
Tumanggap ng Aplikanteng may Hindi Kaaya-Ayang Itsura ang Dalaga; Hindi Akalain ng Manager na Tama Pala ang Desisyong Ito
“Sis, kanina pa pabalik-balik dito si Ms. Glenda at hinahanap ka. Umuusok na naman ang ilong dahil kailangan na raw niya ngayong makita ‘yung report na pinagawa niya sa’yo. Bilisan mo nang makarating dito at tiyak kong masasabon ka na naman niyan,” saad kay Alyssa ng kaniyang kaibigan at katrabahong si Melody.
“Pakisabi malapit na ako. Pasensiya na kamo at sobrang bigat ng daloy ng trapiko ngayon. Pero nakahanda naman na ‘yung kailangan niya,’ tugon naman ng dalaga.
Nagtatrabaho sa isang logistics company itong si Alyssa. Dahil sa layo ng kaniyang bahay sa pinagtatrabahuhang kompanya ay hulas na ito bago pa man makarating. At dahil din sa madalas siyang mahuli sa trabaho ay pinag-iinitan na siya ng kaniyang manager na si Glenda.
Hindi na mapakali si Alyssa sa kakatingin sa kaniyang relo. Ngunit habang bumibilis ang oras ay lalong bumabagal ang andar ng dyip na kaniyang sinakyan.
Hanggang sa bigla na lamang sumigaw ang drayber at pinapababa ang lahat. Nasira ang sasakyan at bigla na lamang tumirik.
“Ibabalik ko na lang po ang bayad n’yo. Lumipat na lang kayo ng ibang sasakyan!” saad ng drayber.
“Pero manong, mahirap pong maghanap ng masasakyan sa lugar na ito. Punuan na ang lahat. Baka kaya n’yong ayusin nang mabilis!” saad ni Alyssa sa ginoo.
“Naku, miss. Titingnan ko pa kung ano ang nasira. Saka baka matagalan pa ito. Humanap na lang kayo ng ibang masasakyan!” dagdag pa ng drayber.
Hindi na alam ni Alyssa ang kaniyang gagawin. Pakiramdam niya ay talagang tinamaan siya ng malas nang araw na iyon. Tanggap na niyang mabubungangaan siya ng kaniyang manager. Tatawag na sana siya sa opisina upang sabihin na kalahating araw na lamang siya papasok ngunit isang ginoo ang lumapit at agad na tiningnan ang sasakyan.
“Natuyuan lang itong makina mo, boss,” saad ng ginoo.
Tinulungan ng lalaki na ayusin ang dyip at ilang sandali pa ay gumana na itong muli. Labis ang pasasalamat ng mga tao sa lalaki. Hindi na kasi nila kailangan pang maghanap ng masasakyang muli.
Humahangos si Alyssa na pumasok sa opisina. Sinalubong kaagad siya ni Ms. Glenda na kanina pa naghihintay sa kaniya.
“Aba, Alyssa, daig mo ako, a! Ikaw ba ang boss dito at papasok ka sa oras na gusto mo? Nasaan na ang report na ipinagawa ko sa’yo? Siguraduhin mo lang na maayos ang lahat ng iyan dahil malilintikan ka talaga sa akin!” nanggagalaiting sambit ng manager.
“Kapag naulit pa ‘to, Alyssa, bukod sa memo na matatanggap mo ay baka tanggalin na rin kita sa trabaho!” dagdag pa ni Glenda sabay hablot ng report at saka tuluyang tumalikod sa dalaga.
Hindi man lamang nakapagpaliwanag ang dalaga.
“Kahit naman magpaliwanag ka do’n kay Ms. Glenda ay hindi rin naman niya tatanggapin. Tara na at may mga kailangan pa tayong interview-hin sa labas,” paanyaya ng kaibigang si Melody.
Maya-maya ay may isang pamilyar na mukha ang napansin ni Alyssa na naroon sa tanggapan ng opisina.
“Hindi po ba kayo ‘yung lalaking gumawa ng dyip kanina? A-ano po ‘yung ginagawa n’yo rito?” tanong ni Alyssa sa ginoo.
“Mag-a-apply sana ako bilang isang drayber dito. Nagsara kasi ang kompanya namin at nawalan ako ng hanapbuhay. Ako nga pala si Ramon,” wika naman ng ginoo.
“Ayos po pala! Ako po si Alyssa. Ako po ang magsasagawa ng paunang interbyu sa inyo. Saka ko po kayo i-endorso sa aking manager. Halina po kayo sa loob nang makapanayam ko na po kayo,” sambit muli ng dalaga.
Habang iniinterbyu ni Alyssa si Mang Ramon ay nahabag ang dalaga sa istorya ng ginoo.
“Nalugo ang kompanyang pinapasukan ko kaya nawalan kami ng trabaho. May apat na anak pa naman ako at lahat sila’y sa akin lang umaasa. Ito lang naman ang tanging alam kong gawin. Ilang kompanya na ang pinuntahan ko ngunit hindi talaga ako pumapasa,” saad ni Mang Ramon sa dalaga.
Sa totoo lang ay mataas ang kwalipikasyon na hinahanap ng kompanya. Maganda sana ang mga karanasan ni Mang Ramon sa pagiging drayber ng truck ngunit alam ng dalaga na hindi ito papasa lalo na sa manager niyang si Ms. Glenda dahil sa panlabas nitong itsura.
Maliit lamang si Mang Ramon at medyo maitim din ang kulay ng kaniyang balat. Lukot pa nga ang polo na suot nito at halata mo na luma na. Sira rin ang mga ngipin nito kaya hindi ito makapagsalita nang maayos.
Ngunit ganoon pa man ay nais na bigyan ni Alyssa ng pagkakataon ang ginoo.
“I-eendorso ko po kayo sa manager ko para sa huling interbyu. Siya po ang magdedesisyon kung makukuha n’yo ang trabaho,” saad ng dalaga.
Ngunit ilang sandali pa lang na nasa tanggapan ng manager si Mang Ramon ay pinaalis na ito kaagad.
Napatingin na lamang si Alyssa sa ginoo habang nakayuko itong lumabas ng opisina.
Ilang sandali pa ay narinig niya ang sigaw ni Ms. Glenda.
“Ano ka ba, Alyssa? Nakita mo ‘yung isang lalaking kakalabas lang dito? Bakit mo ininderso pa ‘yun sa akin? Itsura pa lang niya ay hindi na siya kwalipikado sa trabaho! Nag-iisip ka ba? Paganahin mo naman ‘yang utak mo dahil kaunti na lang ay sisisantihin na talaga kita!” bulyaw ng boss.
“Maganda kasi po ang mga karanasan niya bilang isang drayber. Saka ma’am, nakasakay ko po ‘yung lalaking iyon sa dyip kanina. Nasira ang sasakyan ngunit mabilis niyang nakita kung ano ang problema. Mapapakinabangan po siya ng kompanya,” depensa naman ni Alyssa.
“Kahit siya pa ang pinakamahusay na drayber sa mundo ay hindi siya pwedeng magtrabaho dito dahil sa itsura niya! Nakakadiri! Baka pagnakawan pa niyan ang mga idedeliver niyang mga kargamento kung sakali!” muling saad ni Ms. Glenda.
“Sobra naman kayo, ma’am. Mukha naman pong mabait ‘yung tao. Dapat po ay hindi n’yo na lang siya pinagsalitaan ng masama. Baka po bumaba ang kompyansa niya sa kaniyang sarili. Saka ipapaalala ko lang po sa inyo na drayber po ang hinahanap natin at hindi po artista,” saad pa ng dalaga.
Labis na ikinainis ng manager ang sinabing ito ng dalaga.
Nang umaga ding iyon ay isang matipunong lalaki ang nag-apply bilang isang drayber at agad itong tinanggap ni Ms. Glenda.
“Hindi nga artista ang hanap natin pero mas maganda kung mas mapagkakatiwalaan ang itsura hindi ba, Alyssa?” pilit na pinapamukha ni Ms. Glenda sa dalaga ang mga sinabi nito.
Ilang oras pa ang lumipas at sumapit na ang break ng lahat. Lumabas sina Alyssa at Melody upang kumain ng tanghalian sa labas. Doon ay nakita nila ang ginoo na kumakain sa isang maliit na karinderya. Tanging kanin at sabaw lamang ang kinakain nito.
Nilapitan ni Alyssa ang ginoo dahil nais niyang humingi ng tawad sa ginawa ng kaniyang manager.
“Sa totoo lang po, kung ako ang tatanungin ay ibibigay ko sa inyo ang trabaho. Sa tingin ko kasi ay magagampanan n’yo ito nang maayos. Pasensiya na talaga kayo sa mga sinabi ng amo ko,” paumanhin ni Alyssa sa ginoo.
“Ayos lang sa akin ‘yun. Sa totoo lang ay dapat masanay na ako na hindi talaga natatanggap dahil sa katayuan ko sa buhay. Nais ko man kasing unahin ang sarili ko’y uunahin ko na lang ang kumakalam na tiyan ng aking mga anak,” wika pa ni Mang Ramon.
Nahabag si Alyssa sa ginoo. Nag-isip niya ng paraan upang matulungan niya si Mang Ramon.
“May kilala po akong dentista, Mang Ramon. Pwede po kayong lumapit sa kaniya para makapagpagawa po kayo ng pustiso. Ako na po muna ang magbabayad. Makalipas po ng isang linggo ay bumalik kayo ulit dito sa aming tanggapan para mag-apply. Ito rin po ang limang daang piso para po makabili naman kayo ng bagong polo. Bayaran n’yo na lang po ako kapag po natanggap kayo,” saad ni Alyssa sa ginoo.
Labis ang pagkabigla ni Mang Ramon. Lubos ang kaniyang pasasalamat ngunit hindi niya kayang tanggapin ang pera na pinapahiram ng dalaga.
“Paano kung hindi ako matanggap sa trabaho? Wala akong ibabayad sa’yo,” wika ni Mang Ramon.
“Bayaran n’yo na lang po ako kapag kaya n’yo na. Pero sigurado po akong matatanggap kayo, Mang Ramon. Subukan po ninyo ulit,” sambit ng dalaga.
Lumipas ang isang linggo at muling nagbalik si Mang Ramon sa opisinang iyon upang mag-apply ng trabaho. Labis na nagulat si Alyssa sa malaking pagbabago ni Mang Ramon nang makita niya ito.“Hindi ko kayo nakilala, Mang Ramon! Malakas po ang kutob ko na ngayon ay matatanggap na kayo sa trabaho!” saad ng dalaga.
Nang makita naman ni Ms. Glenda ang biodata ni Mang Ramon sa kaniyang mesa at agad niyang tinawag si Alyssa.
“Hindi ba sinabi ko na sa’yo na hindi ko tatanggapin ang lalaking ito. At pinabalik mo pa talaga! Huwag mo nang papasukin pa ang lalaking iyan sa tanggapan ko, a! Inutil ka!” muling bulyaw ni Ms. Glenda.
Sakto namang pumasok ang may-ari ng kompanya at nagulat sa nangyayaring ito sa dalawa.
“Ano ang nangyayari dito, Ms. Glenda?” tanong ng may-ari.
“Ito po kasing tauhan natin pinapasakit lagi ang ulo ko. Sinabi nang bagsak ang aplikanteng ito pero pinabalik pa niya,” sambit ng manager.
Tiningnan ng may-ari ang biodata na hawak ni Ms. Glenda.
“Maganda ang karanasan ng taong ito sa pagmamaneho. Kakailanganin ng kompanya ng tulad niya. Bakit naman hindi ito nakapasa?” pagtataka ng may-ari.
“Hay naku, sir, kapag po nakita niyo ang itsura ng lalaking iyan ay hindi n’yo na tatangkain pang ipasa ‘yan!” sambit muli ni Glenda.
Dahil dito ay pinapasok ng may-ari si Mang Ramon. Doon ay nagulat pati si Ms. Glenda sa itsura nito ngayon. Malaya na itong nakakangiti dahil mayroon na itong mga ngipin at maayos na rin ang pananamit nito.
“Ramon, ako na ang mismong tumatanggap sa iyo sa kompanyang ito. Ngayon pa lang ay pwede ka nang magsimula habang inaayos mo ang mga kailangang mga dokumento at requirements,” wika ng may-ari.
Napahiya naman si Ms. Glenda sa ginawang ito ng amo.
Labis naman ang saya ni Mang Ramon dahil sa wakas ay mayroon na itong trabaho at masusuportahan na niya ang kaniyang pamilya. Hindi alam ng ginoo kung paano niya mapapasalamatan si Alyssa sa ginawa nito para sa kaniya.
“Pagbutihin n’yo lang po ang trabaho, Mang Ramon. Tiyak ko pong magtatagal kayo sa kompanyang ito. Binabati ko po kayo dahil sa wakas ay tanggap na po kayo!” masayang sambit ni Alyssa.
Napansin ng may-ari ng kompanya ang galing ni Alyssa sa pagkilatis ng mga tao. Lalo pang napatunayan ito ng dalaga nang si Mang Ramon ang nahirang bilang pinakamahusay na drayber sa kanilang kompanya.
Samantala ang lalaking may itsura na agad na tinanggap ni Ms. Glenda upang maging drayber ay nangungulimbat sa kanila ng kargamento. Tamad din ito at laging palpak ang trabaho.
Masaya si Alyssa na sa maliit na paraan ay nakatulong siya kay Mang Ramon. Habang buhay namang tatanawin ng ginoo na utang na loob ang ginawa ng dalaga para sa kaniya.