Inday TrendingInday Trending
Nagmakaawa ang Lola sa Ginang na Ilabas na ang Anak na Nagtatago sa Batas; Kalaunan ay Mapagtatanto rin ng Ginang ang Tamang Gawin

Nagmakaawa ang Lola sa Ginang na Ilabas na ang Anak na Nagtatago sa Batas; Kalaunan ay Mapagtatanto rin ng Ginang ang Tamang Gawin

“Anak, parang awa mo na. Lumayo ka na sa mga barkada mo dahil tingnan mo ang nangyayari sa’yo. Napaaway ka na naman. Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na walang magandang idudulot ang pagsama mo diyan sa mga kaibigan mo? Baka mamaya ay hindi lang ganito ang mangyari sa’yo. Mabuti na lang at napakiusapan ko ang magulang ng naagrabyado n’yo. Paano kung hindi? E, ‘di pati ikaw ay makukulong!” sita ng inang si Elena sa kaniyang anak na si Ed.

“Dapat nga ay hindi talaga kayo nakipag-areglo, ‘nay, dahil sila naman talaga ang nangunguna! Kung hindi naman siya nagsimula ng gulo ay hindi naman kami gaganti. Mabuti na rin ang nangyaring iyan sa kanila! Ang yayabang kasi!” tugon naman ng binata.

“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay malulusutan natin ang mga gusot mo, anak. Kaya habang maaga pa ay ituwid mo na ang buhay mo. Hindi pa naman huli ang lahat para magbago ka. Layuan mo na ang mga kaibigan mo,” pakiusap pa ng ina.

Ngunit kahit ano yatang gawin at sabihin ni Elena ay hindi niya mapapasunod ang anak. Kahit na marami na ang nangyaring hindi maganda kay Ed dahil sa kaniyang mga kaibigan ay pilit pa rin itong nakikibarkada. Minsan ay sinisisi na nga ni Elena ang kaniyang sarili dahil pakiramdam niya ay malaki ang pagkukulang niya sa binata.

“Kung hindi ko siguro hiniwalayan ang tatay ni Ed ay hindi sana siya nagkakaganyan. May tatay na gagabay sana sa kaniya,” saad ni Elena sa kaniyang kapatid na si Salve.

“Kung hindi mo hiniwalayan ang asawa mong lasenggo ay marahil ko’y dalawa pa ang sakit ng ulo mo. Ikaw naman din kasi, Elena, wala kang ginawa kung hindi gawan ng lusot ang bawat gusot ng anak mo. Namimihasa tuloy. Sigurado kasi siya na hindi mo siya kayang pabayaan!” sambit naman ng nakakatandang kapatid.

“Ano ang gagawin ko, ate? Hindi ko naman pwedeng pabayaan na lang ang anak ko. Kahit na madalas ay sakit ko siya ng ulo’y anak ko pa rin siya. Ako na lang ang tangi niyang masasandalan,” paliwanag naman ng ginang.

“Kaso nga lalong tumitigas ang ulo niyang anak mo. Baka mamaya ay hindi lang ganiyang problema ang dalhin niyan sa’yo. Pabayaan mo kasi ‘yang anak mo kahit minsan para magtanda!” muling sambit pa ni Salve.

Batid ni Elena na totoo ang sinasabi ng kaniyang Ate Salve. Ngunit hindi kaya ng konsensya niya ang basta na lang pabayaan ang anak. Nag-aalala rin siya dahil baka malagay sa alanganin ang buhay ng binata.

Sa kabilang banda naman ay malakas ang loob talaga ni Ed dahil alam niyang kahit ano ang kaniyang gawin ay tutulungan siya ng kaniyang ina.

Isang gabi, dahil nais ng barkada ni Ed na uminom at wala siyang pera ay nilooban nila ang kalapit na tindahan ng matandang si Aling Narcisa. Wala namang nakahalata sa ginawa nilang pagnanakaw. Hanggang sa inulit nila ito kinabukasan. Nang makarinig si Ed at kaniyang mga kaibigan na tila may gising at papalapit sa tindahan ay agad silang nagpulasan.

Nang sumunod na araw naman na tangkain nilang pasukin muli ang naturang tindahan ay tila namukhaan si Ed ng apo ni Aling Narcisa na si Obet.

Agad na sinumbong ng maglola sa baranggay ang pagnanakaw na naganap sa kanilang tindahan at saka itinuro si Ed.

“Anak, sino pa ba ang kasama mo? Inutusan ka ba ng mga barkada mo?” nag-aalalang sambit ni Elena sa anak.

“Ako lang mag-isa ang gumawa no’n. Bayaran mo na lang ‘yung mga nakuha kong alak ‘nay para matapos na ang lahat ng ito at makauwi na tayo!” pabalang naman na sagot ni Ed.

“Anak, hindi lang basta gano’n ang ginawa mo. Nagnakaw ka! Maaari ka nilang kasuhan dahil pumasok ka sa isang lugar na hindi mo pag-aari!” paliwanag pa ng ginang.

“Aregluhin mo na, ‘nay! Magkano lang naman ang nakuha kong alak!” dagdag pa ng binata.

Kahit na labis na ang inis at galit ni Elena sa kaniyang anak ay hindi talaga niya ito matiis. Agad siyang nakipag-usap kay Aling Narcisa upang humingi ng tawad at nakipag-areglo.

Dahil ayaw na rin ng maglola na maabala pa ay pumayag na lang sila sa perang ibibigay ni Elena bilang kabayaran at danyos.

Pag-uwi sa bahay ay labis na pinagalitan ni Elena ang kaniyang anak.

“Hindi sa lahat ng oras ay tutulungan kita, Ed! Sumosobra ka na! Nakakahiya na sa mga kapitbahay dahil pati sa akin ay iba na ang tingin nila dahil sa mga pinapasok mong gulo! Hindi ka pa nakuntento, pinagnakawan mo pa ang tindahan ng matanda. Ano ba talaga ang gusto mong gawin sa buhay mo?! Napapagod na talaga ako sa’yo! Susunod ay hindi na talaga kita tutulungan!” bulyaw ni Elena sa anak.

Kahit gaano pa ang gawing pagsigaw ni Elena ay tila hindi siya naririnig ni Ed. Hindi kasi maalis sa isip ng binata ang apo ni Aling Narcisa na nagsumbong sa baranggay kaya siya nahuli.

Nang hapon ding iyon ay kasama na naman ni Ed ang kaniyang mga barkada.

“Papayag ka bang basta ka na lang tinuro nung Obet na ‘yon? Ang tingin ngayon no’n sa’yo ay mas nakakaangat na siya!” sulsol ng isang kaibigan.

“Kanina ko pa nga iniisip ang walang hiyang lalaking iyon. Akala niya ay basta ko na lang palalampasin ang ginawa niya sa akin? Humanda siya mamayang gabi at gagantihan ko siya. Walang nakakalamang sa akin!” sambit muli ni Ed.

Upang patunayan ang kaniyang kakayahan ay pinasok muli ni Ed ang bahay ng maglola upang makaganti sa binatang si Obet. Tahimik niyang pinasok ang silid ng binata habang hawak niya ang isang patalim at doon ay inundayan niya ito ng saks@k.

Sumigaw si Obet habang nakikipagbuno kay Ed para sa kaniyang buhay. Nang marinig ng matanda ang nangyayari ay agad siyang tumakbo pabalik ng kaniyang silid at saka tumawag ng pulis at ambulansya.

Nang makita naman ni Ed na nasaksihan ng matanda ang nangyayari ay agad na itong tumakas. Nang masigurado ni Aling Narcisa na wala na si Ed ay saka niya pinuntahan ang kaniyang apo upang tingnan ang kalagayan nito.

Napaluhod na lamang ang matanda nang makita niyang duguan ang walang malay na apo.

Agad na dumating ang ambulansya at mga pulis. Dinala si Obet sa ospital habang hinihingan ng mga awtoridad ng salaysay si Aling Narcisa. Itinuro agad ng matanda ang binatang si Ed.

Samantala, pag-uwi naman ng bahay ay humahangos si Ed. Nagising na lamang si Elena at nakita niya ang anak na nasa banyo at nililinis ang katawan.

“A-ano ang ginawa mo, Ed? Bakit ang dami mong dugo?!” natataranta na wika nI Elena.

“‘Nay, hindi ko sinasadya. Hindi ko po sinasadya. Patawarin n’yo na ako. Magbabago na talaga ako. Itago n’yo lang po ako sa mga pulis! Magbabago na talaga ako, parang awa n’yo na, ‘nay, tulungan n’yo ako!” nangangatal dahil sa labis na pagkabigla sa nagawa itong si Ed.

“Anak, bakit mo ‘yun ginawa?! Hindi ba pinagsabihan na kita na umiwas sa gulo? Paano na ito ngayon? Sigurado akong hahanapin ka nila!” wika pa ni Elena.

“Ako na po ang bahala magtago sa sarili ko basta huwag n’yo po akong ituturo. Aalis na rin ako, ‘nay. Basta sabihin n’yo sa mga pulis na hindi n’yo ako nakita at matagal na akong wala dito sa bahay! Itanggi n’yo na may kinalaman ako sa lahat ng nangyaring ito!” pakiusap pa ng binata.

Simula noong gabing iyon ay pilit nang nagtago si Ed sa mga awtoridad. Sa tuwing tinatanong si Elena sa tunay na kinaroroonan ng kaniyang anak ay labis ang pagtanggi nito.

Sa kabilang banda ay nasa ospital pa rin ang binatang si Obet. Nag-agaw buhay ito dahil sa mga s@ksak na kaniyang natamo at maraming dugo na nawala sa kaniya.

Isang araw ay hindi na alam ni Aling Narcisa ang kaniyang gagawin kaya pinuntahan na niya si Elena sa bahay upang kaniyang makausap.

“Ilabas mo na ang anak mo, Elena. Alam kong alam mo kung nasaan siya. Kawawa ang apo ko. Hindi karapat-dapat na nangyari sa kaniya ‘yun dahil mabait siya at nais lang niya akong protektahan! Tulungan mo akong makamit ko ang hustisya para sa kaniya,” pagtangis ni Aling Narcisa sa ginang.

Ngunit tikom pa rin ang bibig ni Elena. Hindi niya kailanman ituturo ang kaniyang anak.

“Elena, nanay ka rin. Nawa’y hindi mangyari ito sa anak mo. Kilala mo kung gaano kabait ang apo ko at kung ano ang likaw ng bituka ng anak mo. Sana ay tulungan mo kami. Huwag mong hayaang madagdagan pa ang biktima ni Ed!” umiiyak muling pakiusap ng matanda.

Sa sinabing ito ni Aling Narcisa ay labis na nahabag si Elena. Ngunit hindi rin naman niya nais na makita ang kaniyang anak sa likod ng rehas.

Hanggang isang araw ay nakatanggap si Elena nang balita na hindi pa rin nagbabago ang kaniyang anak na si Ed. Kahit saan ito pumunta ay gulo pa rin ang kakambal nito. Kaya naisipan niyang pauwiin na lang ang binata.

“Nakipag-areglo na ako kay Aling Narcisa at tinanggap naman nila. Ako na lang ang magbabayad ng mga gastusin sa ospital. Umuwi ka na anak at ayos na ang lahat,” sambit ni Elena sa anak.

Labis naman itong ikinatuwa ng binata.

“Sabi ko na nga ba at hindi n’yo ako matitiis, ‘nay! Ang galing n’yo talaga. Bukas na bukas ay uuwi na ako. Hindi ko na rin gusto dito sa pinagtataguan ko. Hindi ako nakakakain at nakakatulog nang maayos,” wika pa ni Ed.

Kinabukasan, maaga pa lamang at naroon an si Ed sa kanilang tahanan. Niyakap niya ang kaniyang ina bilang pasasalamat sa ginawa nitong pag-areglo sa nagawa niyang pananaks@k sa kawawang si Obet.

Ngunit habang masaya niyang kinakausap ang ina ay bigla na lamang nagsidatingan ang pulis at hinuli itong si Ed.

“A-anong ibig sabihin nito, ‘nay? ‘Di ba, pumayag na sila Aling Narcisa na makipag-areglo? Sabihin mo sa mga pulis, ‘nay!” sambit ni Ed sa ina habang nagpupumiglas sa mga pulis.

“Pasensiya ka na, anak, pero tama na ang ginagawa mong pagsira sa buhay mo! Hindi sa lahat ng pagkakataon ay ako ang lulusot sa gusot mo. Kailangan mong harapin ang kasalanan mo, anak. Kung kinakailangan kang makulong upang tuluyan kang magbago ay handa akong harapin ito. Patawad, anak, pero kailangan kong gawin ang tama!” umiiyak na paliwanag naman ni Elena.

Tuluyan nang dinakip si Ed ng mga pulis. Dahil malakas ang ebidensya laban sa binata ay agad itong nahatulan at nakulong. Mabigat man sa kalooban ni Elena ang ginawang pagpapahuli sa kaniyang anak ay nananalig siyang sa wakas ay mapagtatanto rin ng kaniyang anak ang lahat ng mga maling nagawa nito upang tuluyan nang magbago.

Samantala, nakaligtas naman si Obet sa tiyak na kapahamakan. Labis ang pasasalamat si Aling Narcisa sa tulong na ibinigay ni Elena upang makamit nila ang hustisya.

Panahon na lamang ang makakapagsabi kung tuluyan nang magbabago itong si Ed. Ngunit isa lang ang malinaw. Pinagbabayaran na ng binata ang lahat ng kaniyang mga kasalanan. Patuloy ang pananalig ni Elena na isang araw ay makakalabas din ang anak sa piitan at tuluyan na itong magbagong buhay.

Advertisement