang sina Jepoy at Allen. Halos sabay na ipinanganak ang dalawa na kapwa matalik na magkaibigan din ang mga magulang.

Isang araw habang masayang naglalaro sa tabi ng sapa ang dalawa ay hindi nila maiwasan na pag-usapan ang kanilang buhay.

“Naiinggit ako sa kapitbahay nating si Uro. Nakita mo ba na binilhan siya ng nanay niya ng roller blades? Grabe, kung tayo ang mayro’n no’n tiyak akong gamit na gamit natin at kung saan-saan tayo pupunta!” sambit ni Jepoy sa kaibigan. 

“Oo nakita ko! Ang ganda pa ng kulay, ano? Kapag mayro’n tayong roller blades kahit saan tayo pumunta ay gamit natin ‘yun! Kaso hindi ‘yun pwede dito sa malapit sa sapa dahil mabato. Mahihirapan tayo!” natatawang saad naman ni Allen. 

“Sa tingin mo kaya giginhawa rin ang buhay natin? Minsan kasi nakakapagod nang hindi mo makuha ang mga gusto mo dahil wala raw pera. Sana isang araw ay bigla na lang tayong yumaman!” wika muli ng batang si Jepoy. 

“Kaya natin ‘yan, Jepoy! Basta pangako natin sa isa’t isa na sabay tayong yayaman! Magtutulungan tayo na makaangat sa buhay! Gagawin natin ang lahat para pareho tayong maging mayaman!” muling sambit ni Allen. 

“Sige, nangangako ako, Allen! Dapat ay may katunayan tayo sa pagkakasundo nating ito. Kaso wala naman tayong dalang papel at lapis. Heto na lang mga bato!” saad ni Jepoy sabay pulot ng bato sa tabi ng sapa.

“Tig-isa tayong maliit na bato. Kailangan ay huwag natin itong iwala dahil ito ang simbolo ng pagkakaibigan natin at ng ating pangako sa isa’t isa. Magpapaalala ito sa atin ng araw na ito!” dagdag pa ng bata. 

Advertisement

Pagkatapos ng usapan na iyon ay lalong mas naging malapit sa isa’t isa ang magkaibigan. Talagang parang magkapatid na ang turing nila sa isa’t isa.

Lumaon ang panahon at nagbinata na ang mga ito. Pareho ang kanilang pinasukang paaralan sa hayskul at nang magkolehiyo ay pareho silang lumuwas ng Maynila upang doon mag-aral.

“Kailangan ay tapusin natin ang pag-aaral natin. Kasi mas magiging madali sa atin ang pagtupad ng mga pangarap natin,” saad ni Allen.

Kahit mahirap ay pinagsabay ng dalawa ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang waiter sa isang kilalang restawran upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Hanggang sa nagtapos ang dalawa sa kolehiyo.

“Talagang sa ating dalawa ay ikaw ang mas may utak, Allen! Pasuot nga niyang medalya mo nang sa gayon ay parang may parangal din ako,” natatawang sambit ni Jepoy sa kaibigan.

“Ano ka ba, Jepoy! Para sa atin itong medalyang ito dahil hindi ko naman magagawa ang lahat ng ito kung hindi dahil sa tulong mo. Saka wala namang halaga ang medalyang ito dahil pagdating ng araw ay mas aasenso ang mas maabilidad. At ikaw ‘yun!” tugon naman ni Allen.

Hindi naglaon ay nagkatrabaho ang dalawa. Sa unang pagkakataon ay naghiwalay ng landas ang magkaibigan. Lumipad patungong ibang bansa si Allen habang maganda naman ang katungkulan ni Jepoy sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

Advertisement

“Hindi pwedeng habang buhay ay alipin tayo ng hanapbuhay natin, Allan. ‘Pag nakaipon tayo pareho ay magtayo tayo ng negosyo. Para umuwi na ka na dito at ako naman ay aalis na sa trabaho ko. Tapos ay dalawa tayong magiging boss ng sarili nating kompanya,” wika ni Jepoy sa kaibigan. 

“Tama ka diyan! Sikapin natin na makaalis sa pagiging empleyado,” sambit naman ni Allen.

Kaya pinagsikapan ng dalawa ang makaipon. Lumipas ang panahon at nakapag-asawa na ang dalawa at nagkapamilya. Panahon na rin para isakatuparan nila ang naisip nilang negosyo.

“Tayo palang ang unang mag-aangkat ng ganitong produkto mula sa ibang bansa. Malaki ang tyansa na umunlad ito, pare!” wika ni Allen.

At hindi nga sila nagkamali. Naging mabilis ang pag-angat ng kanilang negosyo. Kasabay nito ang pag-unlad din ng kanilang buhay.

Ngunit tulad nga ng sinasabi ng marami ay makikita talaga ang tibay ng samahan ng tao sa pamamagitan ng salapi.

Habang umuunlad kasi ang negosyo ng magkaibigan ay hindi alam ni Allen na patong-patong na pala ang problemang kinakaharap ni Jepoy sa kaniyang pamilya lalo na sa aspetong pinansyal. Bumili kasi agad ng malaking bahay at mga sasakyan itong si Jepoy. Tapos ay sinubukan ding magbukas ng sarili niyang negosyo at nalugi.

Upang makabawi ay palihim niyang kinukuhanan ng pera ang kompanya nila ng kaibigang si Allen. Marami na ang nagsasabi kay Allen ng kanilang hinala na ginagalaw ni Jepoy ang pondo ng kompanya ngunit nagkibit-balikat lamang ang ginoo. 

Advertisement

“Kailan ka aaksyon, Allen? Kitang-kita naman na si Jepoy lang ang gagawa ng ganito sa iyo dahil siya lang naman ang bukod tanging may access sa pera ng kompanya bukod sa’yo,” sambit ng asawa ng ginoo nang malamang may mga nawawalang pondo sa negosyo. 

Ngunit imbis na komprontahin ang kaibigan ay tila hinayaan na lang ni Allan ang nangyayari.

Lumipas ang taon at malapit nang bumagsak ang negosyo na sinimulan ng magkaibigan. Kahit na sinisisi ng lahat si Jepoy sa napipintong pagkalugi ng kompanya ay wala silang narinig na ano man kay Allen. Pareho pa rin ang pakikitungo nito kay Jepoy dahilan upang maging tampulan ng tukso ang ginoo.

“Mabilis talagang maloloko ang taong nagbubulag-bulagan. Niloloko ka na ng kaibigan mo nang harapan ay wala ka pa ring ginagawa! Hahayaan mo na lang bang malugi ang kompanya, Allen? Kasuhan mo na si Jepoy!” sambit pa ng misis ng ginoo. 

“May tiwala ako sa kaibigan ko. Mula pa noon ay magkasama na kami. Alam kong hindi niya ako kayang traydorin,” saad naman ng ginoo. 

Nagtataka na rin si Jepoy dahil wala man lamang aksyon na nangyayari mula sa panig ni Allen. Batid naman kasi ni Jepoy na alam ni Allen ang ginagawa niyang panloloko.

Dahil patuloy pa rin sa pagtitiwala si Allen kay Jepoy ay lubos na nakonsensya ang ginoo. 

Isang araw ay bigla na lamang bumalik ang lahat ng pondo na nawala sa kompanya. Masinsinang kinausap ni Jepoy si Allen.

Advertisement

“Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko, Allen. Nagipit lang ako. Naging sugapa ako sa pera. Alam kong mali ang ginawa ko kaya nais kong itama ang lahat ng ito,” paghingi ni Jepoy ng paumanhin sa kaibigan.

“Binenta ko na ang lahat ng aking ari-arian para maibalik lang ang pondo ng kompanya. Patawarin mo ako at sana’y bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon,” pagsusumamo ng ginoo.

“Alam ko namang hindi mo ako lolokohin nang tuluyan, Jepoy. Kilala kita, hindi mo kayang traydorin ang kaibigan mo,” sambit naman ni Allen. 

“Bakit kahit alam mong niloko na kita ay nagtitiwala ka pa rin sa akin?” sambit muli ni Jepoy.

Inilabas ni Allen mula sa kaniyang bulsa ang isang bato at inilagay ito sa ibabaw ng mesa.

“Kahit kailan ay hindi nawaglit sa akin ang batong ito. Lagi itong nasa bulsa ko upang ipaalala sa akin ang araw na nagsumpaan tayong magkaibigan sa tabi ng sapa. Hindi ba, sabay tayong uunlad at palagi nating ituturing ang isa’t isa na magkapatid? Alam kong nagkamali ka, Jepoy, pero naniniwala akong isang araw na mas mananaig ang pagkakaibigan natin higit sa pera. At hindi nga ako nagkamali,” pahayag ni Allen sa kaibigan. 

Tuluyan nang bumagsak ang luha ni Jepoy dahil sa tinuran ng kaniyang matalik na kaibigan. Hindi siya makapaniwala na magpahanggang ngayon ay itinatago pa rin nito ang bato na tanda ng kanilang sumpaan noong bata pa lamang sila. 

Sa mga sandaling iyon ay mas napatunayan ng dalawa na walang hihigit sa tunay na pagkakaibigan.

Advertisement

Itinama ni Jepoy ang kaniyang pagkakamali at ginawa niya ang lahat upang patunayan sa kaibigan na karapat-dapat siya sa tiwalang binibigay nito.