Inday TrendingInday Trending
Sinurpresa ng Ginang ang Mister na Palaging Abala sa Trabaho; Bandang Huli’y Siya pa ang Labis na Nasurpresa

Sinurpresa ng Ginang ang Mister na Palaging Abala sa Trabaho; Bandang Huli’y Siya pa ang Labis na Nasurpresa

“Saan ka na naman pupunta, Alex? Kakabalik mo lang dito sa bahay ay aalis ka na naman?” pagtataka ni Tricia nang makita ang kaniyang asawa na nag-eempake.

“May kailangan lang akong gawin sa Maynila, mahal. Pangako ko sa’yo babalik din ako kaagad. Importante lang talaga ito,” tugon naman ng nagmamadaling asawa.

“Kailan ka ba mapipirmi dito sa bahay, Alex? Parang ginagawa mo na lang motel itong bahay. Umuuwi ka na lang dito para kumuha ng gamit. Hindi na kita nakakasama nang matagal. Baka naman pwedeng isama mo na lang ako sa Maynila nang sa gayon ay mas makasama kita. Doon lang ako sa tinutuluyan mo. Para rin pag-uwi mo ay may umaasikaso sa iyo,” wika pa ng ginang.

“Sige, pag-usapan na lang natin ‘yan sa susunod na araw. Ngunit ngayon ay kailangan ko na talagang umalis. Parang may problema raw kasi sa site at kailangan ako ng amo ko na naroon. Pasensiya ka na talaga, Tricia. Tatawagan na lang kita kapag nakababa na ako ng eroplano,” saad pa ni Alex.

Ayaw man ni Tricia na payagan na umalis ang asawa dahil sa kaniyang pananabik sa matagal na pagkakawalay ay wala nang magawa pa ang ginang dahil tawag ito ng trabaho. Isa kasing inhinyero ang kaniyang asawa at ito ang namumuno sa pagtatayo ng isang malaking gusali sa Maynila. Nauunawaan naman ni Tricia na malaking responsibilidad ito para sa kaniyang asawa.

Hindi lang maiwasan ni Tricia na mangulila sa tuwing umaalis si Alex patungong Maynila.

“Hanga nga ako sa’yo dahil lagi mong inuunawa ‘yang trabaho ni Alex. Pero bantayan mo pa rin ang asawa mo Tricia. Hindi mo alam kung ano ang ginagawa ng mga lalaki kapag nalalayo sa asawa,” saad ng kaibigan nitong si Letty.

“Malaki naman ang tiwala ko kay Alex. Alam kong hindi niya kayang gawin ang bagay na ‘yun sa akin. Ang labis ko lang pinagtataka ay hanggang ngayon, hindi pa siya tumatawag sa akin. Sa isang araw pa naman ay anibersaryo na namin,” saad pa ng ginang.

“Baka naman may hinahanda lang ding surpresa sa’yo. Basta, Tricia, ang payo ko lang sa’yo ay kung may hindi ka magandang nararamdaman tungkol sa asawa mo ay huwag mong balewalain. Malakas ang kutob ng mga babae. Pero kung wala naman ay pagkatiwalaan mo na lang siya,” muling wika ni Letty.

“Ano kaya kung surpresahin mo na lang siya sa trabaho? Ikaw naman ang lumuwas patungong Maynila. Maghanda ka ng isang magandang surpresa sa kaniya. Kumuha ka ng isang hotel upang doon ay ma-enjoy n’yo ang isa’t isa. Alam mo naman kung saan siya nagtatrabaho, ‘di ba?” dagdag pa ng kaibigan.

Dahil sa sinabing ito ni Letty ay nabuhayan ng loob itong si Tricia. Agad niyang sinunod ang payo ng kaniyang kaibigan. Umupa siya ng isang malaki at magandang hotel. Lahat ng paboritong pagkain ng kaniyang asawa ay inihanda na rin niya. Hindi na siya makapaghintay na surpresahin ang kaniyang asawa habang hawak niya ang biniling ticket sa eroplano.

Dumating ang araw ng pagpunta ni Tricia sa Maynila. Magkahalong kaba at pananabik ang kaniyang naramdaman pagtungtong pa lang niya ng paliparan. Hindi na siya makapaghintay pang makita ang tuwa ni Alex kapag nakita siya nito.

Nagtungo siya sa hotel upang ibaba ang kaniyang mga gamit at upang makapag-ayos din. Saka siya sumakay ng taxi upang magtungo sa pinagtatrabahuhan ng asawa.

Hinanap niya ito sa site ng ginagawang gusali ngunit wala ito kaya dumeretso ang ginang sa opisina ng inhinyerong asawa. Unang pagkakataon pa lang niyang makapunta dito.

“Gusto ko lang sana makita si Engr. Alex Mendoza, nariyan ba siya ngayon?” tanong ni Tricia sa receptionist.

“May appointment po ba kayo kay Engr. Mendoza ngayon? Wala po kasi siya dito,” saad naman ng babae.

“Alam mo ba kung nasaan siya? Kailangan ko lang talaga siyang makita. Kanina ko pa kasi siya hinahanap. Kanina ko pa siya tinatawagan pero nakasarado ata ang selpon niya,” saad pa ng ginang.

“Alam ko po kasi naka-leave si Engr. Mendoza kasi po nanganak ang asawa niya. Noong isang araw pa po. Iwan niyo na lang po dito ang pangalan niyo at sasabihin ko sa kaniya na nagpunta kayo dito,” pahayag ng dalaga.

Labis na nagulat si Tricia sa kaniyang narinig. Kaya kinumpirma niya sa receptionist kung iisang Engr. Alex Mendoza nga ba ang kanilang tinutukoy at sinang-ayunan naman ito ng dalaga nang ipakita nito ang larawan.

Nanlalambot ang tuhod ni Tricia sa kaniyang nalaman. Hindi siya makapaniwala na kaya itong gawin ng kaniyang asawa. Kaya pala nagmamadali itong umalis ay dahil nanganganak ang kalaguyo nito.

Lumuluhang bumalik ng probinsya si Tricia. Agad niyang ikinuwento sa kaibigan ang nangyari.

“Ano na ngayon ang plano mo niyan? Alam na ba ni Alex na alam mo nang may iba siya?” tanong ni Letty.

Umiling lamang si Tricia.

“Bukas daw uuwi siya dito. Hindi ko na alam kung paano siya pakikitunguhan, Letty. Matagal na pala niya akong pinagmumukhang tanga!” pagtangis ng ginang.

“Kakasuhan ko sila ng kabit niya! Hindi ko papatawarin ang ginawa nilang ito sa akin! Hindi pwedeng maging masaya sila habang ako ay nagdurusa. Pinaglaban ko si Alex sa mga magulang ko. Kahit na magalit sila sa akin ay tinalikuran ko sila. Tapos ay ito lang ang gagawin niya sa akin?! Napakasakit, Letty!” patuloy sa pag-iyak itong si Tricia.

Nang makabalik si Alex kinabukasan ay agad niya itong kinumpronta.

“Akala mo ba ay matatago mo sa akin ito habang buhay, Alex? Manloloko ka! Ano ang ginawa ko sa’yo para ipagpalit mo ako?! Kakasuhan ko talaga kayo ng kabit mo! Ang malala pa ay nag-anak pa kayo! Walang hiya ka!” halos malatid ng litid nitong si Tricia sa galit sa asawa.

Ngunit lalo siyang magigimbal sa aaminin ni Alex sa kaniya.

“Hindi mo pwedeng kasuhan si Princess, Tricia, dahil siya ang tunay kong asawa. Maniwala ka sa akin. Ikaw ang gusto kong makasama at ikaw ang mahal ko. Gusto ko na sanang itama ang lahat. Nakipagkita ako sa kaniya upang mapawalang bisa ang kasal namin pero nalasing ako ng gabing iyon at may nangyari raw sa amin. Hindi ko naman matandaan pero nagbunga ang lahat. Patawarin mo ako, Tricia! Hindi ko alam kung paano ko maaayos pa ang lahat ng ito,” pag-amin pa ni Alex.

Nanghina talaga si Tricia sa lahat ng rebelasyon ni Alex. Ang buong akala niyang kasal nila ay isang malaking kasinungalingan lang pala.

“Bumalik ka na lang sa kaniya. Wala naman palang bisa ang kasal natin. Hindi naman pala talaga kita pagmamay-ari. Hindi ko na hahayaan na pagmukhain mo pa akong tanga, Alex! Umalis ka na dito dahil kinasusuklaman kita!” sambit pa ni Tricia.

Tunay na mahal ni Alex si Tricia ngunit kailangan niyang ayusin ang gusot na kaniyang ginawa. Mahirap na rin kasing maibalik ang tiwala kapag ito’y nalamatan na.

Dahil malaki ang hinala ni Alex na hindi sa kaniya ang bata na isinilang ng dating asawa ay ipina-DNA test niya ito. Dito ay lumabas na tama ang kaniyang kutob. Wala siyang pananagutan dito at ginawa lamang ito ng babae upang makapagbalikan sila!

Nagbigay ito ng mas malaking dahilan upang mapabilis ang pagpapawalang bisa ng kasal ni Alex sa una niyang asawa. Laking tuwa niya dahil ngayon ay malaya na siya at maaari na niyang pakasalan nang totoo si Tricia.

Samantala, masama pa rin ang loob ni Tricia sa ginawa sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Alex. Hindi niya alam kung paano niya pa ito patatawarin. Ngunit sa puso niya ay patuloy pa rin niya itong minamahal.

Hanggang isang araw ay muling nagbalik si Alex upang yayain ng kasal si Tricia.

“Alam kong marami akong kasalanan sa’yo at alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko. Pero hayaan mo akong patunayan na ikaw talaga ang mahal ko, Tricia. Patawarin mo ako. Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon. Pinapangako ko sa’yo na hindi ka na mabibigo pang muli,” wika ng ginoo.

At saka niya ipinakita ang lahat ng dokumento na nagpapatunay sa kaniyang mga sinasabi.

Hindi naging madali para kay Tricia na patawarin si Alex ngunit pinatunayan ng ginoo na wagas ang kaniyang pag-ibig.

Hindi nagtagal ay muling nabuo ang tiwala na winasak ng panahon. Dito ay tuluyan nang pinakasalan ni Alex si Tricia at sa pagkakataong ito ay tunay na ang kanilang kasal.

Pilit na binaon ng mag-asawa sa limot ang mapait na nakaraan. Natutunan ni Tricia na patawarin ang kaniyang asawa at bilang ganti naman ay pinatuyan ni Alex na karapat-dapat siya sa pagkakataong ibinigay sa kaniya.

Masayang ipinagpatuloy ng dalawa ang kanilang pagsasama hanggang sa tuluyan na rin silang biniyayaan ng mga anak.

Advertisement